Por Real.
I’m sorry, but... I’m writing this down.
Hindi ko na matiis ang kaligayahan na dala ng mga paru-paro na malayang gumagala sa loob ng sikmura kong wala naman laman kundi iba’t ibang uri ng likido at pangarap... parangap na ikaw na nga. Ikaw nang tunay.
Sinliwanag ng araw. Sinisilaw ako ng mga sinag nito at hindi iyon ikinubli ng maawain mong mga mata at malambing mong mga salita. Hindi mo ninais, kung kaya’t ako ang humihingi ng patawad. Hindi mo man ginusto, pero iyon ay kasalanan ko.
Sinlakas ng maingay na tambol. Ang laya ng aking isipan na tinutungo ang madalas ang iyong kinaroroonan. Hindi na nito inalintana ang lakas ng iba’t ibang tunog sa paligid. Hindi ito nagalit, ibig nitong magmahal. Tama, sa gitna ng ingay, ibig nitong magmahal.
Iniibig na kita. Hindi ko maamin sa sarili ko at hinding hindi ko aaminin sa iyo. Matagal na kitang nakikita pero ngayon lang kita nakilala. Hindi ko ibig makita ang mga tingin mo dahil alam kong hindi ko kakayanin ang katotohanan na dala nito. Na maaaring hindi ako. Na maaaring hindi ako? Marahil ay... hindi ako.
Pinananalangin kitang may ngiti sa aking mga labi ngunit ang paghihintay ay unti unti akong kinikitil. Ang kamatayan ay maligaya akong idinuduyan at hinihilo. Hindi nya ako kukunin, paglalaruan lang. Iyon. Iyon ang nakakapeste sa lahat.
At kahit anong ligaya ko’y di mo malalaman. At ang pagkadurog ng aking puso’y di mo mamamalayan.
Mahal kita. Iniibig na kita. Ang panaginip na ikaw ay hinihingi ko na. Panahon na ba?






