Kahangalan
Minsan narerealize ko na gaga nga talaga ako. Bakit ganun? Pilit ko pa ring isinasabuhay ang masaklap kong nakaraan. Baliw na nga siguro ako. Nakakatawa lang kasi ang dami ng lumipas na mga sandali pero bakit hindi pa rin mawala sa akin ang tumingin sa likuran at tanawin ang aking masayang nakaraan sa lalakeng tunay kong minahal.
Napakatae naman kung sasabihin kong hindi ko siya minahal kasi kung ipagdurugtong ko lang ang mga kapirasong laman ng aming pagsasamahan, makikita ang aking walang kapantay na sakripisyo na sa tingin koy binalutan ako ng kagagahan. Isa na rito ang buong loob kong pagbibigay ng aking kasarinlan sa isang taong dalawang buwan ko pa lamang nakilala. Ngunit tila bagang isang apoy ang bumalot sa aking mundo nung mga panahong iyon at nakalimutan ko na ako’y isang batang musmos pa lamang. At sa pag-ikot ng mundo, araw-araw kong nilalanghap ang mga matatamis niyang salita na tipong nagpapabuhay sa aking kawalan. Ano ba ang nangyari sa akin noon?
Hindi ko maikakaila na minahal ko siya nang lubos. Eh hanggang ngayon nga hindi pa rin siya mawala sa isipan at puso ko. Ilang taon na ba ang nakalipas? Limang taon na! Tapos, heto pa rin ako, nagmumukhang gaga, nagbabasakali pa na muli naming lasapin ang unos ng pagmamahal. Tama ba tong sinasabi ko? Napakaepal ko talaga pero, totoo, hindi ko talaga mahanap ang tunay na dahilan kung bakit hindi ako makamove-on sa gagong ‘yon. Totoo!
*Ang Katotohanan*
Una, ayaw ko sa mga kaibigan niya. Kasi mga barumbado, walang alam sa mundo kundi lasapin lamang ang kademonyohan. Pero, tinanggap ko pa rin ang kanyang mga walang hiyang kaibigan. Ayaw ko sa mga ex niya kasi mga walang magawa kundi sirain ako. Bakit? Kasi mas maganda at sexy sila saken kaya ganun nalang sila kung makaasta? Utang na loob! Kung titingnan natin ang kabuuang hitsura nila, eh mas panalo pa ako. May hinaharap ba sila? Ni burol nga di mapakita! Eto pa, iniwan nalang niya ako at pumunta dun sa States. Tapos, sabi pag babalik daw siya, hindi ko raw siya iiwan, hindi raw ako dapat magkaroon ng boyfriend. Utang na loob! Eh pagbalik niya sinabihan ba naman akong magbest friend nalang daw kami? Asan ba ang hustisya dun? Nakakatawa! Pagkatapos ng sakripisyo ko na hindi ako naghanap ng kapalit niya tapos ganun lang ang sasabihin niya? Kagaguhan talaga! Ganun nga talaga siguro ang mga gagong lalake na walang binatbat kundi maghanap ng lasap!
*Pero Ito Pa Ang Mas na Katotohanan*
Sa kabila ng kaepalan niya eh mas nagiging epal ako sapagkat minahal ko pa rin siya nang lubusan. Tanga na nga siguro akong maituturing pero hindi ko rin makumbinsi ang sarili ko na kalimutan ang gagong ‘yon. Nakakapagtaka ngang isipin ano, na kahit bitayin man ako ng mundo, hinding-hindi ko pa rin siya makakalimutan. Kahit ngayon na may syota na siyang Kana, nagseselos pa rin ako. totoO! Alam kong hilaw ‘yung nagustuhan niya (bitter-bitteran) pero alam kong mahal niya yun. At alam kong ako ang nagiging kawawa sapagkat pilit kong ipinagdidiinan ang sarili ko sa walang kwentang lalake na may syotang Kana.
Sa lahat ng kagagahan ko, sa pagkatanga ko, narealize ko na kailangan ko ng lisanin ang mundong ginagalawan ko. It doesn’t mean magpapakamatay ako. Ang ibig kong sabihin, kailangan ko ng umalis sa bitag niya. Totoo na ‘to! Alam kong mahirap. Kumbaga procrastinator ang dating ko dito pero sa abot ng aking makakaya, kailangan ko ng kalimutan ang aking nakaraan. Akala mo kung sinong makasalita. Akala mo ang dali-daling gawin. Pero totoong mahirap. Sobrang hirap pa sa pagtetake ng board exam. Pero kailangan eh. Hindi ko man alam ang paraan pero kailangan talaga. Paano nga ba? Ewan! Diyos na ang bahala sa kung ano man ang mangyayari. Iisipin ko nalang na minsan nagkasugat ako sa aking kahangalan. Pero hihintayin ko nalang ang panahon na kusang hihilom ang sugat at masasabi ko sa sarili ko na “may marka oh pero di na ako nasasaktan.” ©swb2007














