bakit ang hirap magsalita sa tuwing nand'yan ka?
niyaya mo kong maglakad kahit gabing-gabi na, at kahit kunyari ay hindi ko napansin ang pagtaas ng tono mo para pilitin ako, ang hindi mo alam ay hindi mo kailangang umimik para ako'y mapa-oo.
kung para sayo, alam mo nang andyan ako.
sa totoo lang, hindi ko na maalala kung ilang oras ang nawala sa imbita mo na 'to. hatinggabi ba nang makalabas tayo? pa-umaga na ba noong bumalik? pagpasensyahan mo sana ang utak kong makakalimutin sa ibang bagay na hindi tungkol sa'yo.
tanungin mo ako kung anong naaalala ko, at dalawa lamang ang nasa listahan ko.
ikaw
isa pang senyales para matandaan ko na ako'y sayo sa simula hanggang dulo.
pero hindi ako nagpapakitang-tao dahil alam ko na may isa pang numero na nakatago. hayaan mo sana akong maging makasarili sa pagkakataon na ito, pero ang katotohanan niyan ay isang pilit mo lang sa akin at malalaman mo na—
3. ang naaalala ko lagi sa tuwing magkasama tayo ay kung gaano kalaki ang pasasalamat ko na ako ang pinagpala na makita ka nang ganito.
ganito, at ang ibig sabihin ko ay: ang mahinahon mong pagtapak sa daan para hindi makagising ng ibang tao. ang pagkinang ng mata mo habang tinitignan ang langit at bituin na, kung ako ang tatanungin, walang-wala sa iyo. ang bawat lukso’t lundag mo na may kasamang tawa dahil “ang lamig sa labas, no?,” at “salamat, dahil sinamahan mo ‘ko.”
pero tuyo ang dila ko sa tuwing sa akin napupuwing ang tingin mo, at nahihirapan akong mabuhay nang hindi bawat segundo ay pinangangalandakan ko sa lahat ang laman ng diwang ritmo ay ang palayaw na ginawa ko para sa iyo.
pinagkakatiwalaan mo sa akin ang iyong pagkatao, at sa bilyon-bilyon na pwedeng nararapat para dito, ang mga kamay ko pa ang napili mo para tanggapin ito nang buong-buo.
yayain mo ako ng yayain, saan man tayo abutin. taasan mo ang boses mo, pababain para asarin ako. hindi ako magsasawa na kilalanin ka mula ulo hanggang paa, dahil ang mapalapit sa iyo ay mapalapit sa isang buhay na pinamumunuan ng puso.
gisingin mo ulit ako nang hatinggabi, at baka sakali ay magkaroon na ako ng lakas ng loob para sabihin na: ipagkakait ko ang buong mundo, kung ang ibig sabihin nito'y mananatili ka sa tabi ko.















