Araw araw, ako'y sumasakay ng tren. Bagama't siksikan at madalas ay hindi ganoon kalamig, okay lang dahil ako'y makakarating din naman sa aking paroroonan ng mabilis at walang traffic. Naisip ko lang, kung nandito ka kaya sa loob ng tren na sinasakyan ko ngayon, mapapalapit na ba ako sayo? Yung lapit na ramdam mo sa buong katawan. Yung lapit na makakarating din ako sa iyong isipan. Yung lapit na nakakasakal, nakakabagabag. Siguro kung kaharap lang kita ngayon, sa loob ng tren na 'to, baka magpatulak na lang ako kay manong na nasa likod ko para mas mapalapit pa sayo. O kung kaharap kita ngayon, maaari ba kitang titigan hanggang sa bumaba ka na sa iyong stasyon? Yung titig na sisilip sa iyong kaluluwa, yung titig na gustong magsawa sa iyong mga mata. Kung kasalanan lang ang tumitig sa isang tao, marahil makasalanan nga ako at nararapat na parusahan mo. Para ka kasing cheese stick sa dapitan na nakaka-adik, parang ilovemilktea na tig-singkwenta pesos na nakakapanabik. Parang isang drogang hindi ko mahindian sa tuwing nakahain sa aking harapan. Siguro kung kaharap man kita ngayon, dadamhin ko ang bawat sandali. Sapagkat dito ko na lamang magagawa ang aking mga nais. Sa bawat stasyon, sa bawat pagtigil, ipagdadasal ko na lamang na huwag kang umalis. Dahil ang pagsakay sa tren na ito ay tila isang panaginip. Masaya habang nandyan, mapait sa kalaunan.