“Gusto ko ng lumaya. Gusto kong kumawala. Nakakapagod. Ayoko na. “
Mga linya na karaniwan kong naririnig sa mga taong nakakulong ng wala naman sala. Malaya ngunit hindi malaya.
Naaalala ko pa noong bata ako gusto ko agad tumanda. Gusto ko magawa lahat ng gusto ko. Gusto kong puntahan yung malalayong lugar. Gusto ko mabili lahat ng gusto kong bilhin. Gusto kong mas maging malaya. Ayoko na ng kasama ko mama ko sa lahat ng pupuntahan ko. Andaming bawal noon. Kailangan bago mag alas-sais ng gabi nasa loob na ko ng bahay. Kailangan matulog ako ng hapon kung hindi bawal ako makipaglaro sa mga kaibigan ko o wala akong meryenda. Inggit ako sa ate at kuya ko na kahit di umuwi ng bahay isang araw puwede, pinapayagan.Inggit din ako sa mga kalaro ko na hanggang gabi nakakapaglaro pa. Inggit ako dahil hindi ako makasali sa larong tagu-taguan at bamsak na karaniwang nilalaro tuwing gabi. ‘
Lumipas ang panahon, unti-unti na kong tumatanda. Nagagawa ko na rin ang mga gusto kong gawin noong bata pa ko. Ngayon sa 19 na taon ko ng nabubuhay, parang lahat ng inakala ko na mangyayari, bakit parang di naman nangyayari. Naging malaya nga ko pero bakit ang hirap. Bakit yung saya panandalian lang? Bakit parang ang daming kailangang gawin at kailangang sundin? Ang bigat ng responsibildad. Kabilang na dito ang pressure na nakukuha ko sa aking pamilya at mga kamag-anak. Naalala ko, isang beses na nagkaroon ng reunion ang aming pamilya, nag-usap usap ang mga nakatatandang miyembro tungol sa buhay-buhay. Pinaguusapan nila ang mga gusto nilang mangyari sa mga anak nila, na tila ba sila mismo ang gagawa ng mga iyon at tila bang sigurado na sila na ito talaga ang gusto namin. Narinig ko ang mga tito ko na pinipilit ang pinsan ko na magsundalo na la,ang at tigilan na ang kahiligan sa pagsasayaw dahil wala siyang mararating. Ang isa ko naming tito, tinatanong na ang aking ate kung kailan mag-aasawa. Kailangan na daw niya mag-asawa dahil nasa tamang edad na siya at saying naman daw ang lahi. Napailing na lang ang ate ko. Narinig ko din ang tita ko na pinipilit ang aking pinsang babae na magsuot ng bestida at tigilan ang paglalaro ng basketbol. Andami pang usapan ang aking narinig patungkol sa mga gusto nila na taliwas sa aming magpipinsan. Ganito na lang lagi ang aming karanasan tuwing may reunion. Andami nilang gusto mangyari sa amin, ngunit lingid sa kanilang kaalaman na alam naming kung ano ang bgusto naming, alam naming kung saan kami magaling at hindi.
Sa pamantayan ng mga nakatatanda sa aming pamilya, karaniwan ay ang mga lola’t lolo, dapat ang mga kursong dapat na kunin ay yung may mga board exam para mas malaki sahod at mas maganda ang oportunidad. Kung ikaw ay babae dapat doctor o guro ang iyong kunin. Kung lalaki ka naman inhinyero, sundalo o pulis ang gusto nila. Dapat din sa ganitong edad nagawa mo na ito at dapat mayroon ka ng ganito. Mga pamantayan na tila kapag hindi mo nasunod ay isa kang kahihiyan o malaking pagkabigo sa pamilya.
Isa kaming presong walang posas, presong wala sa bilangguan at presong gusto lang kumawala sa tradisyong paniniwala. Iba naman kasi ang henerasyon noon sa henerasyon ngayon. Hindi rin ba maaring baguhin ang mga pamantayan o “standards” kung tawagin. Mahirap kasi na sumunod kung alam mo sa sarili mo na yung totoong ikaw ay hindi naman talaga pasok sa pamantayan na iyon. Hanggang kailan ka magtitiis at susunod na lang sa sinasabi ng lipunan? Kailan ba? Kailan ba ang panahong ang lahat ng tao ay namumuhay ng masaya at malaya?
Gusto ko na lang bumalik sa pagkabata na ang tanging problema lamang ay kung papaano matulog sa hapon o paano ko mapipilit ang nanay ko para payagan ako maglaro ng mga larong pambata.
Ibalik niyo na ako, ayoko na.
Ang Lohika ng mga Bula ni Luna Sicat-Cleto