Ang Kuwento ni Jenine
Ako at ang aking mga kapatid ay lumaki kasama ang aming second cousin na si Jenine na para na rin naming ate. Sa isang punto, nagpasya siyang lumipat sa Thailand para magtrabaho at maghanap ng mas magandang oportunidad sa buhay. Bilang isang solong anak sa kanyang mga magulang, nais ni Ate Jenine na suportahan ang kanyang mga magulang sa pananalapi. Sa kanyang paglipat ay nakakuha siya ng magandang trabaho sa isang hotel sa Bangkok, Thailand.
Nananatiling nagtatrabaho si Ate Jenine sa Bangkok noong nagsisimulang kumalat ang corona virus sa unang bahagi ng taong 2020. Nang tanungin kung ano ang kanyang mga karanasan sa Bangkok sa gitna ng pandemya, inihambing niya ang kanyang karanasan sa Thailand at sa Pilipinas. Nabanggit niya na hindi tulad dito sa Pilipinas, malaya silang nakakalabas basta nakasuot ng face mask at sinusunod ang mga curfew. Naaalala ko noong mga araw na hindi basta-basta nakakalabas ang mga tao sa kanilang mga tahanan at isang tao lang sa bawat pamilya ang maaaring lumabas. Para kay Ate Jenine, mas mahigpit ang COVID-19 protocols sa Pilipinas kaysa sa Thailand.
Sa kalagitnaan ng taong 2020, maingat niyang napagdesisyunan na bumalik sa Pilipinas para alagaan ang kanyang mga magulang. May edad na ang kanyang mga magulang at nag-aalala siya sa kanilang kalusugan. Sa kasalukuyan, siya ay nagtatrabaho bilang online tutor at ngayon ay ikakasal na sa susunod na taon.













