BIDA ANG SAYA
Noong ako ay bata pa lamang, madalas na kaming kumain sa Jollibee ng aking pamilya dahil ito kasi ang paboritong fast food restawran ni Papa. Tuwing may selebrasyon gaya ng kaarawan ng isa sa amin, dito kami sa Jollibee kumakain. Simula pagkabata ko ay dito na ipinagdiriwang ang aking kaarawan, ganoon din sa aking mga kapatid. Sa tuwing makakakuha rin ako ng karangalan sa paaralan, dito kami kumakain at ipinagdiriwang iyon. Naalala ko pa noong ako ay nakatapos ng elementarya bilang Salutatorian ng aming klase, dito kami kumain ng aking ninang at tita kasama ang aking pamilya, ngunit wala si Papa dahil siya ay nagtatrabaho sa ibang bansa. Naging masaya ang aming pagdiriwang noon habang kumakain. Noong nakatapos din ako ng ika-sampung baitang, dinala ako ni Mama dito para kumain, wala ulit si Papa dahil nga sa trabaho sa ibang bansa. Ipinagdiriwang namin ni Mama ang araw ng aking pagtatapos bilang 1st Honorable Mention ng aming klase at ibinalita na lang ni Mama kay Papa ang lahat ng ito, gayunpaman, naging masaya pa rin ang aming pagdiriwang.
Maraming masasarap na pagkain sa Jollibee. Napapawi ang lungkot ko kapag kumain ako rito. Isa sa aking mga paborito ay ang kanilang Chickenjoy at Spaghetti. Nagustuhan ko rin ang Choco mallow pie na bagong labas nila. Sa tuwing kami ay kakain dito, ganoon palagi ang aking pinapabili at sinasamahan ko ng extra rice. Kapag ako ay may problema o nalulungkot, isa sa mga paraan para maibsan ko ito ay ang "stress eating.” Madalas kaming kumain dito dahil mayroon malapit sa aming lugar, kaya isa na rin ito sa naging paborito ko. Sinasama ko minsan ang aking mga kaibigan at barkada para makipagkwentuhan sa kanila habang kumakain.
Naging isa na sa mga paborito ko nang kainan ang Jollibee dahil kay Papa na paborito rin ito. Masaya pa rin naman kaming pamilya kahit hindi kami kumpleto dahil nga ay si Papa ay nasa ibang bansa at nagtatrabaho para sa amin. Ngunit kapag siya naman ay pauwi na, isa ito sa mga gustong puntahan agad niya para kainan. Sabi nga sa tagline ng Jollibee, "Sa Jollibee, Bida ang Saya." Hindi kami ganoon kayamang pamilya pero kontento na kami na sama-samang kumain, lalo na kapag sa Jollibee. Kahit na minsan ay kulang kaming pamilya kapag kumakain dito, nandoon pa rin naman ang saya na naidudulot nito tuwing kami ay magkakasama.
— MJ Macaraeg // 26











