Philosophy sa wikang Filipino
Dahil nga ito ay isang blog sa wikang Filipino at Ingles, magppost naman ako ngayon ng nakasulat sa Filipino.Ā
Nagpapahayag: Hindi ako isang dalubhasa sa wikang Filipino kaya nama'y iyong pagpasensyahan na lamang sa anumang kamalian aking magagawa.
Mayroon akong ilang mga katotohanang ipagtatapat sa inyo bilang aking mga unang mambabasa.
Kasisimula lang ng aking klase sa Pilosopiya kahapon. At kung ikaw ay nakatira sa Pilipinas, malalaman mong ang UP o Unibersidad ng Pilipinas lang ang nagsimula ng klase ngayong linggo dito sa bansa.
Kadalasan, ang paksang ito ay itinuturo sa wikang Ingles. Maligayang-maligaya akong nagpatala sa CRS sa ilalim ng Philo 10.Ā
Laking gulat ko nalang ng hanapin ko sa website ang lokasyon ng silid-aralan namin dahil nakita kong sa ilalim ng Philo 10 ng seksyon ko ay nakasulat ang mga salitang,Ā in Filipino.
Aaminin kong nalungkot ako ng todo dahil hindi ako sanay mag-aral sa wikang ito at lalong-lalo na ng isang paksang ngayon ko lang narinig pero pinagkakainteresan ko.
Simula ng oras na 'yon hanggang sa oras na nasa AS (Palma Hall) na ako at nakikinig sa propesor namin ay ang tumatakbo pa rin sa isipan ko ay, bakit ako pa ang napunta sa klaseng 'to? Bakit kailangan pa ng propesor kong magturo sa Filipino, nang, ayon sa kanya, ay ngayon lang niya gagawin sa 21 taong pagtuturo ng Pilosopiya?Ā
Ilang beses pa nadurog ang puso ko pagkatapos: nang marinig ko sa nagkukwentuhang blockmates ang isang nakakatuwang pangyayari sa klase nila sa Philo 10 in English, nang mabasa ko sa isang post ang isang linyang sinabi ng kanyang propesor sa wikang Ingles, at nang makita ko sa skedyul ng isang blockmate ang Philo 1, na sana ay nakuha ko nalang din sa halip na...
Gayunpaman, naniniwala ako na ang lahat ng bagay ay may dahilan. Okay lang 'to, sinasabi ng isip ko sa aking sarili.Ā
May pamimilian naman sana ko: kaya kong umalis sa klaseng ito pero hindi na maibabalik ang pera na pinaghirapan ng mga magulang ko. 'Wag na lang.
Isang dahilan kung bakit hindi ko talaga napupusuan mag-aral ng Pilospiya sa Filipino ay dahil hindi ko maipahayag ang sarili ko ng mas malinaw sa wikang Filipino.
Bagama't sanay ako sa wikang Filipino magsalita habang nakikipag-usap (o daldalan) sa aking mga kaibigan, kapag nagpapaliwanag ako o nag-iisip ng malalim, kadalasan ay mas naipapahiwatig ko ang aking sarili sa wikang Ingles.
Siguro ay nakahihiya ang kalagayan ng kakayahan ko sa sarili kong wika. Nahiligan ko kasing magbasa ng mga nobela sa wikang Ingles. Marami pa kong dahilan pero hindi ko na papahabain pa ito.
Hind ko, sa anumang paraan, iniinsulto ang wikang Filipino. Sa katunayan nga ay wala akong kasanayan dito kaya naman hindi ko gusto ito bilang MOI ng Philo. Mas gugustohin ko sanang pag-aralan muna ng ang Filipino bilang wika para pagyabungin pa ang kaalaman ko sa pagpapahyag ng sarili bago itong Philo pero wala na kong magagawa.
Ang hiling ko sa pananatili ko sa klaseng Philo 10 in Filipino ay marami akong matutunan, maging masaya ako habang natututo at maging maligaya sa hindi ko pag-alis sa klaseng ito. (Nota: Insentibo na lang siguro ang 1.0. Haha. Palaasa.)
Alam kong hindi ako pababayaan ng Diyos dahil itinuro N'ya ako papunta rito, papatnubayan N'ya kong pagdaanan ito hanggang sa dulo dahil Siya ay matapat.












