Tic toc tic toc tic toc
Wala kang ibang magawa kung hindi titigan ang orasan na tila ba'y bibilis ito kung iyo lamang pagmamasdan. Maghihintay sa isang bagay na akala mo'y mangyayari at sa iyo'y ibibigay kahit na ika'y nariyan lamang na nakabantay. Kumilos ka bago mahuli ang lahat. Kumilos ka hangga’t kaya mo pa. Kumilos ka. Gumising ka sa katotohanang hindi mo hawak ang oras. Gumising ka sa katotohanang mabilis lilipas ang panahon at hindi mo mamamalayang nakalipas na pala ang tamang pagkakataon. Hindi mo marahil naiisip na sa bawat segundong lumilipas ay mahalaga. Sa bawat segundong lumilipas, malaking oras na ang nawala. Paano na lamang kung ang isang segundong iyon pala ang babago sa iyo? Paano kung ang isang segundong iyon ang siyang magbibigay sa iyo ng lakas o inspirasyon para mabuhay, para lumaban, para maniwala at muling magtiwala? Kaya tumigil ka sa kaiisip ng mga bagay na siyang pipigil sa iyong abutin at gawin ang mga nais mo. Tumigil ka sa paghihintay at simulang kumilos. Bangon na. Kilos na. Simulan mo na ang paglalakbay habang may oras pa.








