Piliting Ipaglaban o Mahalin at Pakawalan
Naniniwala ako sa kasabihan na “kapag mahal mo, ipaglalaban mo.” Pero hindi rin ba, kapag mahal mo, pakakawalan mo?
Ang isyu na diborsyo ay isang usaping matagal na sa Pilipinas ngunit hindi ito natupad sa ating bansa dahil sa impluwensiya ng simbahan sa ating estado; kahit na ang konsepto ng sekularisasyon o separasyon ng simbahan mula sa gobyerno ay matagal nang itinatag sa Pilipinas (makikita ito sa 1987 Constitution of the Philippines: Article II, Section 6). Ito lamang ay muling nagbalik nang inihayag ng gobyerno ng Pilipinas ang isang panukalang batas na nagmumungkahi sa legalisasyon ng diborsyo na siyang inaprubahan ng Committee on Population and Family Relations ng House of Representatives noong Agosto 17, 2021.
Maraming hindi sang-ayon sa pagpapatupad ng diborsyo sa ating bansa. Ang pangunahing rason dito ay ang pagtutol ng simbahang Katoliko sapagkat labag ito sa ideolohiya at paniniwala natin bilang mga Katoliko. Ipinapakita rin ng ibang mga pag-aaral na hindi ito nakabubuti sa mga bata; sinasabing maaaring makaranas ng depresyon, magkaroon ng problema sa pag-uugali, mahirapan sa pag-aaral, o maging sakitin ang bata. Ayon sa isang survey, madalas na sumasagi sa isip ng mga batang may mga magulang na nagdiborsyong sila ang naging sanhi kung bakit naghiwalay ang kanilang mga magulang; iniisip din nilang baka may nagawa sana sila para iligtas ang relasyon ng kanilang mga magulang. Dahil dito, bumababa ang tingin nila sa kanilang sarili at nahihirapan silang magtiwala sa sarili at sa iba.
Mayroon din mga isyung kailangan pang harapin sa proseso ng diborsyo, tulad ng: 1. Paghahati ng mga personal na ari-arian, 2. Pagbabantay sa (mga) anak at pagbibigay suporta sa kanya/kanila, at 3. Paghahati ng mga utang.
Ang dalawang taong ikinasal ay nangakong mamahalin nila ang isa’t isa habangbuhay— sa hirap man at sa ginhawa, sa sakit o kalusugan; pipiliin at pipiliin pa rin ang magmahal. Ngunit paano kung hindi na kaya? Paano kung imbis na liwanag at kasiyahan, ang naidulot lang nila sa isa’t isa ay pighati at kadiliman?
Base sa mga mga tala, 53% ng mga Pilipino ay sumusuporta sa legalisasyon ng diborsyo; iilan sa 53% na iyon ay may mga sariling anak na. Maaring mapapaisip ka na “Bakit pa sila maghihiwalay kung kailan kinasal na sila at nagkaanak? Kung kailan huli na ang lahat? Gawan naman sana nila ito ng paraan para sa anak nila.” Pero paano naman yung mag-asawa? Hindi ba’t hindi patas para sa kanilang magpanggap na mahal pa rin nila ang isa’t isa kahit hindi na?
Marami ring mga dahilan kung bakit ninanais ng mga taong makipagdiborsyo; maaaring ito ay hindi pagkakasundo, pangangalunya, emosyonal at sikolohikal na pang-aabuso, pagkabagot at pagkasawi sa asawa.
Mahirap sa isang mag-asawa ang magsama sa iisang bubong kapag hindi na nila mahal ang isa’t isa. Kapag nagpatuloy ang ganitong sitwasyon, maari silang magkasakitan at mapapadalas pa ang kanilang away na maaaring makaapekto sa kanilang anak sapagkat araw-araw niyang maririnig ang sigawan ng kaniyang mga magulang, makikita ang pagmamalupit nila sa isa’t isa, at iba pa na baka maging sanhi ng mga mental health issues.
Sa pamamagitan ng diborsyo, silang dalawa ay pwedeng maghiwalay at magkaroon ng mapayapang isipan.
“Pero hindi naman sila magpapakasal kung hindi nila mahal ang isa’t isa.”
Hindi nasusukat ang pag-ibig sa kasal lamang. Kung hindi niyo na kayang mamuhay kasama ang isa’t isa, kapag ang pamilyang binuo ninyo ay hindi mo na masasabing “kumpleto”, kung hindi ka na masaya - hindi na iyon pag-ibig.
Ngunit diborsyo lamang ba ang magiging solusyon sa sawing pag-ibig? Depende ito sa mag-asawa. Sapat ba ang ilang taong pag-aaway at pagtatalo dahil sa nasirang buhay mag-asawa? Kung kaya pang ipaglaban, sige; malaya kayong ipakita sa mundo na kahit malabo man ang walang hanggang pagsasama, hindi ninyo iiwan ang isa’t isa hanggang sa dulo— pero alalahanin ding minsan, mas mabuting bumitaw kaysa mauwi sa kasawian ninyong pareho.