Si Pitsel at si Baso
May isang baso at pitsel. Yung baso sunod nang sunod sa pitsel, sabi ng pitsel sa baso 'ano ba bakit ka ba sunod nang sunond sa akin?' Sumagot yung baso, 'gusto kasi kita.' Nagtaka yung pitsel, 'bakit mo ko gusto?' Di naman sumagot yung baso, ngumiti lang. Sunod pa rin nang sunod yung baso sa pitsel. Hindi tinitigilan ng baso ang pitsel, kada nadidikit yung baso sa pitsel bubuhusan nya ng tubig yung baso. Paunti-unti, kontrolado pero nalalagyan ng laman yung baso. Hanggang nasanay yung pitsel na laging nasa tabi niya yung baso, di naman pala masama kung lagi niyang kasama yung baso. Masarap rin pala sa pakiramdam na may nakakasama ka. Naisip ng pitsel para di na umalis sa tabi niya yung baso lagi niyang lalagyan ng tubig, paunti-unti at kontrolado para kahit papaano may matira pa sa kanya. Hanggang sa dumating yung mga pagkakataong nag-aaway na sila baso at pitsel, sa takot ng pitsel na iwan sya ng baso binibigyan nya na lang ng tubig. Minsan napapasobra ng bigay si pitsel di niya namamalayan malaking bahagi na nya ang nauubos, samantalang yung baso naman konti na lang eh punong-puno na. Hanggang isang araw napansin ni pitsel na parang nawawalan na sya ng laman. Sabi ng pitsel sa baso, 'baka pwede naman akong makahingi ng kaunting tubig, mawawalan na kasi ako ng laman. Baka kasi pag naubos ako mawalan na ko ng silbi, lalong lalo na sa'yo.' Sumagot yung baso, 'binigay bigay mo sa akin tapos babawiin mo? Ano ka ba?' Nagulat yung pitsel sa sinabi ng baso, kaya sabi ng pitsel 'di ko naman binabawi sa'yo humihingi lang ako ng bagay na binigay ko sa'yo, di ba tayo pwedeng mag give and take? Di ba ganoon yun? Baka pwede mo lang akong bigyan ng tubig, o baka may pwede ka pang ialok? Juice? Softdrinks? Alak? Kape?' Di makapaniwala ang baso sa sagot ng pitsel, 'wow?! Gusto mo pa juice eh tubig nga lang binigay mo sa akin, softdrinks pa ha?! Alak?! Wow?! Kape matutunaw ka sa kape.' Kalmado lang yung pitsel, 'may malamig namang kape. Di mo ba ako bibigyan? Ang damot mo na bakit ka ganyan? Dati sunod ka nang sunod sa akin ngayon parang iritang-irita ka na na parang di mo ko kilala. Gusto mo lang ba ako noon dahil meron ako na wala ka, tapos ngayong nakuha mo na, ayaw mo na sa akin?' Di naka-sagot yung baso sa galit kaya umalis na lang siya. Nalungkot ang pitsel sa nangyari, tinatanong tuloy nya sa sarili nya kung tama ba yung ginawa niya. Tama naman pero bakit masakit sa pakiramdam nya? Dahil sa sakit naiyak yung pitsel, kaya naubos na rin yung natitira nyang laman. Hanggang sa wala ng natira sa pitsel. Ngayon para kay pitsel ay parang wala na syang silbi. Tila parang ayaw na rin nyang magkaroon ng laman kasi baka mamaya ubusin lang siya tapos iwanan lang rin.














