Alam mo bang mahal kita? Alam ko, hindi ko madalas na sinasabi, hindi ko madalas pinapakita pero...yun ang totoo. Peksman! Ikaw yata ang pinakapaborito kong ate! (well, my choice ba ako?)
   Naaalala ko pa noong mga bata pa tayo. Ayaw mo sa akin at mas ayaw ko sayo. Kung meron mang mga taong natural na pinaglihi sa aso't pusa, tayong dalawa na yata yun. Palagi kang galit sa akin noon. Sa isipan ko na ubod pa ng musmos noon, hindi ko maintindihan kung bakit. Lagi kang nakasimangot. Ni hindi mo ako matulungan sa school homeworks ko. Ayaw mong makipaglaro sa akin. Ayaw mo akong kasama. At mas lalo, ayaw mo akong yakapin. Alam mo bang ni minsan hindi mo ako niyakap noon? Yung bang para bang kahit life or death situation na, ang yakapin ako ang pinaka nasa dulo ng listahan mo bago gumuho ang mundo. Iniyakan ko yun ng maraming beses, alam mo ba yun ate? Wala si mama. Busy si papa. Bata pa si Dan. Ako lang mag-isa. At ni minsan, hindi ko naranasang mayakap. Ang pagiging hindi touchy ng pamilya natin (sa mga beso beso at yakap yakap) siguro ang dahilan kung bakit ako naging ganito ngayon. Isipin ko pa lang na makipagbeso beso kahit sino ay naasiwa na ako. Mas lalo pa ang pagyayakap yakap kahit sa mga simpleng bagay lang-- allergic ako. Ayokong hinahawakan. Hindi lang ako siguro sanay. Hindi mo kasi ako sinanay. Kaya pasensya na kung bumaliktad ang mundo natin. Alam mo ba yun ate?
   Elementary days, maraming araw na pakiramdam ko wala akong kapatid. Naaalala mo pa ba yung isang basket ng mga laruan ko noon? Hindi ko naiayos at nagalit ka. Binuhat mo yung isang buong basket na puno ng mga iniaangatan kong laruan at saka inihagis sa labas ng pinto. Nagkalat lahat ng laruan ko sa harap ng bahay at nasira ang iba sa kanila dahil sa lakas ng pagkakabagsak. Umiyak ako ate, alam mo ba yun? Pero masyado kang busy sa sarili mong galit kaya wala kang pakialam. Marami akong pusa noon-- lahat mahal ko. Naalala mo ba si Gray na namatay noong inapakan mo ang maliit nyang katawan? Naalala mo pa ba si Orange na sinipa mo at tumilapon sa mataas pader papunta sa kapitbahay? Umiyak ako ate. Alam mo ba yun? Pero hindi mo napansin dahil parati kang galit sa akin. Ilang beses kitang sinumpa noon. Nahawa ako sa galit mo sa akin. Buo na ang isipan ko na hindi tayo magkakasunod kahit kailan. Tubig ako at ikaw ang langis. Kahit kailan, hindi hindi tayo magsasama.Â
   Highschool days, nagbago ang ihip ng hangin kasing bilis ng papalapit palit na bagong bagyo sa bansa natin. Hindi ko alam kung saan nagsimula. Hindi ko na rin maalala kung ano ang dahilan pero...sa unang pagkakataon naramdaman ko na may ate na ako. Bumait ka sa akin. Nililibre mo pa ako at isinasama sa school nyo. Akala ko nga trip mo lang yun noon eh. Ang akala ko pa naengkanto ka lang. Pero noong nalaman kong totoo lahat ng yun...ang saya ko ate, alam mo ba yun? Palagi kang may dalang pasalubong na float galing sa Mcdo. Binibilhan mo pa ako ng CD ng mga korean drama at kung anu-anong movies. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla kang nagbago pero hindi ako nagrereklamo. Ang ganda ng ngiti mo ate. Alam mo ba yun? Sa unang pagkakataon naramdaman ko na gusto mo na ako. Na masaya ka na kasama ako. Na... mahal mo rin pala ako. Naging malapit tayo sa isa't-isa--isang bagay na sa hinagilap ay hindi ko naisip na mangyayari.
   Ngayon, iba na. Dati hindi ko naiintindihan kung bakit ganun na lang tayo mag-away noon. Pero ngayong matatanda na tayo, naiintindihan ko na ang lahat. Maraming salamat sa lahat ate. Sa mga aral sa buhay na ibinigay mo sa akin, sa mga experiences, sa mga girl talk at syempre sa walang sawa na panlilibre sa akin. Binibigay mo sa akin lahat ng walang kapalit. Kung ang iba may sugar daddy, ako may sugar ate. Alam ko na walang perpekto, mapatao man o kahit pa sa kahit anong relasyon. Nag-aaway pa rin tayo pero normal lang naman yun sa mga magkakapatid. Mahal na mahal kita, kayong dalawa ni Dan pati na si mama at papa. Pasensya na kung hindi ko mabigay yung yakap ko ah? Pang special occasion lang kasi yun eh kaya wag kang maarte. Hiling ko lang, sana mahanap mo na ang taong magpapasaya sayo. Lagot lang sya sa akin kapag sinaktan ka nya dahil ako ang makakaharap nya.Â
   Alam kong simula pa lang ito ate. Marami pa tayong haharaping mga pagsubok pero palagi mong tatandaan na hindi ka mag-iisa. Nandito lang ako sa likod mo, nakasuporta at nakaalalay sayo. Maswerte ako na ikaw ang ate ko. The best sister in the world! :D
Ang madrama mong kapatid,Â
P.S. Sexy ka na kaya wag ka ng masyadong magpapakasexy! Kinabog mo na nga ako eh! LOL