B.L.T.
Walang mukhang makikita, ngunit sapat na ang itim na bag, ang salamin, at ang nunal sa braso upang makilala ka.
Matagal akong nakatitig sa larawan. Hindi para kilalanin— kundi para tanggapin na may mga bagay na hindi na kailangang ipaliwanag. Tumigil ang oras sa pagitan ng dalawang tibok. At sa katahimikan, tila umapaw — isang bigat na kusang kumawala.
Bakit ko nga ba pinahihintulutang dumaloy ito sa isang taong na kailanman ay hindi akin?
Hindi nga naging akin – ngunit ikaw, sa unang sulyap, ang tahimik na nag-ukit ng pangalan mo sa bawat sulok ng puso ko. Walang araw na dumaan na hindi ka dumaan sa isip ko, na hindi ko nababanggit ang pangalan mo. At sa tuwing kasama kita, lumilingon ako lagi upang pagmasdan ang iyong mukha – hinihintay ang sandaling tumingin ka at ngumiti pabalik sa akin.
Sa dalas kong gawin iyon— naiatala sa isip ko ang bawat galaw, bawat detalye. Lahat ng maliliit na bagay nagkakaroon ng kahulugan. Bawat simpleng interaksyon, tila may dalang pag-asa, isang delusyong unti-unting nagpalalim sa nararamdaman ko para sa iyo.
Sinubukan ko itong itago sa mga taong nasa paligid ko. Sa isa ko lang sana ikukuwento— ngunit hindi ko mapagilan, paiba-iba ang pinagsasabihan, hanggang sa dumami ang alam.
Dumating ang araw na alam na ng halos lahat, maliban sa iyo— o baka alam mo na rin, hindi mo lang ipinahalata.
Napansin kong may isang taong nagiging mas malapit sa iyo. Nagkibit-balikat lang ako, kinumbinsi ang sarili—“wala lang ‘yan, huwag bigyan ng kahulugan.”
Ngunit habang tumatagal, mas nagiging malinaw ang katotohanan. Tumigil na akong magkuwento tungkol sa iyo, at doon din nagsimulang bumuhos ang luha tuwing naiisip kita.
Sa dami ng napagkuwentuhan ko ng nararamdaman ko, wala akong masabihang nasasaktan ako— baka sabihin nilang, “Ano nga ba ang karapatan mo?” Siguro nga, wala. Pero hindi rin siguro dapat ipagkait sa akin ang karapatan na masaktan.
Naging kaibigan ko ang alak, sa bawat pagdalaw ng lungkot, sa bawat gabi na hindi ako makatulog.
Sinubukan kong umiwas.
Pinangarap kong maglaho sa mga araw na nakatakdang magkasama tayo, dahil iisa lang ang mundong na ginagalawan natin.
Ngunit hindi ko nagawa. Dahil sa pag-iwas ko sa iyo, kailangan ko ring talikuran ang musika— ang tanging bagay na naging sandalan ko sa mga panahong lugmok na lugmok ako.
Masakit, oo, ngunit nakikita ko ang kislap ng iyong mga mata at ang liwanag ng iyong mukha kapag kasama mo ang taong mahal mo. Natuklasan ko ang isa pang bahagi ng iyong pagkatao– mapag-alaga at mapagmahal.
Napakapalad ng taong minamahal mo, at iyon na lang ang hiling ko— na maging ganoon ka rin kapalad sa taong pinili mo.
Itinigil ko na ang pagkukuwento tungkol sa iyo. Tumigil na rin ako sa pakikinig ng mga awiting nagpapaalala sa iyo. Ang hindi ko alam—paano patatahimikin ang tinig sa dibdib kong ikaw pa rin ang nais.











