Sistemang Kaunlaran Katuwang Ang Mga Manggagawa
Habang abala ang bawat tao dito sa mundo, may mga Pilipinong nakikibaka para sa isang obhetibong progreso. Maririnig mo na ang bawat isa sa kanila'y may binubulong na mga kuro-kuro. Mga malawakang damdaming pulitikal, kultural, ideolohikal at pang-ekonomiko. Sinusulong nila ito, upang buhayin ang makatarungang konsepto ng paggawa. At ang mga indibidwal na nasa likod ng mga aninong ito ay ang mga, "HUWARANG MANGGAGAWA."
Mahaba ang pakikibaka ng mamamayan upang ipaglaban ang isang makabayan, makamasa at siyentipikong lipunan. Kaya naman, hindi mawawala ang tinig at malawakang kilusan ng mga manggagawa upang magsilbing interes ng mga mamamayang Pilipino. Malaki at malawak ang naipupundar nila sa ekonomiya ng bansa, dahil kung wala sila, paniguradong tutumal ang pagkilos at pag-unlad ng pagbabago sa indutriyalisasyon. Hindi mahalaga kung mataas o mababa ang katungkulan mo sa isang maderong industriya. Dahil mas kapaki-pakinabang na bigyang kabuluhan, ang mga bagay na ginagawa mo para umunlad ang pagbabago. Marahil ang iba'y di napapansin ang mga pangyayaring ito. Sapagkat may mga taong nananatiling bulag pagdating sa isyung, "Sino nga ba ang tunay nagpapatakbo ng mundo?" Ito ang mistulang epidemya ng nagbabagong lipunan. Mas naririnig natin ang mga boses ng mga may posisyon sa ating mundong ginagalawan kaysa sa mga taong walang gaanong kapangyarihan. Tila nakakalungkot ang kaisipang ito. Sapagkat, kahit mamaos sila sa kakasigaw na mawala ang nakagapos na ideolohiyang ito, mananatili pa ring bingi ang mga tao sa mundo. Tigilan na ang paglilinlang sa sariling alingawngaw patungo sa isang senaryong, "Mas may pakinabang ang mga nasa itaas." Sapagkat lahat naman tayo'y pantay-pantay lamang sa lipunang ito. Hindi mahalaga kung anong antas mo bilang isang manggagawa, ang mas mahalaga ay kung paano mo mababasa at maiintindihan ang kahulugan ng, "serbisyo."
Sa puntong ito, nakakabagabag ang dumating sa yugtong mawala na rin ang sentral na halaga ng mga manggagawa sa panlipunang pagbabago. Dahil unti-unting umiiral ang Marxismo. Nawa'y magising na sa katotohanan ang bawat mamamayan na ang kalinangan ay kapwa ring nasa sangkatauhan. Mas bigyan natin ng saysay ang inihahain ng masa upang makibaka sa imperyalistang dominasyon at pyudalismo. Kung magtutulong-tulong tayo, at maisasantabi natin ang mga "antas" ng pagiging manggagawa, paniguradong magiging isang malaking hakbang ito sa kaunlaran ng bansa.