Nakahiligan kong magtali ng kapirasong sinulid sa daliri para madali kong maalala ang mga bagay-bagay. Makakalimutin kasi ako.
Halimbawa, magtatali ako ng sinulid sa hintuturo ko para maalala kong may gagawin ako bukas. Magtatali ako ng dalawa at papakahigpitan ko ito para maramdaman ko ang maiiwan nitong bakas. Oo na, isa itong ka-cornyhan, kasi sa kapirasong sinulid ako nagpapakapantas, pero hindi ko ito maitatanggi. Ito ang totoo. Sa sinulid ko naalala ang mga bagay sa mundo.
Pero alam mo, mahal, noong naging tayo, hindi ko na kinailangan na magtali pa ng mga ‘to. Kasi lahat na lang naaalala ko. Merong tayo. Sa lahat ng ginagawa ko, mayroong ikaw, at natutuwa akong naipaparamdam ko sa’yo ang aking bawat galaw, na hindi ko akalaing sa’yo ko mararanasan na sa bawat paglubog natin sa buhay ay siya rin ang paglitaw. Mahal, wala akong ibang inasam, kun’di ako at ikaw. Tayo.
Sabagay, kailan mo pa nga ba ako naalala. Wala ako sa’yo. Pauulit-ulitin ko to hanggang sa mahibang ako na hinding-hindi mo ako maaalala.
Wala. ako. sa’yo.
Kung may halaga ako, siguro nandiyan ka’t isisigaw ng malakas ang pangalan ko pero;
Wala. ako. sa’yo.
Oo, ako nga itong si tanga na pilit kang inaalala, pero pagdating sa’yo, kailangan mo pa ng paalala.
Wala. ako. sayo.
Sino nga ba naman ako? Ikaw ang aking buwan pero para sa’yo, isa lang ako sa mga nasisinagan mo. Ikaw ang aking dagat pero para sa’yo, isa lang ako sa mga pampang na nadadampian mo. Ikaw ang aking mahal, pero isa lang ako sa mga nag-iintay ng pagmamahal mo. Nakailang tali na ako ng sinulid, pero wala ni anino mo. Nagpakabata pa nga ako at tinali ko ito sa mga kamay kong tila nakagapos na kasi baka nga naman dumating ka pero nagkamali ako. Nakagapos lang itong parang puso ko.
Hanggang sa mapagtanto ko na, kung anong tinalino ko, pagdating sayo, siya kong kinatanga. Sa pagitan pala ng dalawang sinulid na nakatali sa kamay mo, ay hindi nakabase sa kapal, sukat, o sa beses ng paikot, kun’di sa kung alin ang mas mahalaga.
At oo, mahal, nasasaktan ako. Kasi kahit baliktarin ko ang mundo, at magtali ako ng sinulid para ipaalala sa sarili ko na para sa’kin din ang sinulid mo, Mali pa rin ako. At wala akong mapapala. Oo nga’t may sinulid ka sa daliri, pero nagtatali ka para sa iba.
— Sinulid [by k.v.]














