LITERARY: Paruparong Bughaw
“Bakit ba kasi kailangan pa nating umalis?” bulong ni Jay habang pinagmamasdan ang kapatagan ng bukid mula sa kanilang sasakyan.
Kalagitnaan ng Nobyembre nang kinailangang lumipat ng bahay ng pamilya ni Jay papunta sa kanilang probinsya. Taliwas ito sa kagustuhan ng mahiyaing binata sapagkat lumaki si Jay sa isang siyudad at hindi sanay makisalamuha sa mga tao. Dahil sa kahabaan ng byahe, hindi napigilan ni Jay na maipikit ang kanyang mapupungay na mata, hanggang sa wakas bago dumilim ay nakarating na rin sila sa kanilang destinasyon. Medyo maliit ang kanilang bagong bahay na may dalawang palapag kung ikukumpara sa kanilang lumang tirahan. Nagulat si Jay nang makita niya na marami-rami at magkakatabi rin ang mga bahay sa kanilang nilipatan sapagkat malayo ito sa kanyang inaakalang probinsya. Habang naglilipat ng gamit ang kanyang mga magulang ay kinuha ni Jay ang kanyang headphones at napagdesisyunan niyang libutin ang lugar. Nadaanan niya ang mga bukid ng palayan, ang kahabaan ng dalampasigan, at ang burol na katabi ng malawak na gubat. Hindi rin niya alam kung ano ang pumasok sa kanyang isipan at inakyat niya ang burol. Sa itaas na bahagi ay may malaking puno na may makakapal na dahon; kita rito ang buong probinsya na katabi ng karagatan at ang kalangitan kasama ang lumulubog na araw. Habang pinagmamasdan ni Jay ang tanawin ay nagulat siya nang biglang may sumulpot na dalaga sa kanyang likod.
“Haaah! Ikaw ba ‘yung bagong lipat dito?” sigaw ng babaeng nakaputing bestida habang pinagmamasdan ang binata mula ulo hanggang paa.
Kumunot ang noo ni Jay sa gulat at tiningnan nang maigi ang babae kung totoong tao nga ba ito. Morena ang kutis ng kanyang balat na nagkukulay kayumanggi tuwing nasisikatan ito ng palubog na araw, mahaba at purong itim ang kanyang buhok, at payat ang kanyang mga braso. Ngunit higit sa lahat, ang pinakakapansin-pansin na katangian ng dalaga ay ang mga mata nito na tila nagiging guhit sa tuwing siya’y ngumingiti.
“Ako si Grace, ikaw? Anong pangalan mo?” nakangiting sinabi ng dalaga kay Jay.
“Jay…” bulong ng binata bilang sagot pabalik.
“ANO!?! HINDI KITA MARINIG!” sigaw ni Grace para mawala ang tensyon ng kausap.
“Jay nga!” sabi ni Jay habang namumula ang kanyang tainga sa hiya.
“Ooooh!! Hehe, tingnan mo ‘tong nahanap ko oh,” nasasabik na sinabi ni Grace.
Dali-dali niyang ipinakita ang dalawang bilog na nakapatong sa dahon sa ilalim ng puno.
“Itlog ‘yan ng paruparo, astig ‘di ba? Tatlong araw ko nang inaabangan bumuka pero ang tagal eh. Sa tingin mo, anong kulay ng mga pakpak nito? Hula ko lang ha, sa tingin ko kulay puti,” dire-diretsong sinabi ng dalaga dahil sa pagkasabik.
Dahil madaldal at palakaibigan ang pagkatao ni Grace, hindi nagtagal ay nawala rin ang tensyon sa pagitan nilang dalawa. Nagkwento ang dalaga tungkol sa kanilang lugar at naglista siya ng mga dahilan kung bakit hindi dapat pagsisihan ng binata ang paglipat sa lugar. Napahalakhak na lamang si Jay habang pinagmamasdan si Grace na magkwento ng kung ano-ano. “Krrrngg!” tunog ng selpon ng ni Jay dahil tinatawagan na siya ng kanyang mga magulang. Hinahanap na siya ng mga ito sapagkat nakalimutan niyang magpaalam bago umalis at malapit na sumapit ang gabi.
“Oh, ano? Hinahanap ka na ba? O s’ya sige bukas na lang ulit, magkita nalang tayo dito at ipapakita ko sa’yo kung bakit ang paglipat sa probinsya na ‘to ang pinakatamang nangyari sa buhay mo hehe,” nakangiting sinabi ni Grace sa binata bago ito bumaba ng burol.
Nang gabing iyon ay bumuka ang mga itlog ng paruparo kasabay ng pagsalubong ni Jay sa kanyang panibagong simula.
Pangalawang araw ni Jay sa probinsya at buong araw niyang inayos ang kanyang magiging kwarto nang naalala niya ang kasunduan nila ni Grace na magkikita sa burol. Agad-agad na kinuha ni Jay ang kanyang bisikleta at nagmamadaling pumadyak patungo sa bago niyang kaibigan. Pagdating niya sa tuktok ay nakita niya si Grace na natutulog at napangiti na lamang siya habang hinahabol ang kanyang hininga. Nagising ang dalaga sa ingay ng paghinga ng binata at ngumuso.
“Late ka!” Sigaw ni Grace. “Bumuka pa naman na ‘yung mga itlog, oh! Halika, tingnan mo.”
Nanlaki ang mga mata ni Jay nang nakita ang maliliit at marurupok na uod na ginagawa ang buong makakaya upang mabuhay sa ibabaw ng dahon. Tumambay ang dalawa sa ilalim ng puno sa burol habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw. Madilim na ang paligid at tanging mga huni na lamang ng mga kuliglig ang naririnig sa paligid nang biglang may dumapo sa tuhod ni Jay. Unti-unting nagsilitawan ang mga alitaptap na dinadaig ang ilaw na hatid ng mga bituin na nagbibigay ng liwanag sa kadiliman ng paligid. Hindi naiwasan ni Jay na magulat dahil unang beses niyang makakita nito sapagkat wala nga namang mga alitaptap sa kinalakihan niyang siyudad. Napansin din niya ang langit na pinupuno ng mga kumikinang na bituin at nakalulula na kalawakan sa paligid nito. Magdamag na nagkwento si Jay tungkol sa kanyang buhay sa siyudad hanggang sa tawagan siyang muli ng kanyang mga magulang. Inabot ni Grace ang kanyang kamay sa binata at hinatak ito pababa sa burol patungo sa bisikleta nito.
“Aba? Ihatid mo muna ‘ko pauwi, babae rin ako, noh!” sabi ni Grace habang umaangkas sa likod ng bisikleta.
Dahan-dahang pumapadyak si Jay habang pinagmamasdan nila ang paligid sa ilalim ng kalawakan. Kapansin-pansin din ang mga alitaptap sa kanilang giliran na isa pang rason kung bakit kumpleto ang kanilang gabi. Doon nagsimula ang pagbabago ng laki at anyo ng mga uod ng paruparo.
Ilang araw ang lumipas at malapit nang makabisado ni Jay ang probinsya. Nasasanay na rin siya sa pang-araw-araw na buhay rito. Sinusulit na rin niya ang nalalabing mga araw bago magsimula ang kanyang klase sa susunod na taon. Nang araw na ‘yon ay nilibot muli ng dalawa ang probinsya, nagpunta sila sa kanilang paboritong kantina upang magmeryenda ng mainit na bilo-bilo. Pagkatapos ay pumunta sila sa bagong gawang plaza para tumambay. May malawak na palaruan na puno ng mga batang naglalaro na kanilang pinagmasdan. Hindi nagtagal ay nilapitan sila ng mga ito para ayain na sumali sa laro nilang piko. Ayaw sumali ni Jay sapagkat hindi siya pamilyar sa larong ito, ngunit inabot ni Grace ang kanyang kamay at ginabayan sa laro ang kaibigan. Bagaman mahirap sa simula, hindi nagtagal ay nasanay at natuwa na rin ang dalawa kasama ang mga bata. Muli na namang inabot ng gabi ang dalawa at nagbisikleta pauwi.
Matapos masanay ni Jay sa kanyang ganitong buhay ay oras na ng pagbabago. Naghanda na ang uod para sa panibagong yugto ng buhay nito, ang supot-uod. Binabalutan nito ang kanyang sarili bilang preparasyon sa hinaharap.
Matapos ang ilang linggong puno ng mga masasayang alaala ay ipinakilala ni Grace si Jay sa nursing home ng kanilang probinsya. Kilala ang dalaga ng tagapagbantay nito maski na rin ang mga lolang naninirahan dito. Nang araw na ‘yon ay naghahanda ang lahat para sa paparating na festival. Gumagawa ang mga matatanda ng maskara na gagamitin sa pagdiriwang.
“Oh apo, bakit ngayon ka lang, ha? Hindi mo naman sinabi na may ipakikilala kang lalaki sa amin ngayon,” biro ng isa sa mga lola sa nursing home.
“Ay mga Nanay, ito po pala si Jay. Kaibigan ko po at bagong lipat lang po sila rito sa probinsya noong nakaraang linggo,” pakilala ni Grace sa kasamang binata.
Ipinakilala rin ni Grace ang isa sa mga matatanda na si Lola Maria, kasalukuyang 79 taong gulang at may dementia. Unti-unti nang nakakalimutan ng matanda ang kanyang mga alaala maliban sa mga sandaling kasama ang kanyang mahal sa buhay na si Lolo Tenorio.
“Te-Tenorio ikaw ba ‘yan mahal?” lumuluhang sinabi ni Lola Maria at yumakap matapos niyang mapagkamalang si Jay bilang kanyang yumaong asawa.
“Kamusta ka?” sagot ni Jay at pinasan sa likod ang matanda. Naglibot ang dalawa sa hardin ng pasilidad at nag-usap.
Naikuwento ni Lola Maria ang kanyang masasayang alaala kasama si Lolo Tenorio-- kung paano sila nagkakilala hanggang sa kanilang kasal. Nabanggit ng matanda ang kanyang pinakaimportanteng aral na napulot sa buhay-- ang sulitin ang bawat sandali kasama ang ating mga mahal sa buhay. At pahalagahan kahit ang mga maliliit na bagay na bumubuo sa ating buhay. Agad-agad pumasok sa isipan ni Jay ang kanyang mga alaala kasama si Grace. Kung paano nito binago ang kanyang perspektibo sa buhay, na kahit sa mga pinakamadilim na lugar ay mayroon pa ring liwanag na darating-- kinakailangan mo lamang maghintay. At kung sakaling hindi man ito dumating, kaya mong maging liwanag ng sarili mong buhay at muling mahanap ang landas patungo sa pagbabago. Napagtanto ni Jay na ang kanyang nararamdaman ay unting-unti lumalalim at mas napapalapit siya kay Grace sa bawat araw na dumarating. Napagdesisyunan ng binata na aminin ito sa papalapit na pagdiriwang sa probinsya.
Hindi man halata ngunit papalapit na nang papalapit ang araw ng pagbuka ng supot-uod at ang marilag na pagbangon ng mga paruparo.
Nobyembre 29, ang araw ng festival ng kanilang probinsya. Nagkita ang dalawa sa burol at nagbisikleta papunta sa pagdiriwang sa plaza. Hindi maiwasang mamula ng tainga ni Jay sa tuwing sinusulyapan ang kaibigan na nakabughaw na bestida. Maaliwalas ang paligid na puno ng mga parol, mga banderitas na iba’t ibang kulay, mga tindahan ng pagkain at palaruan, at mga taong naglilibot. Nang makarating sa kanilang destinasyon, agad-agad na hinatak ni Grace ang kamay ng binata para libutin ang pagdiriwang. Nakita nila ang samu’t saring paninda gaya ng mga alahas, key chains, at iba pa. Tinikman din nila ang mga tindang putahe at mga kakanin, at sinubukan ang mga palaro. Matapos ay pinanood nila ang pagtatanghal ng mga mananayaw habang suot ang ginawang mga maskara ng mga matatanda sa nursing home. Bago matapos ang gabi ay niyaya ni Jay ang dalaga sa kanyang bisikleta upang pumunta sa dalampasigan para magsindi ng mga paputok at sparkle sticks. Rinig na rinig ang mga tambol at hiyaw ng mga tao mula sa plaza hanggang sa tabing-dagat. Pinagmasdan nila ang payapang dagat na umaalon sa kanilang paahan habang hawak ang kanilang dalang mga paputok nang biglang may umilaw sa kalangitan—mga fireworks mula sa plaza na isa-isang nagsilitawan. Natulala ang dalawa sa ganda at patuloy na pinagmasdan ang nakabibighani at marilag na sandali. At sa sandaling iyon, iisa lamang ang pumasok sa isipan ni Jay-- na hindi ganito ang kahihinatnan ng lahat kung hindi niya nakilala si Grace at nang dahil doon ay labis ang kanyang pasasalamat sa kaibigan. Umuwi ang dalawa nang may ngiti sa kanilang mga labi at dala ang panibagong alaalang maitatago hanggang sa pagtanda. Napansin ni Jay ang naiwang panyo ni Grace na sumabit sa kanyang bisikleta, kulay bughaw ito at may burda ng paruparo sa dulong bahagi. Ibinulsa niya ito at binalak na ibalik sa kanilang susunod na pagkikita.
Tirik ngunit hindi gaano kainit ang sikat ng araw, ramdam din ang malamig na simoy ng hanging amihan noong umagang ‘yon. Kaygandang araw para simulan at salubungin ang panibagong buwan, ang Disyembre. Hinanap ni Jay ang naiwang panyo ni Grace upang ibalik ito sa kanya. Agad-agad niyang kinuha ang kanyang bisikleta at nagtungo sa bahay nina Grace nang nagulat siya sa sumalubong sa kanya. May dalawang malaking truck at mga taong binubuhat ang nakakartong mga gamit mula sa bahay nina Grace. Nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita at nabitawan niya ang hawak-hawak na panyo. Hinanap niya ang kaibigan ngunit hindi niya ito makita, kaya nagtanong siya sa isa sa mga lalaking kargador.
“Ay, yung may-ari ba ng bahay? Naku boy, wala na. Nauna na sila sa siyudad,” sagot ng lalaki.
Hindi napigilan ni Jay ang kanyang mga luha habang pinapadyak niya ang kanyang bisikleta patungo sa kanilang tagpuan, umaasang makita roon ang kanyang kaibigan. Ngunit sa kasamaang-palad ay tanging puno lamang ang nasa ibabaw ng burol. Nilapitan niya ito at napansin niya ang dalawang paruparong bughaw na nagpapahinga sa ilalim ng puno. Naupo siya sa tabi ng puno habang pinagmamasdan ang mga ulap na isa-isa lumalagpas sa ibabaw ng mga bahay at bukirin. Nagpakita muli sa kanyang mga mata at imahinasyon ang kanilang mga ala ala, at napagtanto niya na wala pala siyang alam sa buhay at mga problema ni Grace-- mula sa nakaraan hanggang sa kasalukuyang lagay nito. Napabuntong-hininga na lamang si Jay nang biglang lumipad ang isa sa mga paruparo papalayo, habang ang isa naman ay piniling manatili sa puno.
Ayon sa pag-aaral, ang pag-uugaling ito ay tinatawag na migration kung saan kusang lumilipat ang mga hayop at insekto sa ibang parte ng mundo sa tuwing may papalapit na pagbabago. Habang ang kaso naman sa isang paruparo ay tinatawag na hibernation na pinipili ng mga hayop matulog nang matagal upang mareserba ang kanilang lakas buong panahon ng taglamig.
Masakit man at mahirap ang nangyaring pagpapaalam ng dalawa, tinanggap na lamang ni Jay ang pangyayari sapagkat naniniwala siya na ang tanging bagay na nananatili lamang sa mundo ay ang pagbabago. Magkabalintuna man, ang pagkasanay sa mga pagbabago sa buhay ay dapat nating matutunan. Pinanood ni Jay ang isang paruparo na lumilipad papalayo at pinili na lamang niyang maghanda sa taglamig na darating.
“Bakit ba kasi kailangan pa nating umalis?” bulong ni Jay habang pinagmamasdan ang kapatagan ng probinsya mula sa itaas ng burol.














