May nabasa akong comment sa Reddit nung isang araw.
Simula nung lumabas ka ng bansa, hindi ko na alam kung anong gagawin ko sa oras ko. May sarili naman akong mga lakad, pero pagkatapos ng mga yun, wala na. Inaabutan ko lang uli’t uli ang sarili kong nakatambay sa harap ng screen, pinapalipas ang oras sa kada scroll paghahanap ng mapagbabalingan ng atensyon, kasi wala ka nga dito para kunin lahat ‘yon.
Syempre, tambay ako sa horror stories sub. Matatakutin akong tao kahit hinding-hindi ko ‘to aaminin kahit kanino. Kahit putulin pa yung mga daliri ko (oo, kahit di na muli akong makatipa sa gitara) pero ikaw kasi, hindi. Ito yung hilig mo, kaya naman kahit natatakot ako, kahit minsan babangungutin ako, nagbabasa ako ng mga ganito. Para may pag-usapan tayo.
Yung post, tungkol sa poltergeist activity daw sa condo unit ni OP. Nagtanong sya kung ano ba daw kayang pwedeng gawin para mapurify yung unit nya kahit nakapagpabless na naman daw sya ng ilang beses. Sabi nung comment na nabasa ko, magsindi raw ng insenso. Sa metal na bowl daw ito ilagay, samahan ng kamanyang. Pausukan daw lahat ng sulok ng lugar, at wag nang lilingon sa mga sulok na natapos na.
Dagdag pa nito, wag na wag raw magsisindi ng kandila. Mas maaakit raw yung mga di nakikita, mas hindi ka raw nila lulubayan. Kaya siguro ganun sa Goblin, ‘no? Kaya siguro parang halos lahat na ng kandila sa mundo, binili ni Euntak para lang mapabalik si Shin sa tabi nya?
Pag ba ako nagsindi ng kandila, hinding-hindi mo na rin ba ‘ko lulubayan? Babalik ka na rin ba sa tabi ko? Ipipihit mo rin ba ako, gaya nang pagpihit ni Shin kay Euntak? Babaguhin mo rin ba ang bawat pagpinid ng mundo ko para lang ipaalam na andyan ka na ulit?
Pasensya ka na, ha? Miss na miss lang kita. Bilisan mo na kasi dyan sa schedule mo (pero take your time, Mahal).
Sa ngayon, ipopost ko na lang muna ito. Ingat ka dyan, at asahan mong andito lang lagi ako, pasensyosong (kahit inip na) maghihintay sa’yo.
P.S. Hihintayin ka rin ng candlelit dinner natin. Lulutuin ko yung paborito mo.















