Ayokong Buksan ang Gate!
Ang takot, hindi basta-bastang sumusulpot.
Kahit kakaiba ang takot mo—takot man sa dilim, sa clown, o sa kung anu-anong hayop, lahat ng ito ay may dahilan. Takot ang mga tao sa dilim dahil hindi natin nakikita ang laman nito. Maraming takot sa mga clown dahil sa kapal at dami ng kolorete sa kanilang mga mukha. May mga takot sa mga piling hayop—minsa’y aso, ahas, leon, at iba pa—dahil ayaw nilang masaktan dahil sa mga hayop na ito. Ayaw nilang makagat, masakmal, o mamatay dahil sa mga ito.
Grade 11 ako nung naitanim ang takot ko. Hindi naging masagana ang taong na iyon—sa totoo lang, nahirapan ang pamilya ko sa dami ng gastusin na nagpatung-patong sa mga nakalipas na taon. Ang totoo’y kahit kailan, hindi ko nakita ang aming pamilya bilang isang mayaman at magarang pamilya, kahit na seaman ang tatay ko. Karamihan ng pera namin ay napupunta sa pagbabayad ng mga loan para sa iba’t ibang bagay, gaya ng bahay, kotse, o mga appliances. Madalas ding magpaayos ang nanay ko ng bahay noon, dahil medyo may edad na ang bahay naming, at nagkakaroon ng mga maliliit na sira.
Umuwi ako noon at nagsimulang mag-cellphone. Wala kaming Internet sa bahay, kaya’t bihasa ako sa paggamit ng mobile data. Oo, mahal, pero para sa estudyanteng namumuhay sa 21st century, napakahirap na isiping hindi ka gagamit ng Internet. Sa isang gabi lang na hindi ka makapag-online, napakaraming mangyayari—maaaring mag-announce na may quiz, maaaring may umaway sa iyo, o magbigay sa iyo ng maraming puri. Ako, noon, Twitter lang ang gamit ko. Wiling-wili kasi ako sa convenience ng app na iyon; hindi nakakasawang tumingin sa mga laman dahil ilang segundo lang ang kailangan ko upang makita ang napakaraming mga bagay.
Natigil ako sa pag-browse nang may narinig akong sigaw mula sa labas. “Tao po”,” sigaw nito—at hindi normal na sigaw iyon. Galit. Galit siyang sumisigaw, at kasama ng kanyang pagsigaw ang pagpalo niya sa gate namin. Maaaring makalimutan ko ang mga detalye—kung anong suot ko, suot niya, kung anong kulay ng gate, o kung anong araw iyon, pero hinding-hindi ko makakalimutan ang naramdaman ko nung panahong iyon.
Mag-isa pa nga ako nun sa bahay—natiyempuhan niya kong walang matatakbuhan. Unang beses yun na nangyari sa akin. Takot talaga ako. Takot na takot. Namawis ang aking mga kamay, at tumayo ang aking balahibo. Oo, kakaibang pakinggan, pero totoo. Sa panahong iyon, hindi ko talaga alam ang gagawin ko.
Kaya’t lumabas ako at kinausap ang babaeng kumakalampag sa gate namin. Hindi ko maipagkakailang nagulat at nairita ako sa kanya. Hindi ba siya nahihiya na nag-e-eskandalo siya sa tapat ng bahay namin na nakakandado? Hindi ba siya nahihiya sa kapitbahay namin na sinigawan siya ng “ang ingay mo!”?
Mukhang hindi.
Medyo may edad na yung babae. Maiksi yung buhok niya, at kulot ito—parang yung tipikal na pixie cut ng mga mas nakatatandang mga babae na madalas makita sa binguhan sa Olivarez. (Oo, nagbibingo rin siya.) Naka-daster siyang floral habang may nakapulupot na shoal sa balikat niya. Actually, lagi siyang naka-daster na floral tuwing pumupunta siya sa amin. Hindi lang naman ito isang beses lang na nangyari. Sa sobrang dami, hindi ko na mabilang.
May hiniram daw ang nanay ko sa kanya. Sixty thousand pesos daw, at hindi pa niya nababayaran ang parte niya para sa buwan. Maliban sa takot, nakaramdam ako ng inis. Para sa akin, hindi sapat na halaga iyon para magwala sa tapat ng bahay nain, at mangkalampag na parang sinubukan namin siyang takbuhan—e ang bahay nga niya’y ilang minuto lang mula sa amin! Kahit kailan, pwede silang mag-usap ng nanay ko! At ang icing on top of the cake? Isang linggo pa lang ang dumadaan sa deadline.
Nagtanim ako ng galit sa kanya simula noon.
Gaya nga ng nasabi ko kanina, hindi lang ito isang beses nangyari; madalas niya itong gawin, lalo na kapag natatagalan sa pagbayad sa monthly na deposito sa kanya, kahit tatlong araw lang. Dumating sa puntong kahit kami ang may hiniram sa kanya, kami ang tumawag ng barangay tanod (at ang barangay tanod ay tumawag ng pulis) para paalisin at kausapin siya, kasi hindi namin siya mapaalis sa tapat ng bahay namin.
Ano nga bang laban ng isang bata sa isang matanda? At ano ang laban ng ina sa kaaway kung ang anak na niya ang inaatake? Ano ang laban ko sa tindi ng takot na pumapalibot sa katawan tuwing nakakarinig, nakakakita, o nakakabasa ng anumang mula sa kanya?
Kakaiba ang takot na nararamdaman ko tuwing naririnig ko siya, o kung anumang bagay na nagpapaalala sa akin sa kanya. Hindi ko inaakalang magkakaroon ako ng takot na kaya akong gawing walang kwenta—nakahiga, nagtatago, daig pang pagong sa nais na pumasok sa sariling kwadrado.
Sa totoo lang, hindi ko nakikita sa sarili ko dati na mahina ako. Anumang problema ay nahaharap ko ng walang pangamba, kaya’t malaki ang naging epekto ng problemang ito sa pagtingin ko sa aking sarili. Pakiramdam ko ay nawalan ako ng tiwala sa sarili ko at sa ibang tao—sa nanay ko, dahil sa paglilihim niya, sa tatay ko, dahil sa kahinaan niya sa pagharap sa situasyon, sa kapatid ko, sa kawalan niya ng pakialam, sa mga kamag-anak, dahil sa paglimot nila sa amin sa segundong may pumutok na problema.
Lalo na sa mga tao, dahil sa pagbabagong kaya nilang magawa para lang sa pera.
Binayaran niya ang babaeng yun. Sa totoo lang, ayoko ngang binarayaran pa niya. Sinabi rin ng kapitan ng barangay namin na huwag na raw siyang bayaran, at magreklamo kami sa DSWD dahil pinagmumura niya kami ng kapatid ko… at pumunta nga kami.
Namulat ako noon sa kawalan ng facilities ng gobyerno. Walang mga upuan para sa mga nag-iintay. Walang mga taong mag-aasikaso sa iyo, at ikaw pa mismo ang maghahanap ng mga tao. Walang tamang tanggapan gaya ng Women and Children’s Desk. Walang tao sa opisina ng DSWD.
Matapos naming magbigay ng statement sa pulis (dahil wala ngang tao sa DSWD), nag-file kami ng temporary restraining order laban sa kanya. Tuwing nakikita ko siya, kinakabahan ako at nawawalan ako ng ganang gumalaw. Siguro nga’t na-trauma ako sa kanya—at lalo na sa bagay na unang nagpakilala sa akin sa kanya: ang pagkalampag niya sa gate.











