Isang tanong:
Mahal mo pa ba?
Kahit namumula na ang mga mata
dahil sa kakahintay sa kaniya
hindi ka makatulog sa gabi
sapagkat alam mong may iba siyang kasama
ibang katabi sa kama
ibang kasabay gumising sa umaga
at hindi siya sayo
at hindi ka sa kaniya
sapagkat walang nagmamay-ari
sa inyong dalawa
ang pinakamalapit na puwedeng makuha
mo sa salitang ârelasyonâ
ay kapag magkasama kayo sa kwarto
mga katawang nagpaparaos ng init ng laman
nagpapanggap na magkakilala,
magkaibigan, magka-ibigan,
nasa pagitan ng pahiram
at akin ka nalang
ngunit ang unang mahulog sa inyong laro
ay siya ang talo
Kahit ang tanging pinanghahawakan nalang
ay ang tagal ng pagsasama
kahit nalulunod ka na sa pag-iisa
hindi na singtamis at init
ang tinitimplang kape ng pagsinta
natabunan na ng lamig at pait
ang bawat dampi, tinatanong
ang sarili kung anong nangyari
sa dating mga pangako,
na tatanggapin ko ang lahat ng pagkakamali
sa iyong katawan, ang mga
dagdag na bilbil sa tiyan,
o mga sugat sa balat, ang mga kamalian
ng kahapon, iintindihin,
hanggang ang mundo natin ay maging iisa
na sa mundong gumuguho ang lahat
tayo lang ang buo, at ikaw
lang ang permanente,
ngunit bakit mo sinasabi sa akin
na kailangan mo nang umalis, sinta?
Sa kaniyang pag-alis,
nakiusap kang ikandadoât isara
ang bawat pinto,
baliin ang iyong mga buto
para hindi ka na makapaghabol pa,
nakiusap ka na ipakilala sa iyo
ang bagong nagpapasaya sa kaniya
kung bakit siya mas masaya sa kaniya
kung paano siya naging masaya sa kaniya
habang ikaw ngayo'y nagluluksa
kung bakit mas pinili niyang
ipagpatuloy ang buhay kasama niya
at iiwan ka ng nag-iisa
sinabi mong padalhan ka ng mga letrato
nilang dalawa
sa mga lugar na pinlano niyong
puntahan dalawa
hanggang tuluyan nang sumakit
ang mga sugat
at matabunan ang magagandang alaala,
dahil sinta, ikaw lang ang magandang
alaalang nangyari sa kaniya,
at sinabi na ang lahat
ng magagandang alaala ay nagtatapos
ngunit masyado bang maganda
ang alaalang ito para magtapos
pa sa ngayon?
Kahit pinilit mo nang ipagsiksikan
ang iyong sarili sa damit na hindi kumportable
na pakinggan at panuorin
ang mga pelikulaât kanta
kahit hindi mo naman nagugustuhan
para sana'y makasakay sa mundo niya
hanggang maging pamilyar
ang musika ng kaniyang boses,
ang sayaw ng yakap, lasa ng halik,
hanggang maging pangkaraniwan
ang pagpapakumbaba ng sarili,
ang tanggapin ang lahat ng mali,
ang akuin ang kasalanan sa bawat away
ang makalimutan ang halaga ng sarili
habang paulit ulit na sinasabing
mahal kita,
mahal kita,
mahal kita,
mahal kita,
hanggang mawalan ng halaga
ang salitang mahal kita
tulad ng pagkawala ng halaga mo sa kaniya,
ang halaga ng mga yakap para
mapanatili siyang mainit sa lamig,
ang tawag sa gabi para mayroon siyang kasama,
ang pagtakbo kahit pa sa malayo
para lang mapuntahan siya
at mapadamang may nag-aaruga sa kaniya
Mahal mo pa ba?
Mahal mo pa ba?
Sumagot ka!
Mahal mo pa ba?
Bakit hindi kayo sumagot.
Mahal mo pa ba?!
Mahal,
naaalala pa rin kita
sa lamig ng gabi,
at totoo ngang nagpaparamdam
ang mga multo sa pag-iisa
Ang kalamidad na ating nilikha
ay may katumbas na alak at yosi
para ipagdiwang ang panandalian
nating dalawa
Sapagkat sa muling pagbulong ng multo
ng âmahal mo pa ba?â
ay sasagot ako ng
âoo, mahal ko pa,
ngunit panahon nang mas mahalin
ko naman ang sarili ko, sinta.â
-Mahal mo pa ba?; Zakk Habitan