Hindi naman ganun kadaling makalimot sa taong minahal mo ng sobra. Sa taong pinag-investan mo ng panahon at oras. Sa taong halos lahat ng tungkol sa pag-katao mo alam. Kaibigan, ramdam kita at hindi masamang maramdaman na mahal mo parin siya. Kahit na sa kabila ng may mahal na siyang iba, umaasa ka parin na balang araw sana marealize niya na ikaw parin ang mahal niya. Kaibigan alam ko yan, na kahit anong gawin mo o saan ka man mapunta, siya at siya lang ang laman ng isipan mo. Pinipilit mong ituon ang isip mo sa ibang bagay katulad ng trabaho pero bago matapos ang araw kasabay ng pag-pikit ng mga mata mo, litrato ng mga masasayang kahapon niyo ang iyong nakikita.
Na hanggang ngayon hindi mo parin siya mabura-bura sa mga social media sites sa kadahilanang gusto mong ipakita sakanya na masaya kana kahit wala siya sa buhay mo, na gusto mo paring iparating sakanya yung mga nararamdaman mo through quotes o pasimpleng patama. Pero ang totoo, alam kong gusto mo lang mabahagian ng balita tungkol sa buhay niya. Alam kong nag-aalala ka parin, kung kamusta na siya? Na sana nasa mabuti siyang kalagayan. Kumain na kaya siya? Masaya kaya siya ngayon? Iniisip rin niya kaya ako? at dahil may natitira pang pag asa sa puso mo, minsan naitatanong mo narin kung Mahal parin kaya niya ako? Kaibigan, lilipas din ang lahat at mapapagod ka rin. Hindi ko pwedeng sabihin na makakalimutan mo rin siya balang araw, dahil walang taong pwedeng makalimot sa mahahalagang aral na iniwan sakanila ng kahapon. Parati parin natin silang mamahalin, at maaalala. Yun nga lang hindi na magiging kasing lalim at kasing sakit katulad ng dati.













