Kasal nina Bea Alonzo at Dominic Roque, isinulat sa buhangin
Ang pinakahuling larawan sa social media na magkasama sina Bea Alonzo at Dominic Roque ay noong nagbakasyon sila sa Japan bago matapos ang 2023.
Ang bakasyong grandeng ito ay bahagi na ng plano nina Bea at Dominic ng mga unang bahagi noong isang taon.
Marami pa silang balak noon at kulay-rosas pa ang kanilang paligid.
Panay pa ang kilig-to-the-bones na mga statement ni Alonzo pag itinatanong sa kanya si Roque.
Na para bang wala nang katapusan ang kanilang kaligayahan.
Inspiradung-inspirado ang aktres sa kanyang pakikipagromansa sa aktor kahit ano pa ang sabihin ng kanyang mga kaibigan na kesyo hindi bagay sa kanya ang isang tulad ni Dom na anila at sa pananaw nila'y wala pang napatunayan at hindi malaking pangalan ang kasintahan.
Ngayon ay wala nang lumalabas na mga larawan na magkasama sina Dom at Bea kundi sila-sila lang, solo-solo lang.
Sa kanyang pinakabagong post sa Facebook at Instagram, mag-isa lang si Roque samantalang dati-rati'y matatamis na pagsasama o kaya'y pagkiling ng aktres sa mga bisig ng aktor ang makikita sa social media.
Ang isa pang pinakahuling publisidad ni Dom sa kanyang sarili sa IG at FB ay may karga-karga siyang bata.
Pero kaanak lang niya ang baby girl at hindi anak.
Nakasulat din sa IG caption ni Dom na "Missing New York" dahil pabalik-balik naman siya sa US.
May isa namang litrato si Roque na nakaupo sa dalampasigan at nakatanaw sa malayo.
Sa panig naman ni Bea, solo na rin ang mga rekuwerdong kanyang ipino-post sa social media.
Hindi tulad noon na namumutiktik ang kanilang photos together ni Dom saanman at kailanman sila magpunta kung saan-saan.
Ngayon ay bigla na lang ipinamarali ni Bea sa apat na sulok ng mundo ang kasaluluyang sitwasyon ng kanyang buong pamilya.
Isinir-culate niya ang family photo nila na parang sinasabing sa gitna ng kanilang paghihiwalay ni Dominic ay handa siyang suportahan ng kanyang malaki at malawak na angkan.
Wala pa naman talagang eksaktong petsa ang kasal nina Bea at Dominic dahil bago pa umugong ang hiwalayan ay hindi pa sila solido sa plano.
Ang general information lamang ay ang plano nilang destination wedding at ibig sabihin ay sa ibang bansa.
Wala na rin ang naka-schedule na pre-nuptial photoshoots para sa dalawa.
'Yon lang ang may nakatalagang petsa at lugar.
Pero ang sinasabing sa April ang .matrimonya para sa dalawa ay walang katotohanan lalo pa ngayong ang kasalan ay iginuhit lang pala sa buhangin sa dalampasigan na pag hinampas ng alon ay mabubura na lang at sukat.
Nito namang mga huling araw na Enero at mga unang bahagi ng Pebrero ay wala na ring isinasagot si Alonzo tungkol sa balak nilang kasal ni Dominic bagamat may sinasabi siya tungkol sa kasintahan.
“He is self-assured now,” pahayag ng aktres.
“He is health conscious. He always plays golf,” wika pa ni Bea.
“Wala pa talaga,” ang tanging sagot lang ng dalaga sa mga tanong ng mga peryodistang pampelikula tungkol sa kasal.
Matatandaan na nag-engage sina Bea at Dom noong July last year.
Pero bigla na lang nitong pagkatapos ng unang linggo ng Pebrero ay nagpasabog sina Cristy Fermin, Boy Abunda at Ogie Diaz na hiwalay na sina Alonzo at Roque.
Sa anong dahilan, walang sibabi sina Boy, Ogie at Cristy.
Pre-nuptial agreement nga ba ang dahilan?
Umoo naman daw si Dominic sa kasunduan pero bakit hindi pa rin tuloy ang kasal?
Kasi nga raw, sobrang dami nang naipundar ni Bea--malawak na farm, makapal na ipon sa bangko, mamahaling mga alahas, mga bahay na elegante at marami pang iba.
Sa pagkadalaga naipundar ni Bea ang mga ari-ariang ito.
Paano kung kasal na sila ni Dom?
May karapatan ba ang lalaki sa kayamanan ng babae?
Nandoon nga 'yon sa premarital agreement para alam ng bawat isa ang kani-kanilang karapatan at obligasyon sa pang-ekonomiko nilang buhay.
Bakit sinisiraan ng netizens si Bea?
Ipinagtatanggol naman siya ni Dom. "Bea, a beautiful person inside and out," sabi ng aktor.
Lalabas din naman ang katotohanan.