Kapit Lang (7 signs it's time to change jobs)
Habang naghahanap ako ng trabaho online, may nabasa akong article tungkol sa mga senyales kung oras na bang mag-resign o maghanap ng ibang trabaho.
Habang naghihintay ng reply sa mga application na ipinasa ko, at ng mga tawag mula sa mga employer na malamang nakalimutan na ang aking pangalan, napaisip ako.
Eto daw ang pitong senyales: 1. You dread going to work
Hindi na ito simpleng ayaw mo lang ng Monday. Ito yung tipong Sunday pa lang, parang may multong nakaupo sa dibdib mo. Tapos pag nag-ring ang alarm, ang una mong naiisip ay kung valid bang dahilan ang "ayoko na.
2. You envy other people's success
Kapag nakakakita ka ng taong masaya sa trabaho nila at ang unang reaction mo ay hindi inspiration kundi "sana all," baka may kulang na rin sa sarili mong career.
3. You've stopped thinking big
Dati may five-year plan ka. Ngayon ang long-term goal mo ay makaligtas hanggang Friday.
4. You're never challenged
Kabisa mo na ang trabaho hanggang sa kaya mo nang gawin habang kalahati lang ang kaluluwa mo ang present. Maganda ang comfort zone hanggang sa maging kulungan.
5. You have no work-life balance
Kapag ang trabaho mo ay may access na sa oras ng tulog, pagkain, bakasyon, pamilya, at mental health mo, hindi na siya trabaho. Para na siyang possessive na ex.
6. You don't feel listened to or appreciated
Nagbibigay ka ng effort, idea, at energy. Ang kapalit minsan ay seen zone sa email at dagdag na trabaho.
7. You're reading this article
Ayon sa article, kung binabasa mo ito, baka naghahanap ka na talaga ng pagbabago.
O baka bored ka lang.
Pero kung tutuusin, bihira naman ang taong naghahanap ng exit sign kung masaya pa siya sa loob ng building. --///--
Habang binabasa ko yung listahan, napansin ko na karamihan sa mga senyales ay tungkol sa nararamdaman mo sa trabaho. Pagod ka na ba? Hindi ka ba naa-appreciate? Nawalan ka na ba ng gana? Valid naman lahat iyon.
Pero bilang isang Pilipinong ilang beses nang nag-compute kung ilang araw pa bago ang susunod na sahod, napaisip ako. Minsan kasi hindi ganoon kasimple.
May mga taong galit na sa trabaho pero hindi makaalis. May mga taong umiiyak na sa CR pero pumapasok pa rin kinabukasan. May mga taong alam nang tapos na ang laban, pero may binabayarang renta, kuryente, internet, at mga magulang na hindi tumatanggap ng "self-care" bilang pambayad ng bills.
Kaya kung gagawa ako ng sarili kong listahan ng mga senyales, baka hindi ito tungkol sa kung masaya ka pa ba sa trabaho. Kundi kung ano ang mga bagay na unti-unti mong tinatanggap na hindi dapat normal.
1. Kapag hindi na sumasabay ang sahod sa buhay
Hindi mo hinihinging yumaman. Gusto mo lang na pagkatapos ng increase, hindi ka pa rin matalo ng isang linggong pamasahe at simpleng grocery sa palengke. Nakakatawa kasi minsan. Tatawagin kang valuable employee sa umaga, tapos pagsapit ng gabi, nagko-compute ka kung puwede pa bang gawing ulam ang itlog sa ikalimang araw.
2. Kapag ang overtime ay nagiging personality mo
Dati extra effort lang. Ngayon parang requirement na. Kapag tinanong ka kung anong hobbies mo, ang sagot mo ay "magtrabaho". Kapag tinanong ka kung anong ginagawa mo tuwing weekend, ang sagot mo ay "humabol sa mga bagay na hindi ko natapos noong weekdays."
Unti-unti mong nakakalimutan na ang oras ay bahagi rin ng sweldo mo.
3. Kapag ang pagiging mahusay ay may kasamang parusa
Natapos mo nang maaga? Heto pa ang dagdag na trabaho. Efficient ka? Ikaw ulit. Masipag ka? Ikaw na bahala.
May kakaibang sistema sa maraming trabaho. Kapag mabagal ka, tutulungan ka. Kapag magaling ka, magkakaroon ka ng increase; trabaho nga lang.
4. Kapag ang loyalty ay nagiging one-way street
May mga empleyadong limang taon nang loyal. Sampung taon. Minsan higit pa. Alam nila ang lahat ng proseso. Alam nila ang lahat ng problema. Alam nila pati pangalan ng printer na laging sira.
Pero kapag may budget cuts, biglang pare-pareho lang pala kayong pangalan sa spreadsheet.
5. Kapag wala ka nang nakikitang susunod na hakbang
Hindi naman lahat gustong maging CEO. Pero nakakatakot kapag kahit maliit na pag-unlad, hindi mo na makita.
Parang nasa hagdan kang ilang taon nang inaakyat pero pagtingin mo sa paligid, nasa parehong palapag ka pa rin.
6. Kapag mas buhay ka kapag naka-leave
Napansin mo ba? Minsan isang araw na leave lang, biglang bumabalik ang gana mong mabuhay. Humahaba ang tulog. Sumasarap ang pagkain. Nagkakaroon ka ng oras makipag-usap sa mga tao.
Tapos kinabukasan, balik ulit sa normal. At doon mo mare-realize na baka hindi ikaw ang problema.
7. Kapag nagsisimula ka nang mangarap ng ibang buhay
Ito siguro ang pinakamalinaw na senyales. Hindi pa resignation letter. Hindi pa interview. Hindi pa bagong trabaho.
Pero madalas mo nang iniisip kung ano kaya ang pakiramdam ng buhay na hindi umiikot sa pag-survive mula sahod hanggang sahod.
At minsan, doon nagsisimula ang pag-alis. Hindi sa pagpasa ng resignation. Kundi sa sandaling tumigil kang maniwalang ito na lang ang kaya mong makuha. --///-- Ang problema kasi, karamihan sa mga senyales na ito ay hindi naman biglaang dumarating. Hindi isang araw kang gigising at sasabihing ayaw mo na. Unti-unti itong naiipon.
Parang tubig na tumutulo sa bubong. Sa una, wala kang pakialam. Hanggang sa isang araw, nagtataka ka kung bakit basa na ang buong kisame.
Kaya siguro maraming tao ang nananatili sa trabahong matagal nang hindi para sa kanila. Hindi dahil mahina sila. Hindi dahil kulang sila sa tapang. Kundi dahil hindi naman madaling talikuran ang bagay na siyang bumubuhay sa iyo.
Ang nakakalungkot lang, minsan habang pinipilit nating buhayin ang sarili natin, unti-unti rin tayong nauubos.
At baka iyon ang pinakamalaking senyales sa lahat. Hindi na dahil ayaw mo nang pumasok, kundi baka nakalimutan mo na ang pangunahing dahilan kung bakit ka pumasok.
--///--
Kapit lang, makakaraos din.














