ang sabi nila mag-ingat sa apoy, baka mapaso, masugatan, malapnos... basta mainit at delikado daw.
pero sa palagay ko, hindi naman..
ang init na masarap katuwang sa mga panahong ayaw patinag ng lamig; mas masakit pa ang labi kong bitak-bitak at dumudugo na kapag malamig. tapos 'yong kapirasong papel na pinulot ko lang naman pero hindi ko namalayang nahiwa na yung hintuturo ko, papercut daw tawag. at iyong pagkakataong hindi ko lubos maisip paano tumawid... delikado.
walang dapat ikatakot sa apoy. ang nakakatakot ay kung ano ang kayang gawin ng tao gamit ang apoy.
mas maalam ang tao kaysa apoy sa kung paano kumilos sa mundong ito. nasa tao ang pasya kung liwanag ba ang magiging silbi nito. maaari ding pangluto ng makakain lalo na't hindi lahat pwedeng kainin ng hilaw o kumain ng hilaw. may iilan namang krimen ang kinahihinatnan ng paglikha ng apoy.
sa unang pagkakataon na napaso ako, araw ng patay, nagkalat ang mga kandila sa sementeryo pati sa mismong bahay na'min.
"magtulo ng kandila sa labas para sa lolo at lola niyo.."' utos ni Mama na hindi ko pa nauunawaan noon, basta sinunod ko na lang dahil nasasabik akong paunorin ang paglusaw ng kandila, laruin ang apoy, ipunin ang mga natuyong patak...
hanggang sa nalaman kong hindi lang literal ang pagbaga ng apoy. na sa pakiramdam ng bawat tao sa kung ano mang pangyayari ay maaari ding magliyab, magliwanag, mapaso, makinabang, mapahamak... delikado.
sa unang pagkakataon na napagtanto ko ang pag-ibig ko sa mga tala at buwan, gatas na sorbetes, tag-ulan, gabi, nyebe, at ang aking sining... nagliliyab sa puso ko't mga mata na ang bawat bagay na ito ay bahagi ng pagkatao ko... ng pagkabuhay ko...
ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay matagal ang buhay ng apoy. ito'y namamatay, tulad ng lola't lolo na dinadalaw na'min sa sementeryo, ang kalan matapos magluto, ang gasera sa umaga...
ang pagod at maraming bagay na nakakapagpabag...
hindi na ata nagbabaga ang pag-ibig ko sa mga bagay-bagay...
luto na ang pagkain, pero nalipasan na ako.
sa gabing madilim, gasera'y walang gaas.
hindi na masakit ang ilang beses na pagkakataong ako'y nahiwa sa papel na nakakalat.
wala na akong paki sa mga dugo ng labi kong bitak-bitak.
sa tuluyang pagpikit ng mga matang mugto, tangan ang pagbalik ng liyab... pagbalik ng sigla... pagbalik ng pagtanggap sa kung ano mang katambal ng apoy, may pakinabang man o delikado...
tulog na, marami pang bukas. tulog na, marami pang oras. tulog na, tulog na.
University of the East Teatro Silangan: Parent's Orientation Play Entitled "Lubid" (2016). Written and Directed by Ma'am G (Mrs. Gonzales) (RL) Marie Rosary and Mikaella Yoj