Malaya pa naman tayo magsalita gamit ang ating wika.
Ang wika ay maituturing na pinakamabisang kasangkapan sa ating pakikipag-komunikasyon sa ating kapwa. Ang wika, pasalita man o pasulat ay magiging sandata natin sa ating pakikihamok sa mga hamon ng buhay. Ang wika ay binubuo ng mga titik at simbulo na kapag pinagsama-sama ay maipapahayag natin ang mga nararamdaman natin sa ating pamilya, kaibigan, o kung sino pa man na kakilala natin. Kung nakakasugat siguro ang ating mga winiwika, kung yung mga sinasalita natin ay tunay ngang nakakahiwa, napakarami na sigurong nakahandusay sa sahig, nagilitan na ng mga ugat, mga bangkay na silang malamig. Lahat na siguro tayo ay nadakip na rin ngayon, ikukulong sa malamig na piitan sa napakahaba ngang panahon. Mapagbayaran lang natin ang mga salita nating makasalanan, mga katagang kutsilyo na sa dibdib ng iba’y ating iniwanan. Malaya pa naman tayong mga Pilipino, malaya pang magsalita, malaya pang ihayag kung ano ang ating ginugunita, malaya pang bumulyaw kahit makasakit man ng damdamin, malaya pang pumatay ng mga pangarap at sumira ng pag-asa, malaya pang ipadama na kumpara sa lahat, mahusay tayo, at yung ibang natitira, lahat sila, inutil na.
 Pandudusta, panlalait, mga panghahamak, mga nasisirang pangako at pakunwaring pagbabalak, patalim na matalas nga minsan ang binibitawan nating salita. Hindi natin ikaaangat ang pangmamaliit sa iba, magaling man ito magsalita ng ingles, o tagalog, tayo ay pareparehas lamang ng pinang-galingan. Mga Pilipino tayo, hindi natin ikadadakila kung dudurugin natin ang isa’t isa gamit ang ating pinagmamalaki na wika. Gamitin ang ating wika upang makahilom ng sugat, upang matuto ang iba, sa pagkabulag ay mamulat. Matalino ang marunong makinig, palakasin ang mga loob ng mga gumuguho ang daigdig, kaya kung maaari upurin na natin ang ating mga matatalas na bibig.




















