Tandang-tanda ko. Isang tipikal na umaga. Hindi ko alam kung bakit pumasok sa isipan ng kaklase ko ito. Siguro nakita niya ‘yung pagmamadali ko sa pagsusulat ng mga gawaing ipapasa ngayong araw. Sa mga pinapapasang requirement at projects na kung tutuusin ay hindi kayang tapusin sa isang araw.
Hindi ko namalayang napahinto ako sa mga sinabi niya. Biglang napaisip. Alam ko sa sarili ko na sinusubok lang ang katatagan ko ng mga aralin pero bakit hindi ko na nga lang lisanin ang publikasyon nang sa gayon ay magkaoras ako sa pag-aaral at hindi naghahabol sa mga plates at pagre-rebyu.
Hindi ko akalaing darating sa tagpong maiisip ko ito. Siguro ito na ang puntong masasabi kong hindi ko na kaya; na parang gusto nang bumigay ng katawan ko at magpahinga na muna sa dami ng ginagawa at ipinapapasang proyekto; na gusto ko nang sumuko at bigyan muna ng oras ang sarili at maglaan ng panahon sa pag-aaral ko. Subalit may muling bumalik - ang mga alaala.
Muling pinagunita ng isip ko ang araw na tumuntong ako sa publikasyon. Tangan lamang ang karanasan sa pagsulat na gagamitin ko upang maibahagi ang aking talento sa mga mambabasa. Ngunit binuksan ng publikasyon ang aking pag-iisip at iminulat akong tumayo sa aking ipinaglalaban– ang manindigan at tumindig sa karapatan ng mga estudyante.
Kung tutuusin ilang taon na ako sa Guilds at siguro ay sapat na iyon para maglingkod sa mga kapwa ko estudyante pero ito na ang huling taon ko sa publikasyon. Ngayon pa ba ako susuko? At kung susuko man ako, ano pang saysay ng ilang taon kong pananatili? Ano pang saysay ng mga gabing inilalaan ko sa pagsusulat; sa pagpapaalab ng diwa ng mga estudyante sa mga isyung nararapat nilang malaman? Ano pang saysay ng oras at sakripisyo ko sa paglaban sa kanilang karapatan?
Hindi ako susuko katulad ng ibang estudyanteng nagsusunog ng kilay para maintindihan ang aralin o sa isang working student na nagsusumikap para matugunan ang kanyang matrikula; sa mga janitor na walang sawang naglilinis; sa mga instructors na buong araw na nagtuturo; sa mga guard na nagbabantay at nagpapanatii ng katiwasayan sa eskwelahan lalong higit sa mga estudyanteng nahihirapan at nawawalan na ng pag-asa kung papasa subalit hindi mababanaag ang pagsuko. Dahil kung kinakaya nila, alam kong kakayanin ko rin.
Gaya nga ng sinabi ni Sir Rod Marmol nang minsang namin siyang inimbitahan sa Sandigan II na “ang may napapala sa buhay ay ang mga hindi humihinto.” At ito ang palagi kong tinatandaan.
Inaamin kong mahirap ang trabaho sa publikasyon lalo pa’t nakakain nito ang oras mo hindi lang sa pag-aaral kundi sa iba pang bagay. Subalit sa ilang taon kong pamamalagi rito, dalawang bagay lang ang nagpapapanatili sa’kin na magpatuloy sa publikasyon - ang dedikasyon sa ginagawa at prinsipyo sa buhay. Ito ang dalawang sangkap na patuloy pa ring dumadaloy sa aming pluma at nagpapasiklab sa puso naming paglingkuran ang mga estudyante.
Walang dahilan para sumuko.
Hindi ko sasayangin ang ilang taon nang pagpapatakbo ng The Guilds ng kanilang prinsipyo at paniniwala. Ang ilang taon nilang pagtindig at pagbangga sa alon ng maling pamamalakad, sa mga maling sistemang umiiral sa institusyon lalong higit sa pang-aabuso at pagtapak sa karapatan ng mga mag-aaral. Dahil kung isusuko ko ang lahat ng ito, para ko na ring isinuko ang laban ng mga estudyante at hindi na ako kailanman karapat-dapat pang tawagin nilang ‘sandigan’ ng kanilang karapatan.
Gaya nga ng prinsipyo ng isa naming butihing guro, “mahalin mo ang ginagawa mo.” Oo, mahal ko ang ginagawa ko. Mahal ko ang pagsusulat at ang bawat salitang isinusulat ko. Mahal ko ang publikasyon lalong higit ang mga estudyante.
Kaya kung muli man akong tatanungin kung mag-ququit at susuko na ba ako, taas-noo at may tapang akong sasabihing hindi ako susuko at tuloy lang ang laban. Pinagpala ang The Guilds. Pinagpala ang BPSU.