“Okay nako”
"Hi" "Hello" "Kamusta ka?" "Okay nako. Bakit nagparamdam ka pa?"
Nasabi ko na ang paalam Umiyak ng walang humpay na patawad At napunasan ko na ang mga litratong basa ng luha Tapos na.
Babalik ka pa? Babalik pa? Uulitin nanaman ba natin sa umpisa? Ibahin naman natin, umpisahan natin sa dulo O sa pagitan ng mga kasinungalingan Doon sa masasakit na senaryo Sariwain natin ang lahat ng kalokohang Pinagsaluhan nating dalawa.
Tandang tanda ko pa at hinding hindi ko malilimutan Kasi sino nga bang makakalimot sa isang bagay na Hindi napagusapan? Nakatatak padin sa aking utak Kahit na wala kang binanggit na mga salita At ako itong antay ng antay ng katapusan Na kahit kailan ay hindi naman naumpisahan
Ilang balde ng luha ang naipon ko Para akong gumawa ng sarili kong bagyo Tirik ang araw pero pakiramdam ko ay humahampas ang hangin At lamig na lamig akong nakahubad at basang basa At pilit kong pinupulot ang pira pirasong parte ko Nag aantay ako ng kasagutan Kahit hindi naman ako nagbigay ng katanungan
Ako din naman tong si gago Pumayag sa isang bagay na hindi sigurado Walang kontrata o usapan Basta masaya tayo, masaya ako Masaya ako sa pansamanatala Kasi nagumpisa tayong gusto ang isa’t isa At akala ko batayan at sapat na iyon Para mahulog ako sayo
Sa kalagitnaan ay nanatili lang naman Kahit batid ko na anumang oras Maari at posible kang mawala Magsawa, lumisan, at ako ang mahihirapan Alam ko. Alam ko. Alam ko. pero hindi ako handa Hindi ako handa.
Hindi ako handa Dahil nasanay ako Nasanay sa mga palad mo, Na kahit pasmado ay hinahawakan ko Nasanay ako sa mga yakap mo, Na kahit puno ng pawis ay hinahagkan ko Nasanay ako sa mga pangako mo, Na kahit puro kasinungalingan, Ay pinaniwalaan ko
At hindi eto basta naging madali Na tuwing gigising sa umaga tila maasim ang sikmura Iniisip ka at masakit pa Mga luha, ang pait na ipinapaalala ng bawat patak. Nilamon na ako ng kaisipan ng ikaw Imahe na pinaglunsaran ng pagmumuni-muni Nakatatak sa aking utak muling binabalikan at ginagalugad ang pinakatagong sulok ng sisidlan ng alaala Kinailangan kong umiyak ng sobra at Kinailangan kong aralin kung paano ang huminga Kahit wala ka na
Hindi naging madaling kalimutan ka Dahil para kong sinusuntok ang hangin Simula ng lumisan ka Kinailangan kong mabuhay magisa At ngayong bumabalik ka Pakiusap
Tama na Hindi mo ako pwedeng bigyan ng mga panibagong pangako Na sa kalaunan ay mapapako Hindi mo ako pwedeng hagkan at pagkatapos bibitawan lang Huwag mo uli iwan ang lasa Na hanggang ngayon ay nasa bibig ko pa Huwag mo ko iwanan ng amoy Na hanggang ngayon ay nasa mga balat ko pa
Ayoko na Ayoko na balikan ang umpisa Ayoko na mangako ka Na hinding hindi nako iiwan Kagaya ng sinabi mo noong nakaraan Ayoko na yayakapin mo akong mahigpit at Isasayaw sa ilalim ng buwan Hahagkan ang aking labi Mahigpit na hahawakan Nakalapat na mga daliri Ayokong sariwain
Umpisahan natin sa dulo lumipas na ang panahon Hindi na maibabalik ang kahapon Huli na dahil Bumalik ka sa panahong nakaalis nako
Nakausad na Kamusta ka? Okay nako. Tapos na tayo.














