Ayaw kong isipin na ito na yung tuldok sa istorya natin. May natitira pa rin namang pag-asa, kahit na sobrang liit na lang, na tayo ay magkakaayos pa. Hindi ako sanay na wala ka na sa room natin. Wala na akong kadaldalan, nakakabingi na yung katahimikan. Gusto kitang kausapin ng harapan pero mukhang ayaw mo naman. Sabi nila bitawan ko na daw yung ating pagkakaibigan, kesa daw naman ako ay masaktan. Sabi pa nila bumitaw ka na nga daw, bakit pa daw ako nakapit. Bakit nga ba? Kasi ikaw sa akin ay mahalaga. Sana kinausap mo man lang ako di ba? At sinabi ang iyong mga hinanaing. Na nagseselos ka pala kapag iba yung kasama ko. Na ang nararamdaman mo ay pamalit ka lang. Hindi ka kahit kailanman pamalit. Hindi ka reserba. Sana hinayaan mo akong magpaliwanag.
Ayaw kong mawala ka. Kahit na tinanggal mo na ako sa buhay mo. Kahit na inunfollow mo na ako sa twitter. Kahit na sabihin nila na magmumukha lang akong tanga sa patuloy na paghihintay ng pagkakataon na maayos pa rin itong sitwasyon. Kahit na iniiwasan na natin pansamantala ang isa’t isa kasi ‘awkward’. Kahit na nagpaalam ka na.
Importante ka sa akin. Kaya sana bumalik ka na.














