Nagkita’t nagkakilala, doon tayo nagsimula. Tayo’y nag-usap, umaga hanggang gabi. Napagtanto ko sa aking sarili kung ano ba ito? Ano ba ang narararamdaman ko?
Binalewala at hindi muna inisip ang nararamdaman, ang pagkakataon ay sinulit sa akalang ito ay walang hangganan. Dumadali pa rin sa isipan ngunit unti-unti kong napapansin ang aking tunay na damdamin, ito na kaya? Ito na ba kaya?
Ang bigat ng damdamin ay lumaki sapagkat iniisip kong may kahahantungan itong ating gawain. Sa muli ako’y nag-isip kung ito ba ay aking dapat ng sabihin. Awang-awa sa aking sarili dahil nagkaroon ng damdaming hindi inaasahan. Isang damdaming makapapahamak at makabubuti sa aking kaligayahan.
Sinabi na ang katotohanan at sa wakas, ang aking damdamin ay iyong nalaman. Reaksyon mo’y hindi ko maintindihan kung itong pag-amin ko’y may magandang patutunguhan.
Ang magdamagang usapan natin ngayon ay hindi na kasingdalas ng nakaraan. Naisip ko’y nalagyan ito ng ilang o hiya mo sa akin dahil sa aking pag-amin. Hinayaan ko na ito sa kaunting sandali ngunit ako’y naiwang nagtatanong sa aking sarili.
Binuksan ko ang usapan tungkol sa damdamin kong atat na atat malaman ang katotohanan ngunit ikaw ay palaging lumilihis at naghahanap ng ibang mapag-uusapan.
Baka mamaya’y magpaikot-ikot lang tayo at hahantong din sa dulong hindi kanais-nais. Sabihin mo na ang totoo para matapos na ang aking pusong gulung-gulo. Sabihin mo nang diretso at walang halong paliguy-ligoy. Ito ang paulit-ulit na pakiusap ng ayaw pang masaktan muli.
Hindi ko narinig ang iyong damdamin. Sa ilang beses kong paulit-ulit na pakiusap, hindi ko pa rin narinig ang tunay mong damdamin mula sa iyong tinig. Ako na mismo ang nagsabing kahit anuman ang tunay mong damdamin ay aking tatanggapin basta’t malaman ko talaga ito mula sa iyo at hindi sa iba. Ang masakit man na katotohanang wala kang nararamdaman sa akin ay aking lubos na tatanggapin pero pinilit mo pa ring manahimik.
Huminto na akong malaman ang totoo at kasabay nito ang pagtigil ng ating pag-uusap. Sa huli nating pagkikita’y may kasama ka ng iba. Bakas na siguro ang iyong nadarama para sa kanya dahil nakita ko rin naman sa kanya ang kanyang nararamdaman para sa iyo. Sana’y magtagal kayo ngunit kung hindi man kayo magtagal, uulit-ulitin ko ang aking pakiusap na sana’y huwag ka na magpaikot-ikot pa.
Ang paulit-ulit ko namang pakiusap sa akin ay sana’y matigilan ko ng isipin ka kahit papaano.