Kabisado ko na ang hugis ng katawan mo. Paano ba naman? Paulit ulit ko nang nakita ang iyong pagtalikod. Sabi nila malalaman mo kung sino ang gusto mo kapag siya lang yung nakikita o hinahanap mo sa mga taong nakapalibot sa iyo. Totoo nga siguro iyon, dahil sa pagkadami dami ng mga taong nakapalibot sa akin, ikaw pa rin ang hinahanap ng mga mata ko. Ngunit hindi ko alam kung hindi lang ako marunong tyumempo, dahil tuwing nakikita kita palaging ika’y paalis na. Nahuli na naman ako. Hindi ko nga din alam kung bakit hindi kita naaabutan, lagi namang inaabangan ang pagdating mo ngunit ang paglisan mo ang lagi kong nasisilayan. Minsan nga magugulat ako nandyan ka na pala.
Maramdaman ko naman sana ang pagdating mo. Makabisado ko naman sana ang hugis ng iyong mukha kahit sulyap lang. Para naman kahit sa ganoong paraan, makita mo na din ako.













