100 TULA AT AWIT PARA KAY STELLA - PERO IISANG PAG-IBIG
Maikling "Movie Reflection" sa 100 awit para kay Stella.
8 taon. 8 taon noong nagsimula ang pagsulat ng 100 tula para kay Stella - isang babaeng go with the flow lang sa buhay… pero inibig pa rin ni fidel. Kahit wasak na siya, kahit mali lahat ng desisyon niya sa buhay, tuloy pa rin ang 100 tula na punong-puno ng pag-ibig para kay fidel.
8 taon din ang nakakalipas noong huminto ang pagsulat ng tula sa 100. Nagtapos sa mga tanong na "Hindi na ba talaga puwede?" Kasi hindi na talaga puwede. May kumupkop kay Stella. May bunga na ang kanilang pagmamahal - magkakaanak na sila. Hindi na talaga puwede. Imposible talaga kasi huli na noong umamin si Fidel. At huli na din noong aminin ni Stella na alam niyang mahal siya ni Fidel.
Pero ang pagtatapos pala ng 100 tula ay pagsisimula lamang ng 100 awit para kay Stella. Ang mga tula ngayon ay mas may lalim dahil nilapatan ng himig, melodiya - sumasabay sa tunog ng tibok ng puso. Nagsimula ang 100 awit sa pagbabalik tanaw sa pag-ibig na nakalipas. Oo, para pakinabangan sa kasulukuyan, magamit sa trabaho bilang ghost composer ng isang artista. Pero ang 100 awit ay patunay na hindi nabura ang 100 tula 8 taon ng nakakalipas. Mayroon 100 awit kasi buhay pa rin ang 100 tula.
Kaya naman, matapos ang 8 taon, nagkatagpo sila, alam ni Stella na kay Fidel galing ang mga kanta… kasi hindi nakakalimot ang puso sa mga kabutihan at tunay na pagmamahal na naramdaman nito. Walang "delete forever" sa puso. Kaya alam ng puso ni Fidel kung nasaan ang puso ni Stella, at alam ng puso ni Stella kung nasaan ang puso ni Fidel - dahil sa pag-ibig, hindi naman talaga nagkalayo ang kanilang mga puso. Ang mga puso nila ay nakatadaha talagang magtagpo palagi.
Pero kahit may 8 taong nakalipas, at may pagtatagpo sa kasalukuyang oras at panahon - hindi kailanman naalis ang sakit na dulot ng pag-ibig. Wala ngang "delete forever" sa puso. Kasi hindi pa rin nakakamove-on si Stella sa sakit ng nangyari noong nawalan siya ng anak at mapunta siya sa mapang-abusong kamay ng kaniyang asawa. At hindi pa nakakausad si Fidel sa pagtatago sa kaniyang mga tula at awit dahil kakaunti ang kaniyang tiwala at pagmamahal sa sarili. Bakit nga kaya ganun? Kung kailan inakala mong umusad ka na, doon mo pa lang masasabing - hindi pa pala? Nakatali ka pa rin pala sa nakaraan. Nakalugmok ka pa rin pala sa sarili mong kahinaan. Walang batid pa rin ang pagpunas sa mga mga matang sa luha'y hindi nauubusan. At walang katapusang paglalagay ng gamot sa isang pusong sugatan.
Hanggang nakita nila ang dahilan kung bakit kailangan nilang magtagpo matapos ang 8 taon. Matapos ang 100 tula. At ngayon, matapos ang 100 awit. Pinagtagpo sila ng kanilang mga puso para maging taga-hilom ng bawat isa. Para lagyan ng tuldok ang mga tula ng nakaraan. At bigyang pahinga ang mga awit mula sa kaibuturan. Pinagtagpo para umusad. Pinagtagpo para muling magsimula. Pinagtagpo para mapatawad ang sarili. Pinagtagpo para muling palakasin ang loob ng isa't-isa sa laban ng buhay.
Pinagtagpo matapos ang 8 taon. Dahil natapos na ang 100 tula, at ngayon matatapos ang 100 awit, ngayon kaya na nilang tumindig ng wala ang isa't isa matapos ang 8 taon. Puwede na silang umusad ng wala ang isa't isa. Puwede na silang mamuhay ng walang mga "what if's". Puwede ng maging masaya sa kung sino sila. Panget man ang nakaraan o maganda. Limerence man o tunay na pagmamahal, wala na itong pagkakaiba. Tapos na. Akala ko, "I love you, goodbye" ang pinakamasakit na maririnig ko sa paalam ng mga pinagtagpo pero hindi tinadhana. Mas masakit pala 'yung mga salitang "I am proud of you." Kasi narating na noong mahal mo 'yung gusto mo para sa kaniya- 'yung maging tunay na masaya sa kung sino siya, nakatindig sa sarili niyang mga paa - at kahit sa kuwentong 'yun wala ka na. 'Yung "I am proud of you" na magpapaalalang ikaw 'yung nagturo noong daan kung saan siya dapat pumunta… masakit kasi alam mong sa daan na 'yun, hindi ka na kasama. Pero ang mahalaga, bahagi ka kung nasaan siya ngayon.
Natapos ang 100 tula 8 taon na nakakalipas. At ngayon matatapos ang 100 awit - pinagtagpo, oo… pero di pa rin tinadhana. Sabi nga ni Fidel, baka sa susunod, may plot twist ang tadhanan. Pero may tama din si Stella ng sabihin niyang: "Siguro ganito nalang talaga tayo… gamot sa sugat ng isa't isa."
Sana sa langit… hindi nalang pagtagpuin. Itadhana na sana din.
P.S. Baka magpapari talaga si Fidel. HAHA