Isang piyesa para sa mga bata noong dekada nobenta,
na nabuhay noong wala pang social media,
gaya ng Fb, twitter at mga larong tulad ng DOTA
maghapong nasa labas, laman ng kalsada.
Matutulog sa tanghali, dahil uso ang siesta,
pero madalas tumatakas, dahil tinatawag ng tropa.
At dito magsisimula ang magagandang ala-ala
na dadalhin hanggang sa aming pagtanda.
Mga larong kalye ay aking ibibida,
Bangsak, patintero at mata-mataya,
Isama pa ang tumbang-preso at langit-lupa,
luksong tinik at luksong baka.
Abukaka abukaka siyang palaka,
Sili-sili maanghang,
pagkabilang kong tatlo ay nakatago na kayo.
Bawal ang madaya, bawal ang lalampa-lampa.
Ilagay ang tsinelas sa magkabilang siko at magpaa
Dahil sa pag-aakalang bibilis ang pagtakbo at ika'y mauuna,
Teka lang, may dumaan na eroplano,
sabay-sabay titingin sa langit at kakawayan ito.
Kotong peace, biglang may pumalo sa ulo,
eh kasi may bigla ring dumaang kalbo,
kotong peace isa pa,
dahil may nakita namang isang kotseng kuba.
Ito'y biruan lamang na talaga namang nakakatuwa,
bawal ang pikon, bawal ang iyakan,
Kung ayaw mong iyong mga kalaro ay mag-alisan.
Mga lalaki ay magpapahinga at sa mga babae ay makikipag-asaran.
Mga kababaihang nagbabahay-bahayan, nagtititser-titseran,
o kaya naman ay nagluluto-lutuan.
Kunwaring pinapakain ang mga laruang manika,
ng mga dahong pinitas at bulaklak na gumamela,
Paper dolls ay kanilang inirarampa,
balat ng kendi at tansan ang ginagawang pera.
Maya-maya sila ay tatayo na,
magugulat ka may showdown na sa kalsada,
mula sa pamela-pamela
hanggang sa katawan ni jopay , jopay, jopay
at katawan ni mystika, mystika, mystika.
Sabay bubuka ang bulaklak, papasok ang reyna.
Tuloy lang sa pagkendeng hanggang sa nakalimutan na si Maria Clara.
Pag nagsawa, ilalabas ang pinagdugtong-dugtong na goma,
Ten twenty at Chinese garter ang susunod na eeksena.
Kapag nakalabas ang ngipin pwedeng ma-dead ka
pag na-dead si mother, ise-save ni baby, san ka pa?
Mga balat ng tsitsirya ay gagawing tattoo,
balat ng saging ang ipapamato sa piko,
manghuhuli ng gagamba ilalagay sa kahon ng posporo,
ilang beses kang nandaya sa larong step no?
sa larong teks si goku super saiyan 3 ang pamato,
bet ko na hawak mo kasama pamato't pananggulo,
sabay pektus para siguradong panalo.
Sa larong holen, ay hindi rin magpapatalo,
bawal kumiling, mandadaya pa ang loko,
empoy ang tawag pag lumagpas sa guhit sa dulo,
kaya ang ending ang pasi ay ako.
Samantala sa larong tantsing, marami kang maipapalabas
Kung ang pamato ay pinalibutan ng alambre o
nilagyan ng thumb tacks.
Ihilera na ang mga tsinelas,
titirahin mula sa guhit kung saan bawal ka lumagpas.
Pag nagutom ay maghahanap ng Alatiris na mapipitas,
I-check kung ang tali ng aso ay hindi nakakalas,
dahil patay ka kapag ito ay nakatakas,
mapapatalon ka at siguradong kakaripas.
Hindi mawawala ang pikunan at suntukan,
sa mga babae naman ay sabunutan,
Pero bago muna magsimula ang laban,
hawakan mo muna sa tenga kung ikaw nga ay matapang.
Lalakas ang loob mo dahil sa likod mo may nagchicheer sa'yo
kung makatingin akala mo talaga mga atapang na tao,
pero bago pa tuluyang magsimula ang dwelo
halata na kung sino ang asar-talo.
Pero ang pinakamasakit na maririnig mo
ay ang pahayag na ito,
"HINDI NATIN YAN BATI ,
WAG NATIN YAN ISALI"
Kaya titingin ka na lang sa isang tabi,
Bibili ng softdrinks at hopyang ube
mang-iinggit sa mga kalaro mong PG
na maya-maya ay lalapit sa'yo at manghihingi,
dahil sa pagkain sila'y naging kakampi.
Minsan kapag biglang dumilim ang kalangitan,
Maghahanap ng uling o bibili na lang ng chalk sa tindahan,
Guguhit ng maraming nakangiting araw,
At ang kantang rain, rain go away ay isisigaw.
Pero kung hindi naman umepekto,
Eh di sa ulan na lang maligo.
Gagawa ng mga sariling bangka
At sabay-sabay ipapaanod, ang unang lumubog ay talo.
Pero kung walang nagbabadyang pag-ulan,
Naglalakihang saranggola ay maglalabasan,
Gawa sa walis tingting, sinulid at plastik
Siguraduhin lang hindi ito sasabit
O mapigtas ang pisi at mawala sa pagkakapit.
Alas sais na pala, yari ka na naman sa nanay mo,
Rinig na rinig, isinisigaw na ang pangalan mo,
kaya magpapaalam na sa tropa at tatakbo,
kung ayaw mo pagdating sa bahay ikaw ay mapalo.
Pero mapapansin ang buwan ay nakasunod sa'yo,
matutuwa ka at magpapahabol dito,
Matatanaw si nanay may bitbit nang walis tambo.
Agad-agad ka na lang mapapakamot sa ulo.
Pagdating sa bahay, kahit amoy araw, ayaw pang maligo,
dahil balak pang lumabas, at tumambay hanggang alas otso.
Kung saan ang usapan ng tropa ay magiging seryoso,
minsan magtatakutan o kaya aminan kung sino ang crush mo.
Isang piyesa para sa mga bata noong dekada nobenta,
na nabuhay noong wala pang social media,
Gaya ng Fb, twitter at mga larong tulad ng DOTA
maghapong nasa labas, laman ng kalsada.
Matutulog sa tanghali, dahil uso ang siesta
pero madalas tumatakas, dahil tinatawag ng tropa.
At dito magsisimula ang magagandang ala-ala
na dadalhin hanggang sa aming pagtanda.