Isahan
At wala ngang isang ‘hindi’
Ang narinig nya sa iyo
Ang ‘oo’ mo ay matindi
Sa alok nyang pagtatagpo
At wala ngang isang ‘bakit?’
Dali-dali kang kumilos
Nagdahan-dahan sa tinik
Ng tuksong padalus-dalos
At wala ngang isang oras
Kayo ngayo’y magkaharap
Kaluluwa’y pumipiglas
Habang kayo’y nag-uusap
At wala ngang isang metro
Ang pagitan nyong dalawa
Ngunit may nadarama ka
‘Di mainam at masama
At wala ngang isang tingin
Ang binalik nya sa iyo
Gusto lang nya ng kasama
At ‘di ng nasa isip mo
At hindi ka nga umimik
Sa sarili’y tinatanggap
Na mayroong pagpapasyang
Hindi kaya sa isahan














