Ancajas, Sultan tiklop sa Japan
Bagwis Tabloid
February 26-March 3, 2024
Monday-Sunday
Hindi kinaya ng dalawang Filipino boxers ang mga kamao ng counterparts na Japanese sa Kokugikan Arena sa Tokyo nitong Sabado, Feb. 24, ng gabi.
Parehong taob via knockout sina Jerwin Ancajas at Jonas Sultan.
Inabot ng nine rounds si Ancajas bago tumiklop kay Takuma Inoue sa main event ng card.
Ang oras: 44 seconds pa sa round.
Nakatiyempo si Inoue (19-4), binigyan ng matinding kanan sa sikmura si Ancajas (34-4-2). Hindi binalik ng kaliweteng Pinoy ang depensa, sinundan ng Japanese champ ng isa pang malakas na kanan na lumanding sa parehong parte ng sikmura.
Puporma pa si Ancajas nang biglang napaluhod, tukod sa lona ang dalawang kamao. Hindi na siya nakatayo, sumenyas ang referee na tapos na ang boksing.
Sa unang pagkakataon ay naidepensa ni Inoue, nakababatang kapatid ni Japanese star Naoya, ang kanyang WBA bantamweight title laban kay ex-champ Ancajas.
Sinikwat ni Takuma ang vacant championship noong April nang talunin sa puntos si Liborio Solis.
Sa non-title bantamweight undercard, mas mabilis ang dating ng talo ni Sultan kay Japanese Riku Masuda sa first round.
Natikman ni Sultan (19 wins, 7 losses) ang unang KO loss ng career nang abutin ng malutong na kaliwa sa bodega. Sinubukan pang tumayo ng Pinoy pero hindi umabot sa count.
















