Biktima nga ba Tayo? (Misedukasyon)
Sa lumipas na araw, naging palaisipan sa akin ang pagbabago sa sistema ng pagpili ng mga empleyado para sa mga kumpanya, pambribado man o pampubliko. Marahil ay maraming dahilan ang nasa likod nito, ngunit ang pinaka pinagmulan base sa aking perspektibo ay ang sistema ng Edukasyon na meron ang ating bansa.
Matapos ang talakayan namin tungkol sa isang presentasyon ng IBON Foundation Video Production Unit; naging isang malaking kwestiyon sa aking sarili kung tayo nga ba ay biktima o hindi sa paraan ng pagpili ng empleyado dulot ng sistema ng Edukasyon.
Hindi natin maipagkakaila ang katotohanan na may malaking tulong at benepisyo sa mga estudyante na galing sa pampribadong paaralan na magkaroon ng mas malaking tyansa na makapasok at magkaroon ng mataas na posisyon sa trabaho. Ika nga'y produkto sila ng unibersidad na may "high-class education" at may high na high ring "tuition".
Sang-ayon ako sa konsepto ng "kolonyal" na ipinakita sa presentasyon. Totoong nag silbing mga bayani ang Amerikano dahil ipinakilala nila ang Edukasyon sa ating bansa na ipinag damot ng mga kastila. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami na pailalim na palang sinasakop ng mga Amerikano ang Pilipinas. Ginamit nilang armas ang karunungan upang imulat ang mga Pilipino na sila ang naging dahilan upang makalaya ang ating bansa mula sa pananakop ng mga kastila. Isang malungkot na katotohanan.
Maraming mag aaral ang naghahangad na makapag tapos sa isang kilala at pribadong paaralan dahil na rin sa kaisipang taglay ng nakararami na kapag ikaw ay produkto ng mga unibersidad na ito ay tiyak na may pagkaka lagyan na ang iyong kinabukasan. Naniniwala akong kailangan natin ng pera, oo pera. Dahil pati ang sistema ng Edukasyon ay apektado na rin ng salapi. Dito papasok ang tinatawag nating "Edukasyong komersiyalisado". Isa na rin sigurong dahilan ang mga pasilidad ng paaralan, kung ikaw ay nasa pampribadong unibersidad ay tiyak na may maayos kang papasukan na maibibigay parin ang kaginhawahan. Kabaligtaran nito ang mga pampublikong unibersidad na tanging sa gobyerno lamang makakakuha ng pondo upang magkaroon ng maayos na pasilidad. Ang ganitong uri ng edukasyon ang nagmulat sa marami na "dapat" nating hangarin na makapag tapos sa mga kilala at pribadong unibersidad.
At ang pinaka huli naman ay ang "Elitista". Masasabi kong "big deal" para sa marami ngayon ang pinapasukan mong unibersidad. Malimit ko ring marinig ang mga sinasabi nilang "nako ang yaman nito, sigurado ako may maganda 'tong kinabukasan kasi sa FEU nag aaral" o hindi kaya' y "magandang paaralan ang UE, CEU, TIP etc. kasi private 'yan eh, mahal yung bayad". Ang mga iyan ang ilan lamang sa halimbawa na magpapatunay kung bakit sa panahon ngayon ay maituturing na nakaa angat ang mga "may pera" sa ating lipunan. Sila nga naman ay may kakayahang kumuha ng kursong gusto nila at may kakayahang pumili kung saang Unibersidad nila nais magtapos. Bukod dito ang mga elitistang ito rin ang siyang nakakakuha ng pinaka magandang pribilehiyo pagdating sa pagta trabaho.
Nakakalungkot isipin na ang mga taong kabilang sa mababang uri lamang sa ating lipunan na nais magpursige upang maka angat sa buhay ay ang mga kalimitang nabibigo sa huli. Bakit? Dahil sa sistema ng edukasyon. At mismong ito rin ang naging dahilan kung bakit naapektuhan ang ibat-ibang aspeto ng ating lipunan. Ngunit mananatiling tanong sa ating lahat kung tayo nga ba ay isang biktima ng mapanlinlang na sistema? O nagbulag bulagan at tinanggap na lamang natin na maging isang biktima?