Lahat tayo may boses pero hindi lahat kayang sumigaw. Madali para sa atin ang ubos-lakas na tumili sa tuwing may mga idolo tayong gustong suportahan sa concert, mall tours, guesting, shows pero tahimik tayong nakakaunawa sa pagdurusang pinagdaraanan ng batayang sektor ng lipunan. Naiintindihan natin, oo, pero laging may takot na lumagpas sa linyang naghihiwalay sa'tin sa kanila when in the first place, wala namang linya. Sa tuwing gugustuhin at susubukan naman na nating makisangkot, laging may pag-aalinlangan 'pagkat puno ang listahan natin ng mga dahilan. Parang lagi tayong may pinangangalagaang parte ng pagkatao o pagkakakilanlan sa atin ng ibang tao na ayaw madungisan. Kesyo religious, kesyo famous, Kesyo intelektuwal, kesyo influential. Kinakahon tayo ng mga expectations nila sa atin na nagdudulot ng limitadong paggalaw at pagdedesisyon natin sa buhay. Hindi natin namamalayang pinapanday tayo ng maraming bagay na naka angkla sa pamantayang itinakda ng mapanghusgang lipunan at gaano man natin gustuhing magpumiglas na sa kulungang ito, hirap tayong makaalpas dahil mismong sarili natin ang pumipigil sa atin. Minsan na akong nabilanggo ng sarili kong pag-aalinlangan pero pinalaya ako ng paninindigan. Ang hirap manahimik. Nakakalason ang pagtitimpi. Sa lawak at taas ng kayang abutin ng pangangarap ko noon, pumalakda ako pababa. Ginising ako ng realidad. Nagbalik-tanaw ako sa mga panahon kung saan ang gusto ko lamang na itinataas ay walang iba kundi ang sarili ko, hanggang sa kung paanong natagpuan ko na lang isang araw ang mga kamay ko na nakaangat sa ere, iniinda ang ngalay, maitambol lamang ang mga panawagan ng uring naging personal ko nang paborito. Pinalaki kaming may labis na pagmamahal sa kanin. Ang panalong linyang laging panakot sa amin noon ng lola ko ay, "Wag kayong magtira ng kahit na mumu ng kanin! Iiyak ang palay. Lalabas ang grasya! Hindi na babalik sa bahay natin!" Simula nun, kahit na gabundok pa ng kanin ang ihain sa mga plato namin, palaging simot. Pati mga tirang tutong sa kaldero, ubos. Sa mga pagkakataon namang sa labas kami kumakain, hindi rin mawawala ang extra-rice sa paulit-ulit na inihahain. Kung kaya't hindi naging mahirap para sa aking unawain ang hinaing ng mga magsasaka. Hinayaan kong tangayin ako ng kagustuhan kong pagtibayin pa ang pakikipagbigkis sa kanila. Kung nung una, nasasabik akong makipag integrate sa kanila para lang magpalalim ng karakter sa dula, di kalauna'y, hinanap-hanap ko na ang pakikisalamuha sa kanila. Oo, pare-pareho sila ng linya ng pakikibakang kinabibilangan; ang paggiit ng pagkakaroon ng sariling lupa ngunit bawat isa sa kanila, lagi't laging may personal na tamis at pait sa kwentong kapupulutan mo ng maraming dahilan para magpatuloy. Sa tuwing nakikipag-usap ako sa kanila, nakasanayan ko nang ipokus ang paningin ko sa bibig nila't mata at binabagabag ako ng hindi pagtutugma ng dalawa. Sa totoo lang, ang yaman yaman nila sa ngiti pero kung minsan, inaagaw ng pagod ang kislap ng kanilang mga mata. Sa sinasandaang taon ba naman ng pakikibaka para sa lupa ng mga magsasaka, wala pa ring naipapatupad na tunay na reporma sa lupa, lahat huwad. Nasa iilang pamilyang may sikat na apelyido pa rin ang malalawak na hacienda't lupain at nagkakasya at nagsisiksikan pa rin ang 99% sa mga limos at latak nila. Agrikultural na bansa ang Pilipinas kaya 75% ng populasyon nito ay mga magsasaka pero pilit na ginugustong i convert ang mga lupa into industrial, commercial and residential. Walang pakialam sa libo-libong magsasaka at pambansang minoryang mawawalan ng buhay (dahil kung ang karamihan sa atin ay may kung ano-anong depinisyon ng buhay, sa kanila, LUPA lang ang BUHAY nila) para lang bigyang-daan ang mga minahan at mga dayuhang namumuhunan. Ibinabatay sa naglalakihang mga gusali't imprastraktura ang imahe ng kaunlaran na para bagang hindi agrikultural na bansa ang Pilipinas. Nais lang naman pagtakpan ang labis na kahirapan. Kung gusto talaga ng kaunlaran, solusyonan muna yung problema sa lupa hindi yung nakaasa tayo sa import. Wag patayin ang mga magsasakang lumilikha ng yaman at libreng ipamahagi sa kanila ang mga lupang dapat na sa kanila. Sa sobrang dami nang nawalan at nagbuwis ng buhay para sa landas ng pagkakapantay-pantay, hindi nauubos at mauubos ang mga magsasakang handang tumangan ng labang naiwan ng mga kasama. Magpapatuloy ang pakikipagpalitan natin ng ngiti sa kanila at burahin man ng pansamantalang pagod ang kislap sa mga mata nila, hindi mawawala ang apoy na naglalagablab at nangungusap. Ang init nito ang magtutulak sa kanilang lalo pang umabante pasulong. Mali si lola. Hindi palay ang umiiyak sa bawat butil ng kaning nasasayang. Hindi ang pagsimot ng kanin ang magpapanatili sa grasya ng pagkain sa loob ng tahanan. Kung may dapat mang alalahanin sa bawat subo natin ng kanin, tatlong beses sa isang araw, yun ay ang mga magsasaka. Lahat ng pagod, pawis, luha, dugo --- buhay nila ay ibinibigay nila para sa mga pananim na lahat tayo nakikinabang at kumokonsumo at kung hahayaan lang natin na sila ay paslangin, hindi na talaga babalik o papasok man lang ang grasya sa mga bahay natin. Tayo rin ang maaapektuhan. Kasama tayo sa magugutom. Hindi tayo kailanman hiwalay sa kanila kaya kung paanong kasama tayo sa mga pangarap nila ganun din sana tayo sa kanila. At ang pangarap nila? Dumating ang araw na hindi na natin kakailanganing mag import ng kahit na anong pagkain. Sasakay na lang tayo ng jeep at sasabihin sa driver, "Pakibaba na lang po ako dyan sa may bungkalan." At dun tayo bibili ng mga bagong ani na pananim, sa mga magsasaka mismo. Lokal at organikong mga pagkain na pang pahaba ng buhay, hindi processed food na pampaikli ng life span. Kaya sa lahat ng bagsik at dusa na pinagdaraanan natin sa kasalukuyan, #KasamaAko sa mga babae, kabataan at manggagawang-pangkultura sa pagtindig at pakikipaglaban sa lahat ng tinatapakan at ipinagkakait na mga karapatan. Sa larawang itong habambuhay kong pahahalagahan, pag-aaral sa akademya lang ang natapos, hindi ang adbokasiya't paghuhulagpos. Alay sa mga pangunahing tao ng buhay ko sampu ng masang buong puso at mapagkumbaba kong pagsisilbihan. Para sa 142 na magsasakang pinatay sa ilalim ng dalawang taon pa lang na panunungkulan ni Duterte! Humanda ka sa hindi na mahihinto pang dagundong ng mga yabag at sigaw Digong. Panimula pa lang yung SONA kanina. #SONA2018 #PeoplesSONA #StopKillingFarmers









