May mga sandali na hindi naman malalim ang nangyari, pero tumatama siya sa isang parte mo na matagal nang hindi nagagalaw. Yung simpleng biruan sa mesa, tapos bigla kang napatawa nang hindi mo mapigilan. Yung tawang may tunog ng pagod, may halong ginhawa. Bago mo pa mapansin, may luha kang pinupunasan. Hindi dahil malungkot, kundi dahil hindi mo na maalala kung kailan ka huling tumawa nang ganito.
Meron ding mga tagpong hindi mo inasahang bubuksan ka. Yung biglang may nag-abot ng bagay na matagal mo nang gusto pero hindi mo sinasabi. Yung simpleng “andito lang ako” na hindi mo hinihingi pero dumating. Yung mababaw na success na sa totoo lang, hindi naman malaking bagay sa iba, pero para sa isang taong sanay magtiis, parang may nabasag sa loob. Masaya ka. Pero may luha. Kasi hindi ka sanay sa gaan.
Minsan naman, natatawa ka sa gitna ng gulo. Yung tipong mali mali ka na sa stress, at biglang may nangyaring sobrang kabobohan kaya pareho mong naramdaman ang takot at katawa-tawa. Yung sandaling kinain ka ng pagod pero binawi ng isang simpleng biro. Hindi mo alam kung dapat kang magreklamo o tumawa. Kaya ginawa mo pareho.
Ang iyak-tawa ay hindi contradiction. Hindi siya clash. Parang maliit na puwang kung saan pumapantay ang bigat at gaan. Parang saglit na pahinga kung saan hindi mo kailangang magpanggap. Hindi mo kailangang mamili kung alin ang totoo sa nararamdaman mo. Kasi pareho silang totoo. Pareho silang sa iyo.
Paulit-ulit ka ng course pero nakagraduate ka rin.
Nakakatawa sa labas kasi parang running joke na, pero noong hawak mo na yung diploma, hindi mo alam kung tatawa ka dahil sa dami ng beses mong muntik sumuko, o iiyak ka dahil hindi ka bumitaw.
Natanggap ka sa trabaho pagkatapos ng isang taon mong pag-aapply.
Sanay ka na sa “We regret to inform you,” tapos biglang may email na “Congratulations.” Mapapahalakhak ka sa disbelief, at may kasunod na luhang tutulo.
Nagtipid ka nang todo, tapos noong sweldo mo nagkaproblema sa payroll.
Nakakatawa sa malas, at may kasunod na konting iyak sa frustration.
Sobrang kabado ka sa interview, tapos basic lang ang tanong.
Nakanganga ka lang, tapos naiiyak sa pag-uwi dahil na-realize mong hindi ka pala bobo, sobrang pagod ka lang noon.
Nag-resign ka sa galit, tapos niregret mo pagkatapos makita mong mababa pala yung final pay.
Hahalakhak ka sa sarili, pero masakit din.
Hindi mo alam ang sagot sa recitation, pero lahat ng hindi mo alam tinawag ng prof.
Napatawa ka sa absurdity, at naiiyak sa biyahe pauwi dahil ramdam mo na pagod ka na sa pakiramdam na kulelat.
Nag-ipon ka ng confidence para mag-confess, tapos ang sagot niya ay “hala di ko napansin.”
Awkward tawa, at may marahang kirot.
Nanalo ka sa raffle, pero ang nakuha mo pinakamurang item.
Malakas ang tawa mo, at may luha sa dulo dahil matagal ka nang walang nararanasang swerte.
Akala mo bagsak ka sa finals, tapos pasado ka pala.
Tumawa ka agad, at nang nasa jeep ka na, may luha kang pinahid dahil isang buwan kang hindi nakatulog.
Nagka-crisis ka sa buhay, tapos biglang may promo ang favorite mong pagkain.
Tumawa, at may kasunod na konting iyak.
Ilang taon mong niligawan, pero basted ka pa rin sa huli.
Nakakatawa sa tagal mong nag-invest, pero pag-uwi mo, may luha kang pinigilan dahil ginawa mo ang lahat, pero hindi ikaw ang pinili. Ayos sana kung napunta ka sa "FRIENDZONE" kaso kahit dun hindi ka napunta.
Kapag sobrang pagod ka pero may nagbitaw ng timing na biro.
Halos sumuko ka na sa araw, tapos may sinabi ang kaibigan mo na sa iba baka hindi nakakatawa, pero sa iyo parang may nabuksang pinto. Tumawa ka nang sobra, at may lumabas na luha dahil iyon lang ang ginhawang natanggap mo buong linggo.
Kapag matagal mong hinintay ang isang bagay at sa wakas nangyari.
Simpleng good news lang—natanggap mo, naayos ang problema, gumaan ang bigat, at masaya ka sa iisang hininga.
Kapag may nagregalo o nagbigay ng maliit na kabaitan na hindi mo hiningi.
“Uy naalala kita kaya binili ko ’to,” o “Inreserve ko sayo yung upuan.” Para sa iba babaw, pero para sa isang taong hindi sanay alagaan, nakakabiyak siya. Tatawa ka, at may luha sa gilid.
Kapag may nakwento kang mababaw na memorya at biglang umabot sa core mo.
Kwentuhan lang, childhood, kalokohan… hanggang mapansin mo na masaya ka, pero may lungkot na sumisingit.
Kapag sobrang saya ng tropa, tapos may isang maliit na bagay na kumalabit sa emosyon mo. Lahat sila humahagalpak, at ikaw biglang nahuli ng sarili mong luha. Nag-overflow ka lang.
Kapag nag-crack ka sa sobrang pagod.
Nasa gitna ka ng trabaho o problema, tapos may nangyaring sobrang kabaliwan… natabig mo tubig, mali yung pinasa mo, napa-utang ka nang hindi sinasadya. Naiinis ka pero natatawa, hanggang umabot sa luha dahil sobrang naipon ang bigat.
Kapag may narealize kang huli na.
Na okay ka na, na napatawad mo na, na kaya mo pala. Yung realization na hindi mo hinahanap, pero tumama nang direkta. Masaya ka, malungkot ka, magkasabay.
Kapag matagal kang hindi masaya, tapos biglang may sandaling totoong magaan.
Hindi mo alam ang gagawin. Hindi ka sanay. Kaya tumawa ka nang sobra, at umiyak nang konti… kasi puwede pala.
At sa huli, ang lahat ng iyak at tawa ay sabay. Hindi mo kailangan pumili. Hindi mo kailangan itago ang bigat o pilitin ang saya. Pareho silang sa iyo, pareho kang buhay. Ang mga luha mo ay hindi palatandaan ng kahinaan, at ang tawa mo ay hindi laging pagkakalimot. Pareho silang pahintulot na maramdaman ang lahat, ang pagod, ang ginhawa, ang sorpresa, at ang simpleng kasiyahan.
Sa gitna ng lahat, may maliit na puwang para huminga. Para lang sa iyo. Isang puwang kung saan pwedeng magpahinga ang puso at isip, kahit sandali lang. Isang puwang na nagsasabi na okay lang maging tao, na okay lang mapagod at mapasaya. Na sa bawat iyak, may tawa; at sa bawat tawa, may iyak. Na sa dulo, hindi mo kailangan pilitin ang sarili.
Dito mo mararanasan ang kabuuan ng pagiging buhay. At sa bawat paghinga mo sa maliit na puwang na iyon, mararamdaman mo na ang lahat ng nangyari sa iyo, lahat ng luha, lahat ng tawa, ay hindi nasayang. Lahat ng ito ay sa iyo.
--///--
May kwento ako.
Basta sagot mo ang kape ko.
Click mo lang yung link.
☕ coff.ee/kwentoniblack
or Support me by
COMMENTING
REBLOGING
& LIKING