LITERARY: Tahanan
Tandang-tanda ko pa rin ang amoy ng mga basang halaman sa umaga tuwing akoây pumapasok noon sa elementarya. Sa lumang building pa iyon, noong hindi pa mall ang pinupuntahan ng mga estudyante kundi isang paaralang payapa at puno ng alaala. Ang UPIS sa Katipunan. Doon ko unang naranasan ang magmuni-muni sa umaga kasama ang huni ng mga ibon habang hinihintay dumating ang aming guro. Doon din ako unang nakabili ng rebisco galing sa tindahan ni Aling Norms na nasa maliit pang kubo. Sa canteen din ng building na iyon ko unang natikman ang frozen Choc-O na talagang pinipilahan naming magkakaklase. Syempre, hindi ko rin malilimutan ang malawak na lugar namin para maglaro ng agawan base, chinese garter, 10-20, at iba pang maisip namin kapag uwian na. Kapag umuulan naman at basa ang damuhan, sa guidance room kami nagpapalipas ng oras habang naglalaro ng sungka na doon ko rin natutunan laruin. Tuwing nagbabalik-tanaw ako sa mga nangyari sa lugar na iyon ay napapangiti ako. Noon, tinitingala ko lang ang mga highschool na mag-aaral doon dahil mukha man silang hirap sa kanilang mga ginagawa lagi, nagagawa pa rin nilang ngumiti kapag kinakausap nila kami. Hindi ko lubos maisip na kami na ang mga taong iyon ngayon ngunit wala nang huni ng mga ibon sa umaga, hindi na sa munting kubo nagtitinda si Aling Norms, wala nang frozen Choc-O sa canteen, at wala na ring malawak na laruan o sungka sa guidance room. Wala kaming kamalay-malay noon na ang tahanang aming minahal ay mawawala pala nang ganoon lang sa amin. Isang araw, bigla na lang kaming pinalipat ng building. Syempre, dahil mga bata pa kami noon, tuwang-tuwa kami sa bagong nakikita ng aming mga mata. Ngunit, habang akoây tumatanda ay unti-unti kong naramdaman ang lungkot na dulot ng paglisan namin sa lumang tahanang iyon. Nanghihinayang man sa lumang building namin na UP Town Center na ngayon, hindi ko maipagkakaila na masarap ding balikan ang mga alaalang nabuo namin sa kasalukuyang building ng UPIS. Ang UPIS sa loob ng UP Campus. Busina man ng mga sasakyan sa Katipunan ang bumubungad sa amin sa umaga, iba pa rin ang ligayang hatid ng bagong tahanang ito. Doon ako unang nakaranas na sumigaw sa gate para lang makabili ng pagkain sa kiosk sa gilid ng K-2. Sa canteen din ng building na iyon ko unang naranasan ang pagbabayad ng renta sa kutsara at tinidor dahil lagi kong nalilimutang magdala nito. Hindi ko rin malilimutan ang tensyon tuwing nagkakasabay ang dalawang batches na mag-ensayo sa Quad 1 at 2 kapag panahon na ng paghahanda para sa powerdance. Doon din ako una at huling beses na tinamaan ng frisbee disc dahil diretso lagi iyon sa canteen kapag walang nakasalo malapit sa stone benches. Malaki man ang kaibahan ng building na iyon sa dati, nagsilbi pa rin iyong tahanan sa amin. Noon ay aking napagtanto na marahil ang tahanan ay dala ng mga taong kasama mo at mga karanasang kayo lang ang may alam. Kahit saang building pa kayo manatili, basta kasama mo sila, nagiging tahanan ang turing ninyo rito. Bitbit ninyo ang tahanan kahit saan kayo tumungo dahil ang mga unang beses sa buhay ninyo ay ginagawa ninyo nang magkakasama. Tulad na lang ng mga lateral at VAAS na hindi man namin kasama sa dati naming tahanan, itinuring naman namin silang tahanan kalaunan. Ngunit, sa ating kasalukuyang sistema kung saan sa ating kanya-kanyang tirahan lang tayo pumapasok sa ating mga klase, tahanan pa rin ba ang turing ninyo sa ating paaralan? Ang UPIS sa virtual na silid-aralan. Dito ko unang naranasan ang matambakan ng gawain at umiyak sa harap ng screen. Dito ko lang din naranasan ang ma-miss ang aking mga kaibigan kahit na araw-araw ko naman silang nakakausap. Ngayon lang ako nahiwalay sa kanila nang ganito katagal. Dulot ng ating sitwasyon ngayon ay naisip ko na marahil ang tahanan ay hindi lugar o tao. Ito ay nararamdaman. Ito ay damdamin na nasa loob lang ng iyong pusoât isip kahit na magkakalayo kayo ng mga kasama mo rito. Hindi ninyo kailangan ng magarang building o pagkakataon para magkita-kita nang personal bastaât magaan ang loob ninyo, nakararamdam kayo ng pagtanggap, at handa ninyong patawarin ang isaât isa ay nasa iisang tahanan na kayo. Ang maliliit na bagay ang nagpaparamdam nito sa atin. Ang simpleng pakikinig nga sa mga sentimyento nila tungkol sa mga gawain sa klase ay maaari nang maghatid ng tahanan sa kanila. Hindi mo kailangang magsabi ng mga salitang makapagpapabuti ng nararamdaman nila o tulungan sila mismo sa kanilang mga pinagdaraanan. Tanging ang presensya mo at ang pakiramdam na naibibigay mo sa kanila tuwing hinahayaan mo silang maglabas ng mga hinaing na hindi nila masabi sa ibang tao ay sapat na upang maramdaman nilang nakauwi na sila sa tahanang inyong binuo.
Sigurado akong may nakararamdam din ng tahanan kapag iniisip ka kaya sana ay manatili kang bukas para sa lahat. Sana ay magsilbi tayong tahanang mauuwian ng ating mga kaibigan sa paaralan para magkakalayo man, ramdam pa rin natin na nasa iisang tahanan tayo kasama sila.
















