EDITORYAL – Ang droga at epekto nito
DROGA ang madalas nating naririnig at nakikita sa radyo, telebisyon, at maging sa social media ngayon. Pero ano ba talaga ang droga? Anong naidudulot nito sa ating bansa? Anong mangyayari kung ito ay ating masusugpo at bakit natin ito kailangang iwasan?
Ang droga na ating sinasabe ay ang mga ilegal at ipinagbabawal na gamot na ginagamit ng karamihan sa mga nahuhuli ng ating mga kapulisan ngayon. Ito ay ang bagay na sumisira ng buhay ng mga tao. Sinisira nito ang katinuan ng isang tao na nagdudulot sa kanya na gumawa ng masamang gawain na nagagawa ng isang kriminal. Ika nga ni Sen. Richard Gordon kay Kerwin Espinosa, anak ni Mayor Rolando Espinosa, na siyang nagtutulak ng droga, “Sa una lang magkakaroon ng magandang dulot ang droga pero sa huli, ikaw pa rin ang talo.”
Habang lumalaganap ang ipinagbabawal na gamot sa ating bansa, pababa na nang pababa ang ekonomiya ng bansang Pilipinas dahil kaakibat ng droga ay ang mga tiwaling opisyal na namumuno at nangungurakot sa atin. Mabuti na lamang at nagkaroon ng solusyon ang ating presidente. Bagamat marami itong negatibong pangitain, mayroon rin naman itong naidudulot na kaayusan sa ating bansa. Ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry Chairman, Sergio Ortiz Luis, makabubuti ang aksiyong ginagawa ni Pangulong Duterte dahil lumilitaw na seryoso ang pamahalaan sa pagharap sa problemang kinakaharap ng bansa, partikular na sa kriminalidad. Sinabi din niya na, “Kung bibigyan natin ng pansin ang mga bagay na makaaantala sa tagumpay ay makababalam ito sa pag-unlad ng ating ekonomiya. Maganda nga na nararamdaman ng mga investor na seryoso ang ating gobyerno at ang Pangulo na isaayos ang ating pamumuhay kaya huwag natin hayaang madiskaril ito,” Ang droga ang isa sa mga dahilan kung bakit ang karamihan sa atin ay naghihirap. Dahil sa dito ay natututunan ng iba sa atin kung paano yumaman nang madalian at ito ay hindi maganda para sa ating bansa. Ito ay nagbubunga ng hindi maganda dahil ito ay walang buwis. Kahit na gaano pa kamahal ang kanilang maibentang droga, wala itong maiaambag na buwis sa Pilipinas dahil ito ay ilegal.
Isipin na lang natin kung wala nang Pilipino ang gagamit at magbebenta ng droga sa ating bansa. Magkakaroon ng kaayusan at kapayapaan dito sa Pilipinas. Magkakaroon ng mas magandang kinabukasan ang mga kabataan at mapapatunayan natin na totoo ang sinabe ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na, “Ang kabataan ang pagasa ng bayan.” Magiging maunlad ang lahat at mas lalo tayong rerespetuhin ng ibang bansa at hindi na nila tayo maaaring maliitin. Ang kailangan lamang natin upang makamit ito ay disiplina ng bawat isa, tapat na mga opisyal ng Pilipinas, mahabang pasensiya at unawa, at takot sa Diyos.














