"Pag-Ibig". Sa katagang iyan, ano ang pumukaw sa iyong isipan? Maraming konsepto ang pag-ibig. Nasa sa iyo kung paano mo ito bibigyan ng saysay. Isa itong malawak na salita at nakadepende iyon sa tao kung paano niya lalagyan ng kabuluhan at kahalagahan ang paksang ito. Kung tatanungin mo ang isang inosenteng bata ng maaring maging ibigsabihin ng pagmamahal para sa kanila, paniguradong makakakuha ka ng samu't saring kasagutan.
Noong bata ka, ang tanging alam mo lang sa pagmamahal ay sa tuwing kakain kayo ng pamilya mo nang sabay-sabay, na may pinagsasaluhang isang buong manok at ibibgay sa'yo ng mga magulang mo ang pinakamagandang parte. Simpleng pagmamahal na sa'yo ang eksenang, sa tuwing gigising ka sa umaga at madadatnan mong nagtitimpla ng kape ang nanay mo para sa tatay mo. Pero, habang lumalaki ka, nag-iiba ang basehan at prinsipyo mo sa pagmamahal. Dahil ngayong matanda ka na, ang dati mong kaisipan ay mas namulat pa sa isang reyalidad. Pag-ibig para sa'yo ang katumbas nang masaktan. Mga pangyayaring maghihintay ka ng tamang tao para sayo, tulad ng pag-iintay ng mga prinsesa sa mga libro. At kapag nahanap mo na ang taong iyon, kailangan mo nang tanggapin ang katotohanan na dapat handa kang harapin ang mga problema na may kaakibat na kalungkutan. Hindi ito magiging alintana, kung handa lamang kayong lumaban. Dahil alam mong kulang ka, pag wala siya. At kung tunay ngang para kayo sa isa't isa, hinding-hindi mauuso sa inyo ang mga salitang, "nagsasawa na ako, pagod na ako." Sapagkat ang pagmamahal ay ang pakiramdam ng nasa langit. Magiging kasing saya mo ang mga anghel na para bang ang kulang mo na lamang ay ang sinag mo sa ulo at ang mga pakpak mong makakapagpalipad sa'yo sa tuwa, ligaya at galak. Ito ay ang pakiramdam ng nasa isang magarbong kaharian at ikaw ang prinsesa na ang tanging kulang mo na lamang ay ang korona. Ngunit sa kabila ng inyong kasiyahan, tulad ng pagsinag at pagsikat ng araw, hindi niyo maiiwasang unti-unting papatak ang ulan. At sa pagkakataong ito, tanging ang payong ninyo ng pag-ibig lamang ang inyong magiging pansalag. Malalman niyong, sa lahat ng pagkadarapa niyo at sa bawat pag-ikot ng mundo, ang pagmamahalan niyo lamang ang tunay na mananaig.
Kung wala ka pa sa yugtong ito ng buhay mo, kung saan hindi mo pa nahahanap ang para sa'yo, tiwala lang. Dadating ka rin sa punto at antas ng buhay mo, kung saan mas gugustuhin mo nang marinig ang salitang "kayo" at 'tayo". At mas pipiliin mo na ring makipagsapalaran sa mapaglarong kapalaran, dahil alam mong sa pag-ibig, kahit alam mong masakit, laging sa bandang huli, ay may taong patuloy na makikinabang