Sa gabi ko hinahanap kung may natira pa sa totoong ako.
Hindi ko maintindihan kung bakit hindi na ako masaya. Nakakakilabot ang mabuhay sa panahong ito. Hindi ko lang siguro namamalayan na ang mga nangyayari sa paligid ay nagdudulot sa akin ng lungkot na parang dumadagdag pa sa aking mga pasanin at nakikihati pa sa kakatampot ko na ngang kaligayahan.
Hindi na ako nanonood ng balita, pero nararamdaman ko pa rin ang bigat ng panahon. May mga araw na parang buong lipunan ay may dalang sugat na hindi nakikita, ngunit ipinapasa sa atin sa maliliit na paraan, kagaya ng takot ng mga tao, pagod ng kanilang mukha, galit na mabilis na sumiklab, kawalan ng pananagutan, sa mga kuwentong ayaw kong marinig ngunit naririnig ko pa rin. Kaya kahit hindi ko tuwirang pinipili, may pumapasok sa akin mula sa mundo. May lungkot na hindi ko pag-aari ngunit napupunta sa akin. May bigat na hindi ko ginawa ngunit napapasama sa aking paghinga. At doon nagsisimula ang takot na baka ang mabuhay sa lipunang ito ay ang unti-unting masanay sa mga sugat nito.
Hindi ko alam, pero ang mga ganitong balita, kapag naririnig at napapanood, ay parang sumasama sa kamalayan ko bilang isang tao, na parang isang dagok na kasama kong pinapasan kahit hindi ko gustuhin. Kumakapit sa kamalayan. Isang kinse-anyos na bata at ang kasama nitong katorse-anyos ay walang habas na namaril sa isang eskwelahan at nakapatay ng tatlong inosenteng estudyante. Tinanong ang bata kung ano ang nagtulak sa kanya para mamaril, pero blanko lang ang kanyang tingin at nakatanaw sa malayo na parang may malalim na iniisip o may tinatanaw sa kalayuan na siya lang ang nakakakita.
Naging bahagi ito ng aking pagkatao, hindi dahil tinanggap ko, kundi dahil ito ang lipunang ginagalawan ko—ang parehong lipunan kung saan ko hinahanap ang pag-asa at ang aking pangarap. Nabubuhay ako sa isang lipunan na ang mga sugat ay nagiging sugat na rin ng aking kamalayan at hindi ko na alam kung saan ang sakit na ito ay matatapos at kung saan ang sarili kong kaligtasan ay nagsisimula. Ayoko sanang maging ganito ang tingin ko sa lipunang ginagalawan ko. Kasi ang dapat na maging pokus ko lamang ay ang aking sarili at kung ano ang nasa aking kalooban na araw-araw ay pabigat nang pabigat.
Siguro kasi hindi na ako bata.
Sa pagtanda, nawala na rin ang mga pagkakataong madalas kong maranasan noong bata ako—ang mamangha sa isang malawak na mundong ginagalawan ko. Ang makakita ng saya sa mga maliliit na bagay, mangarap na parang mataas na paglipad ng sarangola, pangarap na akala ko noon ay napakataas, ngunit sa pagtanda pala ay maabot din—kapalit nga lamang ng oras, pagod at ilang bahagi ng sarili.
Sabi ng isa kong kaibigan, kapag bata, parang palaging malawak ang mundo; ang mga espasyo—kalsada, palaruan, classroom —ay malalawak na espasyo. Na kung paanong nagbabago ang pananaw natin sa mga ito sa punto ng ating pagtanda, na ang dating playground na noong bata pa tayo ay akala natin ay ganoon kalawak, pero ngayong matanda na ay isang masikip lamang palang espasyong nakikihati sa magulong mundo. Mas masakit pala ang mawalan ng pagkabighani kaysa makalimot, sabi ko sa kanya. Isang usapan pa ang paglimot, sabi niya. Paano nga ba nagpapatuloy ang tao kapag para sa kanya nawala na ang mahika ng mundo? Dugtong nito. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam ang sagot.
Nawala na ang mahika at pagkamangha dala ng kabataan dahil sa pagtanda ay ipinapakita ng mundo ang pangit nitong mukha. Hindi na ang pag-iyak o ang pagtakbo sa bisig ng magulang ang solusyon para mawala ang problema, kundi sasabihan sa iyo ng mundo na ikaw at ang sarili mo lang ang maaasahan mo, at wala ka nang magagawa kundi ang isipin na lamang kung paano ang susunod na gutom at ang susunod pang mga araw.
Sa araw ay may trabaho at karera akong inaalagaan, may reputasyong tinataguyod, may isang buhay na sinusustentuhan. Pero hindi mawala-wala sa akin ang pagod na isipin ang bawat araw, na sa bawat pag-andar ng orasan ay may hinahabol na kung anu-anong mga bagay na sa loob-loob ko ay hindi naman talaga mahalaga sa akin. Hindi ko nakikitaan ng koneksyon sa aking buhay ang aking ginagawa sa trabaho. Hindi ko alam. Hindi siguro mahal ang aking ginagawa. Ginagawa ko lang ito para mabuhay. Marami tayong ginagawa na hindi natin gusto, pero kailangan, kasi kailangang mabuhay. Paano kung ang pinanggagalingan ng kabuhayan ko ay hindi ang pinanggagalingan ng buhay ko?
Kaya madalas tuwing madaling araw, pinipikit ko ang mga mata ko at binubuksan ang aking malay, at sa pagmulat ko sa aking kamalayan, nakikita ko ang sarili kong tumatakbo palayo sa realidad ng aking buhay. Sa pakikinig kay Max Richter, lalo na sa “Spring 1”, habang naglalakad sa dalampasigan at hinahabol sa aking mga kamay ang mga huling hibla ng liwanag sa papalubog na araw. Sa mga libro at mga gawa-gawang lagusan palayo sa mundo patungong sensibilidad ko, hinahanap ang nawawala kong sarili. Minsan tinatanong ang diwa at ginagalugad ang kalooban kung ano ba talaga ang nagpapaligaya sa akin at saan ba ako totoong masaya. Yung totoong masaya. Yung saya na hindi kailangang ipaglaban sa bawat sandali. Yung saya na ayaw mo nang matapos. Ayaw mo nang pakawalan. Ayaw mo nang bitawan. Hinahanap ko yung gabi-gabi, sa mga dulo ng aking pagkatao, sa mga maliliit na lagusan papunta sa totoong ako. At minsan, sa kalagitnaan ng dilim, kapag wala akong mahanap na lugar o marinig na boses na nagsasabing nahanap ako, napapansin ko na lang na tumutulo na ang mga luha.