Minsan Naglinis Ako Ng Bahay
Naiwan akong kasama ang nalalabing amoy ng iyong pabango.
Natapos na.
Kailangan ko nang ipunin ang mga alaala mong nakatatak pa hindi lamang sa loob ng bahay kung hindi pati na rin sa loob ng aking isipan. Sa loob ng aking dibdib. Sa loob ng aking pantalon. Iipunin ko ang lahat ng iyong mga alaala.
At ilalagay sa isang supot.
Kasama ang mga damit mong naiwan kagabi. Kasama ang iyong sipilyo. Kasama ang mga salitang sinabi mo, na pinaniwalaan ko sa kabuuan ng panahon na inakala ko.
Itatapon ko na din ang mga litrato natin. At ang mga litrato mo. Hindi ko alam kung bakit kinailangan ko pa ang mga ito, gayong nakatatak sa pagkatao ko ang bawat hugis mo. Ang mga ngiti mo. Ang mga mata mo. Ang mga yakap at haplos mo. Ang mga katawan nating magkadikit. Ang mga gabi.
Itatapon ko na ang mga gabing nagsilbing daan upang maniwala ako. Maniwala ako na darating ang panahon na tayo ang magkakasama sa lahat ng mga nalalabi pang gabi.
Itatapon ko na ang mga naiwan mong gamit. Wawalisin ko ang mga hibla ng buhok mong naiwan sa sahig. Lilinisin kong mabuti ang bahay. Lilinisin ko ang bahay hanggang sa tuluyang mawala ang alingawngaw ng mga tawa nating dalawa. Lilinisin ko ang bahay sa pamamagitan ng mga luhang hindi na yata titigil pa. Huhugasan ko ang pangalan mong naka-mantsa sa kahit saan ako tumingin. Lilinisin ko ang bahay at wawalisin ang agiw ng mga pangarap na hinabi ko para sa ating dalawa.
Bubuksan ko na din ang mga bintana. Papalayain ko na ang lahat ng pagmamahal na ipinunla ko sa puso ko para sa iyo. Papalayain na kita. Bibitaw na ako. At hahayaan ko nang tangayin ng hangin ang nalalabing amoy ng iyong pabango.
-The Idiosyncratic Copyright 2016 All rights reserved.








