Ang Ninunong Salita sa Modernong Anyo
Mabisa—ito ang naglalarawan sa modernong panahon ng mga midya. Ang kontemporaryong ayos ng telibisyon at mga pelikula ang pinaepektibong paraan para sa matulin na pagbabahagi ng mensahe, na lalo pang pinabuti ng social media. Ang libreng paggamit sa social media ang siyang nagsisilbing mitsa patungo sa progresibong paghahatid ng impormasyon at katuwaan. Halimbawa nito ay ang pag-usbong ng Netflix at Youtube na siyang nagmimistulang mga makabagong telebisyon. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng maiiksi hanggang sa mahahabang mga panoorin, naipapakalat ang biswal na detalye ng mga kwento. Ang mga impormasyong ito ang nagiging sentro ng diskusyon at usapan sa madla na madalas ay nagdudulot ng kamalayan o ‘di kaya ay nag-iiwan ng mga turo at aral. Ang malawakang paggamit din ng Facebook at Twitter ang isa sa malalaking dahilan kung bakit patuloy na sumisikat at napapanatili ang pasalitang kultura ng mga Pilipino. Madalas, ang mga ito ay katatagpuan ng mga maiiksing serye ng bugtong o awiting-bayan na nagiging sikat at patok sa panlasa ng madla.
Subalit, tunay nga bang ganito ang kulturang Pinoy? Ang kulturang kayumanggi ay nagsimula mula sa bibig ng ating mga ninuno na siyang minana ng kanilang mga apo at anak papunta sa atin. Ang tradisyunal na pagsasalin-salin ng ating panitikan ay unti-unti nang naglalaho dahil sa modernisasyon ng anyo ng ating mga sulatin. Ang mga awitin ay naitatala na sa mga elektronikong kasangkapan. Ang mga bugtong ay naihahayag na nang maramihan sa publiko. Ang mga mito, alamat, epiko, at kwentong-bayan ay patuloy na umuusbong dahil sa kani-kanilang mga kwentong naitala kasabay ng pagbabagong naganap sa ating panitikan. Sa katunayan, nawawala na ang bakas ng papel sa ating literatura. Ang biglaang lipat ng mga titik at salita mula sa makinis na papel patungo sa virtual na kopya ay nagpapatunay na ang ating mundo ay patuloy na nag-iibang anyo, anuman ang panahon o kalagayan ng panitikan.
Sa walang humpay na pagdaloy ng oras kasabay ang pag-usbong ng iba’t-ibang kaanyuan ng panitikan, isang malaking pangangailangan pa rin ang minana nating mga kwento, tugma at sukat, at mga awitin upang mahubog ang ating modernong literatura. Ang mga ito ang patuloyna nagbibigay-anyo sa ating maka-Pilipinong diwa sapagkat hatid nila ang kayumangging pinanggalingan ng ating mga panitikan. Sa pagbabago ng panahon ay hindi maikakailang nagbabago rin ang napakaraming anyo, ngunit nananatiling nakaukit ang ating pinagmulan sa ating mga gawi at kinagisnan. (389 na mga salita)













