HATI ANG BUO – BUO ANG HATI : Isang Pagsusuri
HATI ANG BUO – BUO ANG HATI :
Isang Pagsusuri sa Nobelang Si Amapola Sa 65 na Kabanata ni Ricky Lee
Sa gitna nang walang katapusang kuwento ng pag-ibig sa mga novelette ng Precious Hearts Romance, sa pamamayagpag nang mga makukulit na nobela nina Bob Ong at Eros Atalia inianak ng sikat na kuwentista at screenplay writer na si Ricky Lee ang kanyang kauna-unahang nobela na siyang lumigalig sa lahat ng taong nagbabasang umiibig – Para Kay B (o kung paano dinevastate ng pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin). Naging matagumpay ito at nakipagsabayan sa pagka-HIT sa mga aklat na nakapasa sa pihikang panlasa ng mga Pinoy na mambabasa.
Kakaiba, liberal, matapang, hindi kombensyonal – ito ang mga katangiang muling nagpalibog sa nauumay nang mambabasang Pilipino. Pinalaya ng nobela ang mambabasa sa pagkahopeless romantic ng mga mambabasang Pilipino sa mga nobela sa Pilipinas. Kahit papaano’y masasabi nang NAGBABASA na ng NOBELA ang Pinoy na hindi dahil required basahin sa paaralan.
Matapos ang pamamayagpag ng kauna-unahang nobela ni Ricky Lee ay agad nang inabangan ng mga natakam na mga mambabasa ang kanyang ikalawang nobela. Sa kanyang pagpapasilip ng kanyang ikalawang nobela sa Para kay B, agad nang nakiliti ang utak ng mga mambabasa. Tulad ng kanyang naunang nobela kakaiba ang ikot nito, tumatalakay ang kuwento sa aswang sa loob ng isang lungsod. Kakaiba dahil mula sa usaping pag-ibig ay ibinaling naman ni Lee ang pagsulat sa isang aswang na ayon din sa kanya ay maypagka politikal ang nilalaman.
Hindi naman nabigo ang mga mambabasa dahil noong ika-27 ng Nobyembre taong 2011 isinagawa ang engrandeng book launching ng SI AMAPOLA SA 65 NA KABANATA sa Skydome North Edsa. Mula noong puntong iyon, nginig-laman nang inabangan ng mga mambabasa (lalo’t higit yaong mga taong hindi nakakuha sa pre-selling promo-ISA NA AKO DOON) ang kanyang nobela sa lahat ng bookstore sa Pilipinas. Na-excite ako noong una kong makita ang aklat, kakaiba ang dating ng pinaglapat na kulay ng dilaw at itim gayundin ang (mas nakaka-eksayt) kapal ng aklat. Nakatatawa ngunit literal na kalalagay pa lamang ng sales lady ng isang bookstore sa shelve nila ay kinuha ko na agad ito. Marahil nananabik na akong makita ang kabuuang istorya bunga ng mga karanasan ko sa kanyang naunang nobela. Sabik na muling matuwa, malungkot, umikot ang mundo, maligalig, at muling makalaya sa madami at hindi matukoy na pagkakakulong sa buhay.
Umikot ang istorya sa buhay ng isang baklang impersonator na si Amapola (na may mga alters). Siya ay isang manananggal na itinakdang maging tagapagligtas ng bansa mula sa mga masasama. Ipinakita sa nobela kung paano niya tinanggap ang kanyang pagiging mananangal at itinakda. Gayundin kung paano siya umibig kay Homer at kung paano niya minahal ang itinakda ng kapalaran sa kanya.
Gamit ang prespektibang kultural at ang mungkahing pagdulog o pagsipat ni R. Torres-Yu, sisikaping himayin at kilatisin ang nobelang Si Amapola Sa 65 Na Kabanata ni Ricky Lee. Iikot ang daloy ng papel na ito sa tatlong bahagi – Teksto, Interteksto, Konteksto. Tatalakayin sa bahagi ng teksto ang istruktural na pagkalikha ng nobela, iuugnay/itatabi naman sa bahaging Interteksto ang pinakabagong nobela ni Ricky Lee sa kanyang naunang nobela at mga kontekstong may katulad sa iba pang panitikan, panghuli ay bibigyang pansin sa pagtalakay sa Konteksto ang iba’t ibang kaisipang/usaping pangkultural na umiral sa akda .
Iba ang paraan ni Ricky Lee ng pagkukuwento sa kanyang nobela. Hindi siya nagpakulong sa karaniwang istilo ng paglikha ng isang nobela. Tulad ng kanyang istilo sa pagsulat ng kanyang mga maikling kuwento, stream of consciousness ang ginamit niya sa paglalahad ng istorya ng nobela. Bunga nito, nagkaroon ng kakaibang koneksyon ang mambabasa kay Amapola. Nakatulong ang kanyang istilong ito upang masmapaglaruan at magpatingkad ang iba’t ibang personalidad ni Amapola. Mas nabigyan ng borderline ang iba’t ibang karakterasasyon ni Lee kay Amapola.
Magaang basahin ang nobela dahil nasa tono at istilong conversational ang wikang ginamit. Gumamit siya ng mga salitaang karaniwang napapakinggan sa pang araw-araw na buhay. Ginamit niya ang paraang ito upang mas maabot ang pinakamalaking bahagdad ng mga Pilipino - ang gitnang uri. Mahusay ang pagbibigay imahen ni Lee sa mga tagpuang ginamit sa nobela. Bagama’t umikot sa dalawang mundo (kasalukuyan at ang nakaraan) ang daloy ng istorya, malinaw na binuhay sa aking isipan ng mga ginamit niyang mga salita ang mga pangyayari sa loob ng istorya. Mabisa niyang nagamit ang mga detalye sa paglikha ng mga pandamdaming nakaapekto sa mga tauhan. Mahusay niyang hinabi ang bawat kuwento ng bawat tauhan nobela mapa-alters man ito o hindi. Sa aking karanasan sa pagbabasa ng nobela, parang hindi lamang ako nagbabasa bagkos para na akong nanonood ng isang pelikula.
May himig ng pagiging postmodernist ang nobelang ito. Hindi kasi nakuntento si Lee sa karaniwang istruktura ng nobela, partikular sa paghahati nito ng kabanata. Hindi tipikal ang paraan ng paghahati-hati ni Lee sa bawat kabanata. May mga kabanatang natatapos lamang sa isang pahina. May mga kabanatang nahahati lamang batay sa isang sandali ng stream of consciousness ng pangunahing tauhan. Umulam naman ito sa pangunahing tema ng nobela, marahil (mula sa maligalig kong isipan) ipinapakita o binibigyang diinan lamang dito ang tema ng pagiging hati at unpredictable ng tao. Kung ano’t ano man ang dahilan, isa itong panibagong sibol para sa kasaysayan ng panitikang Pilipino. Panibagong istilo nang pagkukuwento sa anyo ng nobela na lumaya sa matandang paraan ng pagkukuwento.
Maraming mga pagkakatulad ang dalawang nobela ni Ricky Lee. Kapansin-pansin ang pagkakapareho ng paraan ng pagkukuwento sa nobela. Parehong inkombensyonal ang istruktural na aspeto ng nobela partikular sa paghahati sa kabanata ng nobela. Tulad ng naunang nobela ni Lee, conversational din ang mga salitaan sa loob ng nobela.
Madadalumat sa dalawang nobela ang paglalaro ng manunulat sa karakterasyon ng kanyang mga tauhan sa nobela. Parehong tumatalakay sa iba’t ibang personalidad ng isang tao ang nobela. Isa na ring marahil itong paraan upang mahanap ng mambabasa kung kaninong karakter sila makauugnay. Nilalayon ng manunulat na magkaroon ng kakaibang ugnayan sa pagitan ng mga karakter at nagbabasa upang mas maging personal ang dating ng nobela sa kanila.
Parehong tinatalakay sa kanyang mga nobela ang mga paksang hindi karaniwang pinag-uusapan – patungkol sa sekswalidad. Sa parehong nobela, binigyang puwang ni Ricky Lee ang pag-sibol ng pag-ibig sa magkaparehong kasarian. Sa parehong babae sa Para Kay B at parehong lalaki naman para sa Amapola. Binuksan niya ang bintana upang masilip ng mga mambabasa ang kabilang mukha at kulay ng pag-ibig at relasyon.
Kung titingnan ang dalawang akda, parehas na malawak ang gustong bagtasin ng mga ito. Malawak ang target reader ni Ricky Lee mula sa bata hanggang sa mga matatanda. Parehong tila personalize ang kuwento para sa lahat dahil sa mga bukas na lagusan patungo sa mga akda nito. Lagusan na siyang nagsisilbing daan upang makaugnay ang bawat mambabasa.
Maraming komentaryo si Ricky Lee sa mga usaping panlipunan sa nobelang ito. Gumamit si Ricky Lee ng iba’t ibang simbolo o representasyon mula sa mga pangyayari at tauhan sa nobela upang ligaligin ang mga usaping panlipunan gayundin ang mga paniniwalang kumukulong sa isipan ng mga mambabasa.
Tinalakay ni Lee sa kanyang nobela ang ugnayang ng Ilusyon at ng mga Pilipino. Ayon sa isang linya ng nobela ang mga Pilipino ay madaling malinlang o maniwala sa iba’t ibang ilusyon nila sa paligid. Mayroong tatlong maaring dahilan ang mga Pilipino kung bakit ito ay nag iilusyon o naniniwala sa ilusyon ito ay ang 1.) pagtakas sa kinasasadlakan 2.) ginagawang positibo ang isang hindi magandang bagay 3.) pag-asa.
Una. Ang tao ay gumagawa ng mga ilusyon upang takasan ang kinasasadlakan na kahirapan. Naniniwala sila sa isang bagay na walang katotohanan. Gumagawa ang tao ng isang mundo na kung saan hindi totoo , mapagbalat kayong mundo na siyang magtatago sa tunay na mukha ng kanilang buhay. Halimbawa na lamang ay sa bahagi ng nobela na kung saan ang mga nasalanta ng bayong Ondoy ay nagpupuntang High Notes upang makalimutan ang kanilang sinapit sa kasawian at kalungkutan. Nag iilusyon silang masaya sa kabila ng mga tawang binubuo nila sa loob ng isang comedy bar. Sa puntong iyon hindi napapawi bagkus tumatakas lamang sila sa kanilang kinasasadlakan sa buhay.
Ikalawa. Madaling maniwala ang tao sa ilusyon sapagkat napapawi at ginagawang positibo ang mga hindi magandang bagay na kanilang nararamdaman sa buhay. Pinaniniwala nila ang kanilang sarili sa mga bagay-bagay dahil ginusto nilang gumaan at maging positibo ang kanilang maging damdamin sa mga aspetong nagpapabigat ng kanilang kalooban. Tulad na lamang ng ilusyon ni Trono para pag-unlad ng Pilipinas. Bagama’t tungkulin niya iyon bilang isang pinuno, refleksyon pa rin ito ng kanyang matinding pagkanais na matupad ang mga pangarap ng kanyang nasirang ama sa kanya. Ginagawa niya iyon upang tuparin ang mga pangarap(ilusyon din) para sa kanya ng kanyang tinatagning ama. Sa kabila ng pagkalugmok ng bansa, ginagawa pa ring inspirasyon ni Trono ang kanyang ilusyon upang gumawa siya ng mga paraan sa pag-unlad ng kanyang bayan.
Panghuli.Sa tulong ng ilusyon, patuloy na umaasa ang isang tao sa isang bagay na makapagpapabago ng kanyang buhay. Nagiging behikulo ang ilusyon upang maipagpatuloy ng tao ang kanyang buhay. Sa pamamagitan ng ilusyon, nadudugtungan nang pag-asa ang mga nawawalang baitang ng hagdang daan ng kanilang tinatahak na mga landas.
Tinalakay din sa nobela ni Ricky Lee ang iba’t ibang usapin sa sekswalidad. Tulad na lamang ang pagiging binary opposite ng pagkababae nina Nanay Angie at ni Lola Sepa. Si Nanay Angie ang siyang naging ina-inahan ni Amapola. Bagamat wala siyang katuwang sa buhay binuhay niya si Amapola bilang isang tunay na ina. Mahina ang loob ni Nanay Angie, lagis iyang inaalala ni Amapola sa mga iisipin, gagawin o mangyayari sa kanya. Lagi niyang inililigtas si Nanay Angie sa bingit ng kapahamakan. Kabaligtaran naman niya si Lola Sepa na kung saan ipinakita na siya ay malakas. Matatag siya lalo’t higit sa mga pangyayaring pinanghihinaan ng loob ang lahat. Kaya niyang ipaglaban ang kanyang sarili sa nakaambang panganib sa kanyang buhay.
Ipinakita rin sa nobela ang pagkakahati ng mundo ng isang bakla sa mundo ng mga lalaki at babae lamang. Isang inosente ngunit malaman na usapan ang naganap kayna Truman at Amapola patungkol sa pinagmulan ng bakla. Ipinaliwanag niya kay Truman na ang pagiging bakla ay hindi pagiging iba o kakulangan, bagkus ayon sa kuwento (alamat ng bakla) ang ibig sabihin ng bakla ay bahagi ng lahat. Isang komentaryo ito ni Lee patungkol sa mga taong nag-iisip na ang pagiging bakla ay isang mababang anyo ng uri ng tao. Nais gisingin ni Lee ang mga mambabasa na karamihan sa mga nakikita, ginagamit, sinusuot o sa madaling salita ay pinakikinabangan ng mga tao sa mundo ay likha ng isang bakla. Bakla na itinuturing nang lipunan na mababa. Nais palayain ni Lee ang mga tao sa pagiging homophobic ng mga tao dahil na rin sa stereotyping ng lipunan at relihiyon na siyang gumagahum at pumapako sa mga maling kaisipan.
Ipinakita ni Lee sa kanyang nobela ang kaisipan ng mga Pilipino sa paghahanap ng isang taong mag-aahon sa kanila sa kabiguan. Ang pagkakaroon ng hero bilang pag-asa at inspirasyong makapagdadala sa kanilang paglaya. Ngunit kung tutuusin sa huling bahagi ng nobela, hindi naging matagumpay ang itinuring nilang hero na siyang nagsilbing simbolo ng kanilang paglaban. Iniasa lamang nila ang kanilang inspirasyong makalaya sa tulong ng iisang nilalang. Hindi nila nakita na kahit sino ay maaring maging hero. Hindi iisa bagkus marami ang kinakailangang maging hero para sa mas matagumpay na pagkamit ng mga hinahangad sa buhay.
Kakaiba ngunit malaman ang paggamit ni Ricky Lee ng mga Alters sa katauhan ni Amapola. Si Amapola ay may tatlong alters- si Isaac, Zaldy, at Montero. Si Isaac ay isang guwapong “tunay” na lalaki na siyang nagsisilbing tagapagtangol ng lahat ng personalidad. Si Zaldy naman ay isang mahiyain at klosetang bading. Samantalang si Montero naman ang lihim na alter ni Amapola na may masamang ugali na siyang kalaban ni Amapola sa nobela. Malaman ang pagkakabuo ni Lee sa mga tauhan na si Amapola. Sinasabi lamang nito na ang bawat tao ay mayroong iba’t ibang personalidad. Isa itong komentaryo na nagpapakita na ang isang tao ay hindi binubuo ng isang pagkatao lamang. Ang tao ay tulad ng isang kaleidoscope mayroon itong iba’t ibang hugis at kulay. Sa puntong ito, masasabi na ang lahat ng tao ay pantay-pantay. Hindi perpekto. Walang taong mabuti, lahat may kasamaan. Walang taong masama, lahat may kabutihan. Hindi lamang napapako ang isang tao sa iisang pagpapakahulugan. Ang tao ay binubuo ng milyong milyong pagpapakahulugan.
Lubos kong hinahangaan si Ricky Lee sa kanyang pagkakabuo sa nobela. Mababatid na lubos na pinag-aralan at pinagbuhusan ng oras ang nobela. Masasabi kong isang obra maestra ito sa kadahilanang malawak ang mga pinapaksa sa aklat nito. Hindi ito isang simpleng akda na kikiliti lamang sa imahinasyon bagkus tatagos hanggang sa kaluluwa ng pagkatao ng sinumang bumasa nito. Dagdag pa rito, binagsag ni Lee ang mga pader na naghahati sa mga antas ng taong maka-uugnay sa nobelang ito. Malawak, malaman, nakaliligalig. Muling ginigising ng nobelang ito ang matagal nang naghihimlay na kultura nang pagbabasa ng mga Pilipino.