Tiwala, hindi 'yon freebies na pwede mong hingin. Hindi rin 'yon katulad ng mga produkto sa mga tindahan na pwede mong bilihin. Hindi rin ito isang bagay na basta-basta na lang ibinibigay dahil para itong isang sugal na maaaring mabuti o masama ang kalalabasan na maaaring puso, damdamin at pagkatao ang nakataya. Ang tiwala ay katulad ng pagmamahal na sa kanilang pagkakatulad ay hindi mabubo ang isang magandang relasyon kung ang dalawang ito ay hindi magkasama. Ngunit katulad ng pagmamahal, ang tiwala ay hindi rin ibinibigay ng buo dahil katulad ng pagmamahal, kapag ibinigay mo ng buo, ikaw ay magmumukhang tanga.
Para isa isang taong minsan nang nasira ang tiwala sa kanyang kaibigan, kapamilya, o minamahal, kadalasan ay nagiging mahirap para sa kanya na muling magtiwala pa sa iba. Lalo na kung nasa kanya ang malaking kawalan dulot sa pagsira sa tiwalang ibinigay nya sa taong kanyang pinagkatiwalaan. Tiwala, napakalaking issue. Kasabay na nito ang pagdududa, pag-aalinlangan, pagtatanim ng sama ng loob, pagkagalit at marami pang iba.
Nais ko sanang ilahad ang temang ito sa pananaw ng isang taong misan nang nasaktan sa pagbibigay ng tiwala, sa aking sarili mismo. Ngunit sa kabilang banda, aking naisip, minsan na nga ba talaga akong nasaktan dahil sa pagbibigay ng tiwala o natatakot lamang akong isugal ang aking tiwala sa dahilang ayokong masaktan.
Marahil ay dumemepende ang resulta ng pagtitiwala sa kung kanino ito ibibigay. Hindi ko masabing parepareho ang magiging resulta ng pagbibigay ng tiwala dahil magkaka-iba ang bawat tao. Higit pa rito, hindi lang tao ang maaaring pagkatiwalaan. Gayun pa man, sabihin na lang nating mahirap magtiwala sa mga tao.
Unahin na natin ang ating sarili. Tiwala sa sarili, mabuti ang may kakaunti at di nakakabuti kung sumosobra. Ang tiwala sa sarili ay parang isang paris ng pakpak na mag-akyat sa iyo sa isang napakataas na lugar na kung anong taas ng iyong marating ay ganon din kasakit kung ika'y bumagsak. Ang kawalan naman ng tiwala sa sarili ay tila isang paraan na pag-kulong sa kakayanan ng isang tao. Isang pagkakakulong na mahirap kumawala lalo na kung walang tutulong. Ang kawalan ng tiwala sa sarili ay hindi mabuti sa atin maging ang pagkakaroon ng sobra. Hindi ito madaling ibalanse ngunit hindi imposible.
Ang tiwala naman pagdating sa pag-ibig ay mahirap ipaliwanag. Napaka lawak nito. Ang alam ko lamang, madali itong ibigay ng buo sa simula ngunit pag ikaw naman ay nasaktan, mahirap nang ibigay kahit pa sa isang katiwa-tiwalang tao. May iba naman ding masasabi nating  galante pagadating sa pagbibigay ng tiwala. Sila yung mga paulit-ulit nang nasaktan sa pagtitiwala sa mga manloloko, di na natuto kaya lahat na lang ipinapagkatiwala pa rin sa kung sino man ang dumating. Mararahil ay maiisip natin na tanga mga taong ito ngunit sa kabilang banda ay hindi natin sila pwedeng husgahan sa kadahilanang may mga ibang bagay rin silang pinagdadaanan na maaaring ito ang dahilan kung kaya't ganito ang nagyayari sa kanila pagdating sa pagbibigay ng tiwala. May mga tao naman na kabaliktaran ng pangalawa nating nabanggit. ito 'yong tipong, nariyan na 'yong isang taong katiwatiwala, hindi pa rin makapagbigay ng tiwala na walang halong pagdududa. Umaabot pa sa puntong marami nang istorya ang nabubuo sa kanyang isipan na lalo lamang makakapagpataas ng pagdududa samantalang wala naman talagang dapat ipag-alala. Masasabi kong sa isang banda ay ganito ako. Mahirap rin pakisamahan ang ganitong klaseng tao. Lalo na pagdating sa pag-ibig. 'Yong tipo bang ginawa mo na lahat naghihinala pa rin. Pero sa kabilang banda, h'wag rin sana nating husgahan ang mga taong ganito. Marahil ay mayroon lamang silang karanasan sa kanilang nakaraan na lubos na nakapanakit sa kanila kaya't sa tuwing naiisip nilang magtiwala, takot ang nararamdaman nila. Maaari ring marami na silang nakikitang nasasaktan at ayaw nilang matulad sa mga ito na kahit naisin man nilang magmahal, may isang boses na bumubulong sa kanila na h'wag silang magtitiwala dahil masasaktan sila. Sa bandang huli, madalas pa ay nasasaktan rin sila dahilan sa hindi sila makapagbigay ng tiwala sa taong sana ay magbabago ng pananaw nila tungkol sa pagbibigay ng tiwala sa pag-ibig.
Ang ikahuli, tiwala sa Panginoon. Ang tawag nila dito ay pananampalataya. Madalas tayong nagkukulang dito at ito ay  hindi nakakabuti. Kung tayo ay may malaking tiwala sa Panginoon, ito ay mabuti dahil kailan man ay hindi niya tayo bibiguin.
Bago ako matapos, nais kong sabihin na ang pagbibigay ng tiwala ay isang bagay na maaaring magdulot sa atin ng kalungkutan o kasiyahan kaya't bago natin ibigay, dapat nating alamin kung sino at anong klaseng tao ang ating pagbibigyan.