Sa bawat pagkakataon na tayo ay magkasama, magkaharap, magkausap ng tulad nito, walang pinagkaiba sa tuwing nag-iinuman tayo.
Yung tagpo nating maayos at masaya sa simula ng umaga na nauuwi sa away pagsapit ng gabi. O yung malungkot na humahantong sa mas lalong malungkot, yung tipong iiyak at maglulupasay. At maghihiwalay.
Maghihiwalay ng kulang at nakatunganga. Minsan nama'y pagod pero umuuwing nakatawa.
Kelangan timplahin ng maayos para swak.
Pag nasobrahan, matapang.
Pag napadami ng yelo, malamig at matabang.
Pag sagana sa chaser, matamis. Kaya kelangan tama ang halo, pramis.
May tagpo kang maalaga, iniaabot mo pa sakin ang baso. Meron din malambing, kapag inilalapit mo ang pulutan, at kapag nanghingi ako ng kwento, agad mong pinagbibigyan. Gusto ko yung mga tagpong nakasandal ka sa balikat ko, habang nakikinig sa banda. Pati yung pumapayag ka na hawakan ko ang kamay mo sa ilalim ng lamesa.
May tagpo kang ding puro pagdududa, na para bang dinadaya ko ang tagay mo. Badtrip yung tagpong di ka kikibo. At pag di ka pinansin, daig mo pa ang lango. May amats ka, may amats din ako pero parang kasalanan ko ang kalasingan nating pareho.
Pero sabi nga ni Chito, "Tama na yan, inuman na." Hayaan na lang nating hugasan ng alak ang bawat bahid ng masasakit na salitang binitiwan, sumugat, tumatak at siguradong mag pepeklat.
Lalanguyin natin ang gabi sa isang dosenang bote ng alak.
At alam ko na kahit gaano ako kalasing pag natapos na, pag gising ko bukas, sigurado akong mahal pa din kita.
-The Idiosyncratic
Copyright 2018
All rights reserved