SINONG KANGKONG NGAYON?
“Sinong kangkong ngayon? Uloool!” ani Mark “The Spark” Caguioa.
Walong taon na hinintay ng kuponan na ito bago sila magkaroon ng panibagong kampyonato. Sandamakmak na pangangantyaw at pagdududa ang inabot nila sa sambayanang Pilipino. Ang dating mga hari ng Philippine Basketball Association(PBA) ay itinuring na talunan sa loob ng walong taon. Kaya naman ay hindi natin maitatanggi na napakaganda nga ng pagkakapanalo ng Ginebra San Miguel Kings.
Ang nakakapangilabot na tres ni Justin Brownlee ang tumapos hindi lamang sa laro kundi pati na rin sa pagkagutom ng mga manlalaro ng Ginebra sa kampyonato. Ginawa niya ito sa harap ng libo-libong Pilipino na nakasaksi ng isa sa mga pinakamagagandang pagtutuos ng mga kuponan sa PBA Finals.
Ngunit hindi lamang siya ang gumawa sa larong ito, andiyan si LA “Tenyente” Tenorio na nakagawa ng 25 points, 6 assists, 5 rebounds. Ang “Tenyente” din ang ginawaran ng Finals Most Valuable Player ng PBA.
Kasama sa mga manunuod ang maalamat na si Robert Jaworski. Siya ang nagsindi ng apoy sa mga kalooban ng mga manlalaro noong sila ay natambakan ng 15 na puntos matapos ang ikalawang quarter.
Namangha din ang kanilang coach na si Tim Cone sa kanilang ipinakitang kalidad ng paglalaro ng basketbol. Ang nasabing coach ay nagbigay ng napakalaking tulong sa pagrereporma sa kuponan na ito. Masasabing mayroon silang malakas na katawan ngunit kulang sila sa ulo nitong mga nakaraang mga konperensiya. Ngunit makikita naman ang malaking pagbabago sa kanilang paglalaro noong dumating si Tim Cone.
Kasisimula lamang ng panibagong konperensiya ng PBA noong ika-20 ng Nobyembre sa kasalukuyang taon. Tunay na kaabang-abang ang mga kampyon at nagbabalik hari ng PBA. Ngunit karapatdapat din na abangan kung paano susubukang agawin ng ibang kuponan ang kanilang trono. Kaya naman… SAAN KA? KAMPIHAN NA!












