Anong klaseng kuwento ang inaasahan mo sa ganiyang pamagat? Maaring katatawanan o kuwentong nakakadiri ang maiisip mo diba? Ngunit ang kuwentong ito ay hindi ganiyan kababaw. Kahit hindi halata, may mas mailalalim pa pala ang kahulugan ng salitang kubeta.
“Sensitibo ako sa usaping kubeta.” Unang linya palang ay maeengganyo ka nang basahin dahil magkakaroon na ng mga katanungan sa isip mo tulad ng “Bakit siya sensitibo?” “Ano bang meron?“ “Kubeta lang gagawan pa ng mahabang akda” Ngunit kapag pinagpatuloy mo ang pagbabasa, unting-unti masasagot ang mga katanungang ito at ikaw ay maliliwanagan kung bakit kailangan pa ito maisulat.
Batang-kubeta raw ang tawag sakanila dahil kubeta raw ang tawag sa loobang nilakihan niya sa Tondo. Sa bahaging ito ng storya, kinuwento niya kung gaano kahirap ang dinanas niya para lang dumumi o gumamit ng kubeta. Mayroon lamang isang CR para sa lahat o mas kilala sa tawag na palikurang-bayan. At dahil nga marami ang gumagamit nito lagay mo nalang sa isip mo ang katagang “kapag maraming tao, maraming tae.” Ngunit hindi niya ito naranasan dahil mayroon silang sariling kubeta na hindi mo rin naman maipagmamalaki dahil parang ganoon rin naman ang kalagayan, hindi nga raw siya gagamit doon kung hindi siya taing-tae na at no choice na siya. Dito na inexplain kung ano ang itsura ng kubeta nila, magaling si Nancy Kimuell-Gabriel dahil talaga nga namang maiimagine mo ang kubeta nila habang binabasa ito. Nakakapandiri at kasuklam-suklam. Marami pang siyang hinaing tungkol sa kaniyang karanasan bilang isang batang-kubeta. Napunta na nga ang kuwento mula sa mga kubeta ng mga kaklase niya na nagagamit niya paminsan-minsan hanggang sa pagiging mulat at pagiging aktibista niya na nag dala sakaniya kung saan saan. Nakakatawa nga na kahit ang dami na niyang naranasan, hindi nawawala sa isip niya ang kubeta. “At dahil napalaot na ako sa daigdig ng aktibismo mula noon, lumawak na din ang network ng toilet ko.” Mistulang advantage na sakaniya ang pag-alis alis niya dahil may bago nanaman siyang CR at hindi na siya magtitiis sa kubeta na meron sila sa Tondo.
Para saakin, nakakatuwa na sa ganitong kaliit na bagay, sa pagkawala nang matinong kubeta sakanila, ay mayroong nakapaloob na mga isyung panlipunan. Una ay ang pagkakaroon ng sakit, dahil nga sa iisa ang ginagamit nilang CR at ito pa ay hindi nalilinis, halo-halong sakit na ang makukuha mo dito. Hindi mo na alam kung dahil ba sa kadumihan o nahawa ka nalang sa mga taong gumagamit nito.Pangalawa ay ang maikling bahagi sa kuwento kung saan may kapitbahay silang umiiyak na lumabas sa kubetang iyon na may dalang maliit na garapon na ang laman ay tila maliit na bagay na nalulunod sa dugo. Abortion, hindi ba? Matunog ang isyung ito ngayon. Pinagtatalunan kung pro-life ba dapat o pro-choice. Pangatlo ay ang pagiging corrupt ng ating pamahalaan. Bakit kahit simpleng palikuran lang ay hindi nila magawan ng paraan, mas inuuna pa nila ang mga walang kwentang bagay na sila lang ang nakikinabang.
Dahil sa mga malilit na problemang ito, makikita mo na ngayon kung ano ba ang major problem na nagsasanhi sa mga ito.
Dito na papasok ang problema ng kahirapan. Bakit? Una, madalas mga mahihirap ang nagkakasakit dahil nga hindi maayos ang lugar kung saan sila nakatira. Dagdag pa na iisa lang ang kanilang kubeta. Pangalawa ay ang abortion, nagagawa lang naman ito sa iilang dahilan at ang isa roon ay ang pagiging mahirap. Wala ka na nga pangtustos para sa sarili mo, mag-aanak ka pa ba? Pangatlo, dahil sa pagiging corrupt ng gobyerno natin lalo lang naghihirap ang mga mahihirap dahil hindi sila nabibigyan ng pansin, hindi nagagawan ng solusyon ang pagiging mahirap nila.
Sabi nga ng aming propesor, magaling ang isang manunulat kung mabibigyan nito ng bagong muka ang isang isyu na hindi na bago sa pandinig o sa mata ng mga mababasa. Nagawa ito ni Nancy Kimuell-Gabriel dahil kahit sa simpleng paraan ng pagkukwento niya ng karanasan ay mas namulat niya ako sa mga isyu sa lipunan na matagal ng nandiyan ngunit hindi ko iniintindi o binibigyang pansin.
Mula sakaniya na pampublikong-palikuran lang ang meron, sa mga kaklase niyang magaganda ang CR, sa mga pamilya ng minero sa Benguet Consolidated na komunal lang ang mga toilet hanggang sa CR na naipagawa na niya ngayong may asawa na siya, masasabi talaga na makikita mo ang estado ng buhay ng isang tao base sa palikuran nila. Ihalimbawa nalang natin ang karanasan ng bida. Dahil nga wala silang sari-sariling kubeta, iisa lang ang ginagamit nila kaya di mo mawari kung kubeta pa ba ito o poso negro. Di tulad kung may sarili kang kubeta, malinis ito dahil iilan lang kayong gumagamit- iilan lang kayong gumagamit dahil may pera kayo upang makapagpagawa ng sarili ninyong kubeta. Talaga nga naman mahirap maging mahirap. Pati kubeta ay may social class. Masasabi ko nalang na ang swerte ko dahil may nagagamit akong CR na maayos.
Sa huli, nakapagpagawa ng sariling kubeta ang bida at aniya “Ang kubetang ito ay simbolo ng paglaban naming mag-asawa sa kahirapan at marubdob na hangaring huwag nang ulitin pa ang kasaysayan ng nakakadiring pinagdaanan.” Naging motibasyon niya ang nakaraan upang umahon sa hirap para hindi na maranasan ng anak niya o niya mismo ang naranasan niya noon.
Ngunit marami pa ang hindi kaya umunlad ng ganiyan. “Nagtagumpay kami, pero marami pa rin tayong kababayan na walang sariling maayos na palikuran...” Hindi lahat ay may kakayahan katulad ng bida upang umunlad sa hirap. Marami ang nagtitiis nalang sa estado ng kanilang mga buhay hanggang sa mamatay nalang sila na ganoon. Kaya importante ang ganitong mga akda, importante na naisulat ito ni Nancy Kimuell-Gabriel dahil nabibigyan niya ng boses ang mga mahihirap upang mas maintindihan ng lahat na ganito ang nangyayari sa lipunan.
Kaya kagaya ng panimulang linya, sana ay sensitibo rin tayo sa usaping kubeta. Sana ay sensitibo tayo pag dating sa ganitong usapan. Dapat tayo ay may alam at wag tayo matatakot na gumawa ng paraan. Dahil sabi nga nila, “kapag namulat ka na sa katotohanan, ang pagpikit ay isa ng kasalanan.”














