Doon mo malalaman na tapos na
Pag binitawan mo na ang panulat
Na sabay nating hinawakan
Upang isulat ang bawat kabanata
Ng mga bagay na naging ikaw, ako. Tayo.
Kahit na ang mga bagay na kahit kailan
Ay hindi magiging ikaw at ako. Tayo.
Mabilis isulat ang tuldok
Ngunit noon ay pinipili natin
Dugtungan ang bawat pagbagsak
Ng ating panulat ng maliit na guhit
Upang ito ay maging kuwit,
Tanda na ang ating istorya
Ay hindi pa umaabot sa sukdulan
May mga panahon na lumuluwag
Ang iyong kapit at nababawasan
Ang diin ng pagsulat sa bawat
Letra, salita, pangungusap at pahina
Ng kung sino ka, ako, tayo
Doon naging malinaw sa akin
Na unti unti tayong lumalabo
Oo. May mga panahong ganon
Pero pinili mong kumapit;
Muling humawak sa panulat
Ng ating kwento pero ngayon
Ngayon --
Ang bawat tuldok sa dulo
Ng ating mga pangungusap
Na noon ay nababalot ng tamis
Ay naging mga saksak na papatay sa'yo
Ang mga kuwit na dapat
Ay magtutuloy ng ating kwento
Ay nagbabadyang maging tuldok
Ngunit pinili mong dugtungan
At ito ay naging hiwa sa iyong puso; kaluluwa
Kaya't eto tayo ngayon. Ikaw at ako.
Humawak ng magkaibang panulat
Para isulat ang ati --
Hindi
Para isulat ang kwento kung saan
Merong ikaw at --
Hindi
Isulat ang kwento natin --
Hindi rin
Kwento mo na lang
Kwento ko na lang
Di na ikaw at ako. Tayo.
Ikaw na lang.
Ako na lang.