Kinabukasan: Halalan 2016
Habang palapit nang palapit ang buwan ng Mayo,
Papaubos naman nang papaubos ang gana kong bumoto
Bagamat hindi nauubusan ng gimik, isyu at samu’t saring propaganda itong mga pulitiko
Nakakasawa parin ang kani-kanilang istilo
Ang dapat sanang simpleng pagpapakilala sa madla,
Nagiging sanhi pa ng mga alitang pang-bata
Sa ganoon ba natin ipagtitiwala ang ating lalawiga’t bansa?
Huwag na nating hanapin ang pagbabago sa kanila
Sapat na ang ilang taong pagkabulok ng sumisibol nating pag-asa
Na nadidiligan lamang tuwing papalapit ang halalan
At agad ring tatapakan matapos ang ani'y pakinabangan
Ibibigkis nang mahigpit,
Isisilong sa malawak at matibay na kamalig… na kailan ma'y hindi ka makatitikim
Magtitiis ka na lamang sa nangalaglag na mga butil
Maghahanda upang payabunging muli ang mga nalagas na uhay
Huwag na nating isisi sa kanila ang usad-pagong na pamumuhay
Tayo ang pumipili ng sa ati'y mamamahala
Tayo ang rin ang pumili ng mga taong mapagsamantala
Mga taong nagtamasa ng dapat sana'y ating biyaya
Tayo rin ang pumili ng mga magagaling –
Magagaling sa panunumpa ng mga salitang sa ilong nanggaling
Tayo rin ang pumili ng mga malikhain –
Malikhain sa mga pangakong kaakit-akit lamang sa pakinig
Tayo ang pumili ng mga nakakaiintindi sa atin –
At nakakaalam ng mga kahinaan natin
Kaya ngayo'y tayo,
Tayo at wala nang iba pa, ang dapat sisihin
Sa kinabukasang nababalot ng dilim














