Ang dami sigurong kwento ng mga kalsada ‘no?
naisulat noong Enero 23, 2025
Una kong naisip yan nung narinig ko yung “the streets” ng MATOKI, nakaka lss lang kasi talaga yung “i know these streets by heart” sa chorus. 2023 Noong nakilala ko girlfriend ko, 825 Extremadura Street Sampaloc Manila, Rabbithole pa yun noon. Album launch ko nun, at plus one siya ng mutual friend namin. Noong panahon na niligawan ko girlfriend ko, madalas ako sa recto at gastambide, sinusundo ko siya at minsan hinahatid ko rin. UE pa school niya noon at ako naman nasa UST, kayang lakarin. 1pm-7pm pasok niya at ako naman 8am to 4:30pm. Hinihintay ko uwian nila, tambay muna ako sa Rabbithole tapos kapag pwede na siya lumabas, pupunta na ako sakanya. Pabor sakin yun, syempre makikita ko girlfriend ko at makakaiwas sa rush hour dahil tandang sora pa yung uwi ko.
Noong mga panahon na yun madalas kami talaga sa u-belt at quezon ave tumatambay. Ang dami naming kwento sa Gastambide, Recto, Espanya, at Santo Domingo Church. Sa Gastambide niya ako sinagot, sa Santo Domingo ko siya hinahatid para sa tricycle niya pauwi at kung susunduin man siya ng tatay niya.
Pag tapos ng highschool, syempre hindi na ganun ka-gaan ang lahat. Nag college ako, siya naman nag work. Noong mga panahon na di pa ako natatanggap sa UP, natanggap na siya sa trabaho niya sa Maginhawa at dapat mag UST convservatory of music ako at mag shishift sa Philosophy. Una kong naisip is hindi na ako makakapunta sakanya palagi, hindi na walkable distance namin sa isa’t isa. Kaya laking tuwa ko noong natanggap ako sa UP, dream school ko, oo pero natuwa rin ako na walkable pa rin distance namin. Biniro ko pa siya noon na sinusundan ko talaga siya at hindi ako papayag na paglayuin kami. Ganun kabilis lang, ang Gastambide naging Matimtiman, ang Espanya naging Maginhawa, ang Recto naging Katipunan
Noong October ng 2024 bumalik kami ng girlfriend ko sa Espanya, para i-visit ang bar kung saan ginanap album launch ko at kung saan kami unang nagkakilala, naging dahilan rin ito dahil magsasarado na yung venue sa end of the month at gusto namin mag date sana dun ulit bago magsara ito. Binisita namin mga lumang pwesto namin sa Espanya at Gastambide. Inisip namin na “sino na kaya naka pwesto sa mga spot natin noon?”. For old time’s sake, binalikan namin ito. Walang nakatambay dun, atin pa rin yan kahit anong mangyari, pinapahiram lang natin sakanila. Dating gawi, bili ng Milo Overload sa Gastambide, upo sa pinaghihintayan namin ng jeep sa Espanya, tingin dun sa ukayan na may tindahan talaga at dun sa ukayan na sa likod lang ng suv naka set up at tambay sa Rabbithole kung saan kami unang nagkakilala.
Tulad ng mga kalsadang ito, walang nagbago sa amin. Siya pa rin yung masiyahin, maganda at matalinong babae na nakausap ko sa labas ng bar at nakaupo sa bangketa ng Extremadura. At ako pa rin yung lalaking puro biro, may hawak na pilsen, at nabibighani kung bakit may magandang babaeng kumakausap sakanya. Sa totoo lang, hanggang ngayon hindi ko pa rin nababalot utak ko na meron akong ganito. Bayani siguro ako noong una kong buhay para maging karapat dapat ako sa babaeng katulad niya.
Ang dami sigurong kwento ng mga kalsada ‘no?
Buti na lang, kasama kita sa byahe.














